“Nabibigatan Ka na ba? Manatiling Nakatuon kay Cristo,” Liahona, Okt. 2022.
Mga Young Adult
Nabibigatan Ka na ba? Manatiling Nakatuon kay Cristo
Noong tila masyado nang mabigat ang aking mga responsibilidad bilang miyembro ng Simbahan, binago ni Cristo ang aking puso at tinulungan Niya akong maunawaan ang mga alituntunin ng Kanyang ebanghelyo.
Kung ibubuod ko ang nakaraang ilang taon sa isang salita, ito ay kapagalan. Tila masyado nang mabigat ang lahat—kabilang, kung minsan, ang aking mga responsibilidad bilang miyembro ng Simbahan—kaya nahirapan akong tukuyin kung ano talaga ang dapat kong asikasuhin o kung paano ko dapat gamitin ang aking kakaunting lakas.
Binigyan tayo ng matalinong payo ni Pangulong Russell M. Nelson na “mas ibaling ang [ating mga] puso, [mga] isip, at [mga] kaluluwa sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak, si Jesucristo”1 sa mahihirap na panahong ito.
Habang sinisikap kong ipamuhay ang payong ito, noong una ay lalo akong nahirapan, iniisip na kailangan kong sundin nang perpekto ang bawat gabay upang makagawa ng kaibhan ang aking mga pagsisikap. Ngunit marahang ipinaalala sa akin ng Espiritu na “hindi kinakailangan na [tayo] ay tumakbo nang higit na mabilis kaysa sa [ating] lakas.” (Mosias 4:27). Napagtanto ko na kailangan kong magtuon muna sa kung ano ang pinakamahalaga—si Cristo.
Itinuro ni Propetang Joseph Smith, “Ang mga pangunahing alituntunin ng ating relihiyon ay ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, tungkol kay Jesucristo, na Siya’y namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw, at umakyat sa langit; at ang lahat ng iba pang mga bagay na may kaugnayan sa ating relihiyon ay mga kalakip lamang nito.”2
Ang pagpapalalim ng aking pag-unawa kay Cristo ay nakatulong sa akin na patatagin ang aking patotoo sa pinakamahahalagang turo ng Kanyang ebanghelyo, na nakatulong sa akin na maunawaan ang dahilan ng lahat ng bagay na iniuutos at ipinapayo sa atin na gawin: ang lahat ng bagay ay umaakay patungo kay Cristo.
Pag-unawa kay Cristo
Sa talinghaga ng mga talento (tingnan sa Mateo 25:14–30), binigyan ng panginoon ang tatlong alipin ng bahagi ng kanyang mga ari-arian bago umalis para sa isang mahabang paglalakbay. Nang bumalik siya, ipinangalakal ng dalawa sa mga alipin ang kanilang mga talento kaya pinagpala sila, samantalang itinago naman ng pangatlo ang kanyang talento kaya ipinatapon siya.
Maaaring iniisip natin kung paano nalaman ng mga alipin kung ano ang gagawin sa mga talento na ibinigay sa kanila. Lahat silang tatlo ay may “kakayahan” (Mateo 25:15) at marunong makipagkalakalan, ngunit pinili ng pangatlo na huwag gamitin ang kanyang kaalaman. Naunawaan niya ang kanyang gawain, ngunit marahil ay hindi niya naunawaan ang kanyang panginoon.
Kung may malalim na pag-unawa kay Cristo, hindi na tayo kailangang “[utusan] sa lahat ng bagay” sapagkat sapat na ang ating pagkakakilala kay Cristo at pagkakaalam sa Kanyang mga turo upang “gumawa ng maraming bagay sa [ating] sariling kalooban, at isakatuparan ang maraming kabutihan” (Doktrina at mga Tipan 58:26–27). Kadalasan, kapag mas kilala natin Siya, mas makikita sa ating mga kilos ang Kanyang kalooban para sa atin.
