Mga Young Adult
Paggawa ng Mabuting Paghatol (Kahit sa Social Media)
Sa tulong ng Tagapagligtas, matututuhan nating humatol sa mga paraang nais Niya.
“Huwag manghusga.”
Madalas nating marinig ito sa mundo ngayon, kasama ang mga mensaheng nagsasabi sa atin na wala tayong karapatan na husgahan ang iba. Kahit na ang salitang paghatol ay iniuugnay sa maraming negatibong bagay. Ngunit bilang mga miyembro ng Simbahan ng Tagapagligtas, alam natin na ang paghatol ay isang bagay na ipinayo Niyang gawin natin—basta’t ginagawa natin ito sa Kanyang paraan.
Nang pagalingin ni Jesus ang isang lalaki sa araw ng Sabbath, malupit ang naging paghatol sa Kanya dahil ang batas ni Moises ay may mga restriksyon sa mga maaaring gawin sa araw ng Sabbath—at hindi naisip ng mga tao na kumikilos Siya ayon sa mga alituntuning iyon. Ngunit pinagalitan sila ng Tagapagligtas sa mabilis na paghahanap ng mali sa iba. Pagkatapos ay pinayuhan Niya sila na “huwag kayong humatol batay sa anyo, kundi humatol kayo nang matuwid na paghatol” (Juan 7:24; tingnan din sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 7:1–2).
Tulad ng mga taong humatol sa Tagapagligtas, gaano natin kadalas na hinahatulan ang iba sa mga maling paraan? Marahil ay higit pa sa iniisip natin! Dahil napakadaling hatulan ang iba, lalo na sa mundo ng social media, maaaring kailangan nating matutuhan kung paano ipamuhay ang payo ng Tagapagligtas na gumawa nang mabuting paghatol sa mundo ngayon.
Pagkilala sa Pagitan ng Mabubuti at Di-Mabubuting Paghatol
Ang paghatol ay bahagi ng ating kakayahang pumili. Maraming bagay ang kailangan nating gamitan ng paghatol sa buhay: mga bagay tulad ng pagpili ng trabaho, pagpapasiya kung sino ang makakasama at kung paano gugugulin ang ating oras, kung anong social media ang gagamitin, at kung anu-ano pa. Ngunit paano natin gagawin ang mga paghatol na ito—at sa huli ang lahat ng ating mga paghatol—nang mabuti?
Si Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ay nagbigay ng anim na patnubay kung paano gumawa nang mabuting paghatol. Malalaman natin kung gumagawa tayo ng mabubuting paghatol kung:
-
Ang mga ito ay “umiiwas sa paghahayag na ang isang tao [ay] nakasisigurado sa kadakilaan o … tiyak na daranas ng apoy ng impiyerno.”
-
Ang mga ito ay “ginagabayan ng Espiritu …, hindi ng galit, paghihiganti, inggit, o pansariling interes.”
-
Ang mga ito ay “saklaw ng ating pamamahala.”
-
Ang mga ito ay kinabibilangan ng “sapat na kaalaman sa mga katotohanan.”
-
Ang mga ito ay hindi tungkol sa mga tao kundi sa halip ay tungkol sa mga sitwasyon.
-
Ang mga ito ay “gumagamit ng mabubuting pamantayan.”1
Nagbigay rin ng gabay ang propetang si Moroni sa paggawa ng mabubuting paghatol: “Lahat ng bagay na mabuti ay nagmumula sa Diyos; at yaong masama ay nagmumula sa diyablo; sapagkat ang diyablo ay … nag-aanyaya at nang-aakit na magkasala, at patuloy na gawin ang yaong bagay na masama” (Moroni 7:12).
Kapag nag-i-scroll sa social media, pinag-iisipan ang pagkakaibigan, o nagpapasiya kung paano gugulin ang ating oras, bago gumawa ng isang paghatol, maaari nating tanungin ang ating sarili, ang post/tao/gawain ba na ito ay:
-
nagpapadama sa akin ng kapayapaan at kabutihan?
