2022
Tagumpay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo
Oktubre 2022


“Tagumpay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo,” Liahona, Okt. 2022.

Tagumpay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo

Ang gawaing misyonero ay maaaring kasingsimple ng “pagmamahal, pagbabahagi, pag-anyaya.”

pamilya at mga kaibigan na nagtipon para sa binyag

Sina Eddie at Christina (kaliwa) ay naging kaibigan nina Brent at Jessica (gitna) at ng kanilang pamilya nang lumipat sila sa ward. Si Brent ay nabinyagan kalaunan ni Eddie.

Nang lumipat ang isang bagong pamilya sa kanilang ward, nagpasiya sina Eddie at Christina Brouse na kilalanin sila. Pagkatapos magsimba, nilapitan ni Christina si Brent Vickers at nakipag-usap dito. Hindi nagtagal, sumama sa kanila ang kasintahan ni Brent na si Jessica Espinoza. Dahil kapwa may mga bagong silang na anak na lalaki, agad na naging magkalapit sa isa’t isa sina Christina at Jessica.

Sabi ni Eddie, “Si Brent ang matangkad na lalaking maaaring kinatatakutan ng ilang tao, pero nadama ko lang na napakabait niya. Naalala ko na naisip ko na ito ay isang tao na talagang gusto kong mas makilala pa.”

Nang maging magkaibigan ang mga pamilya Brouse at Espinoza/Vickers, madalas nilang anyayahan ang isa’t isa sa hapunan. Isang gabi, ipinaliwanag nina Brent at Jessica ang kasaysayan ni Brent sa ebanghelyo. Naturuan na si Brent ng mga missionary lesson ilang taon na ang nakararaan dahil si Jessica ay miyembro na ng Simbahan, at bagama’t nasiyahan siyang makipagkita sa mga elder, nagpasiya siyang huwag mabinyagan noong panahong iyon.

Sa panghihikayat ni Jessica at ng pamilya Brouse, nagpasiya si Brent na makipagkitang muli sa mga missionary. Nagpatuloy siya sa mga lesson ng missionary hanggang sa punto na nagpasiya sila ni Jessica na kailangan nilang makasal. Sinuportahan ng pamilya Brouse ang desisyong ito at patuloy na sinuportahan si Brent sa pakikipagkita niya sa mga missionary. Sina Brent at Jessica ay ikinasal noong Hulyo 2019 ng kanilang bishop na si Eddie Brouse.

Nang may pag-iingat sa kaligtasan dahil sa pandemyang COVID-19, nakapagsama-samang muli ang mga pamilya. Binanggit ni Jessica sa mga Brouse na sa tingin ni Brent ay handa na siyang magpabinyag. Kinumpirma ng ngiti ni Brent ang pahayag na ito.

Sabi ni Christina, “Agad naming tinawagan ang mga sister missionary at sinabi sa kanila na gusto ni Brent na magpabinyag. Miyerkules noon, at pagdating ng Sabado, nabinyagan siya.”

Nagpatuloy siya, “Noong araw ng kanyang binyag, niyakap kami ni Brent nang napakahigpit. Naaalala ko na lubos akong nagpasalamat na tinulutan nila kaming maging bahagi ng paglalakbay na ito kasama ang kanilang pamilya.”

Hindi nagtagal matapos mabinyagan si Brent, nagpahayag si Jessica ng interes na pumunta sa templo. Matapos makipag-usap sa mga lider ng ward at makibahagi sa temple preparation class ng kanilang ward, natanggap ni Jessica ang kanyang endowment sa Orlando Florida Temple matapos alisin ang mga restriksyon sa COVID-19.

Napanibago rin ng mga magulang ni Jessica ang kanilang temple recommend at nakasama nila sa templo si Jessica. Natanggap din ng nakatatandang anak nina Jessica at Brent na si Eli ang Aaronic Priesthood.

Nang simulan ni Brent na tumanggap ng mga lesson para sa mga bagong miyembro at makibahagi sa gawain sa family history, nakita niya ang mga pangalan ng kanyang mga kapamilya na dadalhin sa templo. Pumanaw ang ama ni Brent kamakailan, kaya naghahanda si Brent na gawin ang gawain sa templo ng kanyang ama.

Inihanda ni Jessica ang gawain sa family history para sa kanyang biological father o tunay na ama at sa iba pang mga kapamilya upang matiyak na natanggap nila ang kanilang mga ordenansa sa templo. Ang anak ni Jessica na si Eli ang proxy para sa binyag ng kanyang lolo.

Ipinakita ng pamilya Brouse kung gaano kanatural ang pagbabahagi ng ebanghelyo. Sabi ng anak na babae ng mga Brouse na si Abbie, “Ang pakikipagkaibigan muna sa kanila ang nakatulong sa amin na maibahagi ang ebanghelyo sa kanila.” Sumang-ayon si Christina, “Napakadaling makipag-usap sa kanila tungkol sa ebanghelyo dahil mahal na mahal namin sila, at wala kaming iba pang nais kundi ang makita silang mas mapalapit sa Panginoon.”