Umaasa ang Panginoon na gagamitin natin ang ating mga kakayahan upang matuto tungkol sa Kanya at tularan ang pag-uugaling tulad ng kay Cristo sa ating sariling buhay—sa madaling salita, inaasahan Niya na tayo ay magiging katulad Niya.3
Pagkatuto mula sa Kanya
Ang pagkatuto kay Cristo ay isang walang hanggang pagsisikap, at sinusuportahan Niya tayo sa bawat hakbang. Sa larangan ng edukasyon, may konseptong tinatawag na scaffolding. Ginagamit ng mga guro ang konseptong ito upang matulungan ang mga estudyante na magkaroon ng mas malalim na pag-unawa at higit na kasarinlan habang natututo sila.4 Gayundin, masasabi natin na si Cristo, bilang Dalubhasang Guro, ay gumagamit ng scaffolding upang matulungan tayong umunlad sa Kanyang ebanghelyo at “matuto … sa [Kanya]” (Mateo 11:29; tingnan din sa talata 28; Doktrina at mga Tipan 19:23).
Bilang mga disipulo ni Jesucristo, patuloy nating pinalalalim ang ating pag-unawa sa nalalaman natin at nagdaragdag tayo sa kaalamang iyon “ng taludtod sa taludtod, ng tuntunin sa tuntunin” (2 Nephi 28:30). Kapag pinalalalim natin ang ating pag-unawa kay Cristo, pagkakatiwalaan Niya tayo ng karagdagang kaalaman, “sapagkat siya na tumatanggap ay bibigyan ko pa ng karagdagan” (2 Nephi 28:30).
Isipin kung paano tayo tinuturuan bilang mga bata. Ang maliliit na bata ay nangangailangan ng mga palagiang paalala upang mapalalim ang kanilang pag-unawa sa itinuro na ng kanilang mga magulang; sa palaruan, maaaring kailanganing paalalahanan ang isang maliit na bata nang mahigit isang dosenang beses na huwag magsubo ng maruming bagay sa kanyang bibig. Subalit habang lumalaki at umuunlad sila, gayon din ang kanilang pag-unawa sa mga alituntuning iyon, at matutulungan sila ng kanilang mga magulang na may bagong matutuhan.
May mga pagkakataon na babalik tayo sa umpisa at maaaring kailangang turuan muli ng isang bagay, ngunit iyon mismo ang punto ng scaffolding—lahat tayo ay mga estudyanteng nangangailangan ng tulong ng ating Dalubhasang Guro. Isinagawa ni Cristo ang Pagbabayad-sala upang, nang may pagpapakumbaba at pananampalataya, tayo ay makabaling sa Kanya sa pamamagitan ng pagsisisi at maturuang muli.
Pagsunod sa Kanyang mga Kautusan
Bilang bahagi ng edukasyon ng Ama sa Langit at ni Cristo para sa atin, nakatatanggap tayo ng patnubay tungkol sa pamumuhay nang matwid. Kung minsan, ang patnubay na ito ay kinabibilangan ng mga partikular na gabay na dapat nating sundin. Maaari nating ituring ang mga gabay na ito na bahagi ng scaffolding ni Cristo—partikular na tagubilin upang matulungan tayong palalimin ang ating pag-unawa sa mga alituntunin ng ebanghelyo na kinakatawan ng mga ito.
Isipin ang alituntunin ng ebanghelyo ng pagiging disente, halimbawa. Ang buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan ay nagbibigay ng isang napaka-partikular at kapaki-pakinabang na kahulugan ng mahalay na pananamit: “Anumang kasuotan na hapit, manipis, o humahakab sa katawan sa anumang paraan.”5 Kapag sinusunod natin ang gabay na ito, matutulungan tayo nitong palalimin ang ating pag-unawa sa tunay na kahulugan ng pagiging disente—isang saloobin ng pagpapakumbaba, kagandahang-asal, at “[pagluwalhati sa] Diyos” (1 Corinto 6:20)6—hanggang sa mabago ang ating mga puso at ang ating mga kilos upang mas mapalapit kay Cristo at makagawian na iyon.