-
nag-aanyaya sa akin na gumawa ng mabuti?
-
tumutulong sa akin na mahalin ang Diyos at paglingkuran Siya?
Kapag naunawaan natin na ang lahat ng mabubuting bagay ay nagmumula sa Diyos, magagamit natin ang ating kalayaan para gumawa ng matatalino at mabubuting paghatol sa iba, sa ating sarili, at sa mga bagay na ginagawa nating bahagi ng ating buhay.
Pag-ahon Mula sa Paulit-ulit na Di-Mabubuting Paghatol
Ngayong natukoy na natin kung ano ang mabuting paghatol, ano ang magagawa natin kapag nakita natin ang ating sarili na mas madalas na gumagawa ng di-mabubuting paghatol? Narito ang ilang ideya:
-
Mag-ayuno mula sa social media. Mabibigyan kayo nito ng pagkakataong maghinay-hinay, magsaayos, at makipag-ugnayang muli sa iba sa tapat na mga paraan. Kapag nakikita mo ang mga tao sa labas ng social media, maiisip mo na sila ay tunay na mga tao na may tunay na paghihirap, at hindi mo na sila gaanong gustong hatulan.
-
Sa halip na mag-post tungkol sa iyong sarili, mag-post ng tungkol sa isang tao na mahal mo na nagbigay-inspirasyon sa iyo. Sabihin sa iba kung bakit mo hinahangaan ang taong ito. Binibigyan ka nito ng pagkakataong mas makita ang iba at mapagpala sa halip na magpasikat.
-
Piliing magbigay ng isang tunay at taos-pusong tugon araw-araw sa social media, ito man ay sa pagbibigay ng birthday wish, isang pagbati, o maging sa isang mabuting mensahe.
-
Laging may mga tao sa social media na masyadong marami ang ibinabahagi, tanging mga pambihirang bakasyon lamang ang ibinabahagi, may mga pamilyang tila perpekto, o madalas na makipagtalo. Bago tayo humatol, maaari nating itanong sa ating sarili, “Ano ang alam ng Panginoon tungkol sa taong ito, at ano ang matututuhan ko tungkol sa kanila?” Humingi ng tulong sa panalangin na makita sila gaya ng pagkakita Niya sa kanila. At kung ang kanilang mga post ay patuloy na nagbibigay sa iyo ng mga negatibong damdamin, maaari mo silang i-unfollow kahit anong oras.
Kapag nakikita natin ang lahat kung ano talaga sila—mga anak ng mga magulang sa langit—ang ating mabababaw na impresyon sa kanila ay magiging walang-hanggang pananaw. Mayroong kapangyarihan sa pag-unawa ng tunay na pagkatao at layunin ng bawat isa. Tulad ng ipinaalala sa atin ni Sister Michelle Craig, Unang Tagapayo sa Young Women General Presidency:
“Kayo ay may banal na katangian at layunin na akma para sa inyo. …
“Madaling ihambing ang ating sarili sa iba. Palaging may isang taong tila maayos ang lahat sa buhay nila o mas mahalaga kaysa sa atin. Ngunit madalas ay nalilimutan natin na ang layunin nila ay naiiba kumpara sa ating layunin. Kapag sinisikap nating mamuhay nang tapat ayon sa kung sino talaga tayo—kapag naunawaan at pinahalagahan natin ang mga kaloob at talento ng Diyos na natatangi lamang sa atin bilang mga indibiduwal—kung magkagayon ay talagang mararanasan natin ang kagalakan.”2
Sa huli, ang pag-iwas sa paulit-ulit na paghatol sa social media ay kailangan ng ating pagsisikap. Kailangan nito ng pagtuon sa ibang tao para maantig ang buhay ng iba. Kailangan nito ng pagtulong sa iba at pagbabahagi ng Liwanag ni Cristo. Sa paggawa nito, hindi lamang natin pinaglilingkuran ang iba, kundi nagiging mas maganda rin ang pakiramdam natin sa ating sarili.
