2022
30 Simpleng Paraan Upang Makatulong sa Pagtitipon ng Israel
Oktubre 2022


Digital Lamang

30 Simpleng Paraan Upang Makatulong sa Pagtitipon ng Israel

Makatutulong ka sa pagtitipon ng Israel sa maraming paraan. Ang mga ideyang ito ay makatutulong sa iyo na magsimula habang humihingi ka ng inspirasyon tungkol sa nais ng Ama sa Langit na gawin mo.

babaeng nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Larawang kuha ni Cody Bell

Sa kanyang napakagandang mensahe na, “Pag-asa ng Israel,” itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Sa bawat oras na gumawa ka ng kahit ano na tutulong sa kahit sino—sa magkabilang panig ng tabing—na makalapit sa paggawa ng mga tipan sa Diyos at tanggapin ang kanilang mahalagang ordenansa ng pagbibinyag [at mga ordenansa] sa templo, tumutulong ka na tipunin ang Israel. Ganito lang ito kasimple.”

Sinabi rin ni Pangulong Nelson, “Ang Panginoon ay binibilisan ang Kanyang gawain na tipunin ang Israel. Ang pagtitipon na ito ang pinakamahalagang nangyayari sa mundo ngayon. Walang maikukumpara sa laki, walang maikukumpara sa halaga, at sa kadakilaan nito. At kung pipiliin ninyo, kung gusto ninyo, maaari kayong maging malaking bahagi nito. Maaari kayong maging bahagi ng isang bagay na malaki, maringal, at dakila!”

Mabuti na lang at ang pagiging bahagi ng dakilang layuning ito ay hindi palaging nangangailangan ng malaking pagkilos—ang mga simpleng bagay na ginagawa natin sa bawat araw ay makagagawa ng malaking kaibhan. Ang mga ideya sa ibaba ay makatutulong sa inyo na mag-isip ng ilang paraan upang makatulong sa pagtitipon ng Israel. Habang pinag-aaralan ninyo ang mga ito at humihingi ng personal na paghahayag para sa karagdagang mga ideya, manalangin na pagpalain kayo ng Ama sa Langit para malaman sa pamamagitan ng Espiritu kung ano ang magagawa ninyo upang mas makatulong sa pagtitipon ng Israel sa magkabilang panig ng tabing.

Ipamuhay ang ebanghelyo bilang tagasunod ni Jesucristo.

Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) na “ang karamihan sa malaking pag-unlad sa Simbahan sa mga huling araw ay darating sapagkat marami sa mabubuting kababaihan ng mundo … ang mapupunta sa Simbahan nang maramihan. Mangyayari ito dahil magpapakita ng kabutihan at kahusayan sa pananalita ang kababaihan ng Simbahan sa kanilang buhay at makikitang natatangi at kakaiba ang kababaihan ng Simbahan—sa masayang paraan—mula sa kababaihan ng sanlibutan.” Ang kalalakihan ay maaari ding maging malakas na impluwensya upang mapalapit ang iba sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagsunod sa halimbawa ng Tagapagligtas.

Kapag ipinamumuhay natin ang ebanghelyo, mahihikayat ang iba dahil sa ating liwanag, kagalakan, pananampalataya, at mithiin, at maaaring naisin nila na malaman pa ang tungkol sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa mga alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo. Matutulungan natin ang ating kapwa na lumapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo kapag tayo ay:

  • Nagtatanggol nang may kabaitan sa ating pinaniniwalaan at tumutulong sa iba na maunawaan kung bakit mahalaga sa atin ang doktrina.

  • Nag-uusap tungkol sa kung paano tayo pinagpapala ng pagbabasa ng Aklat ni Mormon at ng iba pang mga banal na kasulatan, at nagbabahagi ng kopya ng Aklat ni Mormon sa iba o hinihikayat silang i-download.ang Book of Mormon app

  • Namumuhay ayon sa mga pamantayan ng ebanghelyo, kabilang ang mga nakasaad sa Para sa Lakas ng mga Kabataan, anuman ang ating edad. Maging handa na ikuwento kung bakit pinipili nating ipamuhay ang mga pamantayan at kung paano pinagpapala ang ating buhay sa paggawa nito.

  • Anyayahan ang iba na makibahagi sa atin sa pamumuhay ng ebanghelyo—mula sa paglilingkod hanggang sa pamumuhay nang ayon sa mga pamantayan ng ebanghelyo—upang maranasan ang kagalakang nadarama natin.

  • Makibahagi sa Mga Bata at Kabataan at pagkatapos ay kausapin ang iba kung paano tayo tinutulungan ni Cristo na umunlad at sumulong sa lahat ng aspeto ng ating buhay.

  • Isulat ang mga espirituwal na karanasan sa ating journal. Ibahagi ang mga ito ngayon, kung angkop at kapag nabigyan ng inspirasyon, sa ating pamilya at ingatan din ang mga ito upang makahugot ng lakas ang mga susunod na henerasyon sa pamamagitan ng ating mga karanasan na puno ng katapatan.

  • Mag-aral at magsikap na mas magkaroon ng mga katangiang tulad ng kay Cristo. Ang mga ideya sa kabanata anim ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo ay makapagbibigay ng magandang simula.

Makipag-ugnayan sa iba.

Ang pagtulong sa iba na lumapit kay Cristo ay nagsisimula sa pakikipag-ugnayan sa kanila. Kapag mas marami tayong nakikilala, mas marami tayong madadala sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Isipin kung paano tayo:

  • Magpapakilala ng ating sarili sa mga taong nakakatagpo natin sa buong komunidad natin. Bumuo ng mga bagong pagkakaibigan upang naisin ng iba na malaman pa ang tungkol sa ating buhay at mga paniniwala.