Pagdaig sa Paghatol sa Sarili at sa Nakalalasong Paghahambing
Ang isa sa mga mabisang kasangkapan ni Satanas ay ang pagsisikap na hadlangan tayo na magkaroon ng tunay na pagkaunawa sa ating totoong identidad. Kapag hindi natin nakikita ang ating tunay na identidad, maaaring halinhinan ng panghuhusga at pagpuna sa sarili ang damdamin ng pagkahabag at pagmamahal sa sarili. Lumalayo tayo sa iba, sa ating sarili, at maging sa Espiritu Santo.
Sa katunayan, ang paghahambing ay hindi laging tungkol sa mga taong pinaghahambingan natin ng ating sarili; ito ay madalas na tungkol sa ating sarili at sa ating pakiramdam na tayo ay mas mababa sa iba. Sa katotohanan, ang paghahambing na ito ay maaaring isang hindi mabuting paghatol sa ating sarili.
At habang ang paghahambing ay maaaring maging isang magnanakaw ng kagalakan,3 ang malaman ang ating kahalagahan, ang ating mga kalakasan at talento, at layunin ng Ama sa Langit para sa atin at kung ano ang maaari nating kahinatnan ang susi sa kagalakan.
Ginugol ng Tagapagligtas ang Kanyang buhay sa paggawa ng mabuti (tingnan sa Mga Gawa 10:38). Nabuhay Siya para sa iba, na walang kapintasan. Subalit Siya ay pinagsalitaan at hinatulan pa rin. Ngunit dahil alam Niya kung sino talaga Siya at kung ano ang Kanyang layunin, nagawa Niyang harapin ang paghatol nang maayos, nang hindi ito hinahayaang hadlangan ang dapat Niyang gawin.
Kapag sinunod natin ang Kanyang halimbawa, magagawa rin natin iyon! Pinadadali ng mundo na ituon ang ating sarili sa paghahambing at paghatol at kalimutan kung sino tayo, ngunit maaari tayong matuto sa itinuro ni Sister Joy D. Jones, Primary General President: “Kung ang pagmamahal na nadarama natin para sa Tagapagligtas at sa ginawa Niya para sa atin ay higit pa sa lakas na ibinibigay natin sa mga kahinaan, pagdududa sa sarili, o masasamang gawi, tutulungan Niya tayong madaig ang mga bagay na nagsasanhi ng pagdurusa sa ating buhay. Inililigtas Niya tayo mula sa ating sarili.”4
Tulad ng nalalaman natin, “Ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 18:10). Ngayon palitan ang salitang mga kaluluwa ng iyong sariling pangalan. Pag-isipan iyan sandali. Alam ng Ama sa Langit ang iyong pangalan, alam Niya ang iyong kahalagahan, at ang Kanyang Bugtong na Anak ay namatay para sa iyo dahil ikaw ay ganoon kahalaga sa Kanya.
Kaya’t kapag tila mabigat ang pasanin mo at nagsisimula ka nang maghambing, lumapit sa Kanila at madarama mong mawawala ang pagdududa at paghatol sa sarili at madarama ang tunay na tiwalang nagmumula sa kaalaman ng iyong walang-katumbas na kahalagahan.
Pagbaling sa Tagapagligtas
Maaari tayong bumaling palagi sa Tagapagligtas para sa paggabay sa lahat ng ating ginagawa. Bahagi ng iniaalok Niya sa atin sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala ay ang kapangyarihang nagbibigay-kakayahan para magbago at malaman kung paano gawin ang lahat ng ipinagagawa Niya sa atin. At kapag pipiliin nating sumunod at lumapit sa Kanya, tutulungan Niya tayong matutuhang iwasang gumawa ng masasamang paghatol at makita ang iba—at ang ating sarili—gamit ang Kanyang mga mata.