  • “Lagi kayong maging handa na ipagtanggol sa bawat taong humihingi sa [atin] ng katuwiran ang tungkol sa pag-asang nasa [atin]” (1 Pedro 3:15).

  • Matuto ng mga wika para mas matulungan natin ang mga tao mula sa ating bansa o sa ibang mga bansa. Basahin kung paano tinanggap ni Pangulong Nelson ang paanyayang matuto ng Chinese at kung paano ito nakatulong sa kanya na maglingkod sa mga tao ng China.

  • “Ipagdasal ninyo araw-araw na matanggap ng lahat ng mga anak ng Diyos ang mga biyaya ng ebanghelyo ni Jesucristo.”

  • Ipagdasal na lahat ng bansa ay maging bukas sa pangangaral ng ebanghelyo.

  • Magbahagi ng mga karanasan sa social media o nang personal kung paano pinagpapala ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang ating buhay at kung paano tayo pinalalakas ng ating pananampalataya sa Kanila.

  • Maglingkod sa ating kapwa sa pangalan ni Cristo at ipaalam na naglilingkod tayo sa kanila dahil sa Kanya.

Espirituwal na ihanda ang inyong sarili.

Upang matulungan ang iba na maghandang gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan sa Diyos, kailangan din nating gawin iyon. Tayo ay maaaring:

  • Manalangin bawat araw para malaman kung paano tayo magiging mga kasangkapan sa gawain ng Panginoon, at pagkatapos ay kumilos ayon sa mga pahiwatig na dumarating sa buong maghapon.

  • Mag-aral ng mga banal na kasulatan araw-araw, kabilang ang pakikibahagi sa pag-aaral ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Kapag mas marami tayong alam tungkol sa ebanghelyo, mas maibabahagi natin ito sa iba.

  • “[Gawing] santuwaryo ng pananampalataya ang [ating mga] tahanan,” ang turo ni Pangulong Nelson, at “masigasig [na gawing] sentro ng pag-aaral ng ebanghelyo ang [ating mga] tahanan.”

  • Pag-aralan pa ang tungkol sa mga tipan sa mga banal na kasulatan at sa temples.ChurchofJesusChrist.org. Maging handa na talakayin kung anong mga tipan ang ginagawa natin at bakit natin ginagawa ang mga ito.

  • Pag-aralan ang mga paksa ng ebanghelyo na kadalasang itinatanong ng mga tao, upang malaman natin kung saan hahanapin sa mga banal na kasulatan, at pag-aralan ang mga salita ng mga buhay na propeta sa pamamagitan ng kanilang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya para maging handa tayo kapag may nagtanong.

Unahin ang family history at pagsamba sa templo.

Makapagsasagawa tayo ng gawain sa mga templo upang ang mga nasa kabilang panig ng tabing na piniling tanggapin ang ating paglilingkod ay makatanggap ng mga ordenansa na hindi nila matatanggap kung walang tulong ng iba. Matutulungan din natin ang mga nabubuhay na makita kung paano mapagpapala ng mga ordenansa sa templo ang kanilang buhay ngayon at ang posibilidad na magkasama-sama ang kanilang pamilya magpakailanman. Isipin kung paano tayo:

  • Maghahanda ng mas maraming pangalan ng pamilya para sa templo sa pamamagitan ng FamilySearch.org.

  • Makatutulong sa iba na malaman at matutuhan kung paano gamitin ang FamilySearch.org at hanapin ang mga pangalan ng kanilang pamilya.

  • Mag-iindex ng mga rekord sa FamilySearch.org upang mas madaling mahanap ng iba ang digital na impormasyon para sa mga miyembro ng kanilang pamilya.

  • Ikuwento sa iba ang tungkol sa mga walang hanggang pamilya. Ituro sa kanila ang tungkol sa templo, ang mga ordenansang isinasagawa roon, at kung paanong ang mga pamilya—kapwa buhay at patay—ay maaaring mabuklod magpakailanman.

  • Magtakda ng regular na oras para dumalo sa templo at magpunta sa iskedyul na iyon.

  • Anyayahan ang iba na sumama sa atin sa pagsamba natin sa templo.

Maghanap ng mga paraan para magsakripisyo ng inyong panahon.

Lahat tayo ay abala sa buhay, kaya hindi palaging madaling maglaan ng oras na gawin ang mga bagay na magtutulot sa atin na tumulong sa pagtitipon ng Israel. Ngunit kapag isinama natin ang mga simpleng gawaing ito sa ating buhay at mga karanasan sa araw-araw, makikita natin na mas maraming oras para magawa ang mga bagay na alam ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na pinakamahalaga sa atin at sa iba na matutulungan nating mas mapalapit sa Kanila. Mag-isip ng mga paraan para:

  • Suriin ang ating iskedyul upang makita kung ano ang dapat nating itigil o simulang gawin para makapaglaan ng mas maraming oras sa pagtitipon ng Israel.

  • Bawasan ang oras ng panonood o paggamit ng mga device upang mas lubos na makabahagi sa pagtipon ng Israel.

  • Maging mas determinado sa mga gagawin natin tungkol sa ating mga layunin at posibilidad sa paggamit ng social media—gamitin ito bilang kasangkapan sa pagtulong na tipunin ang Israel.

  • Maging determinado sa gagawing pakikipag-ugnayan sa iba sa mga aktibidad na nakikibahagi na tayo.

  • Tandaan na “huwag hanapin ang mga bagay ng daigdig na ito sa halip inyo munang hangaring itatag ang kaharian ng Diyos, at pagtibayin ang kanyang katwiran, at ang lahat ng bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 6:38 [Sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia]).