Nang gamitin ko ang pagbabago na ito ng pag-iisip sa lahat ng mga bagay na nadarama kong “kailangang gawin” sa ebanghelyo, ang patindi nang patinding kapagalan na nadarama ko ay naging pananampalataya. Gumaan ang aking mga pasanin nang bumaling ako sa pinakamahahalagang alituntunin ng ebanghelyo na kinakatawan ng bawat kailangang gawin o kautusan. Itinuro sa akin ng ikapu ang tungkol sa pagsasabuhay ng batas ng paglalaan. Ang pagsisimba linggu-linggo upang tumanggap ng sakramento ay naging aral sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Biglang parang may espiritu, at hindi lamang isang liham, sa mga batas ng Diyos sa aking buhay.
Pagtulot sa Kanya na Baguhin ang Ating mga Puso
Kapag nagtuon tayo sa Tagapagligtas at tinulutan natin Siyang baguhin ang ating mga puso, ang larawan ng Diyos ay “[mauukit] sa [ating] mga mukha” (Alma 5:19). Nais Niyang hindi lamang tayo sumunod sa Kanya kundi maging katulad din Niya, mag-isip at kumilos na tulad Niya, na kilalanin Siya.
Sa talinghaga ng mga talento (tingnan sa Mateo 25:14–30), paano nasabi ng huling alipin na kilala niya ang kanyang panginoon gayong kabaligtaran ng kalooban nito ang ginawa niya? Maaaring naunawaan niya ang kanyang panginoon sa mababaw na antas, bilang “taong malupit” (Mateo 25:24), samantalang naunawaan ng mga “mabuti at tapat na alipin” (Mateo 25:21) ang mga hangarin at layunin ng kanilang panginoon sa malalim na antas.
Upang tunay na makilala ang Ama sa Langit at ang Tagapagligtas sa malalim na antas, kailangan nating palalimin ang ating pag-unawa sa Kanilang pinakamahahalagang alituntunin ng ebanghelyo. Itinuro ni Cristo ang ilan sa pinakamahahalagang alituntuning ito sa Juan 3:3–21, kabilang na ang Kanyang Pagbabayad-sala at ang pagmamahal ng Diyos para sa atin. Marami pa tayong matututuhan sa dalawang dakilang utos: ibigin ang Diyos at ibigin ang ating kapwa na gaya ng ating sarili (tingnan sa Mateo 22:37–39).
Ang lahat ng kautusan at ating tipan at tungkulin sa ebanghelyo ay maaaring umakay sa atin patungo sa mahahalagang alituntuning ito, na siyang aakay sa atin patungo kay Cristo. Isipin kung paano nakatutulong ang iba pang mga turo na pagtibayin ang mahahalagang katotohanan sa ebanghelyo. Ano ang itinuturo sa iyo ng sakramento tungkol sa pagmamahal ng Diyos para sa iyo? Ano ang itinuturo sa iyo ng ministering tungkol sa iyong pag-ibig sa Diyos?
Pagtutuon sa Kanya
Kapag ang mga kautusan at ang ating mga responsibilidad bilang mga disipulo ni Cristo ay itinuturing natin na kailangang gawin na nakaaabala, ang nadarama nating kapagalan ay makapagdudulot sa atin ng tanong kung sulit ba ang pagsunod sa mga ito. Sa ganitong pag-iisip, maaaring magsimula tayong maghinanakit at simulan nating tingnan ang mga kautusan bilang limitasyon at kawalang-katarungan. Ngunit ang pag-unawa sa plano ng kaligayahan na si Jesucristo ang sentro ay nakatutulong sa atin na magtuon sa dahilan sa likod ng lahat ng ipinagagawa sa atin ng Panginoon at maaaring makapagpabago sa ating mga responsibilidad mula sa pagiging mababang-uri ay maging makabuluhan (tingnan sa Alma 12:32).
Kapag tila imposibleng malaman kung ano ang mahalaga o kung ano ang dapat paggamitan ng ating kakaunting lakas, “[gumamit tayo] ng kahit bahagyang pananampalataya,” (Alma 32:27) na si Cristo ang daan at na ang landas ng tipan ay aakay sa atin patungo sa Kanya. Tayo ay “[sumubok] sa [Kanyang] mga salita, … kahit na wala [tayong] higit na nais kundi ang maniwala” (Alma 32:27). Sa paggawa nito, maaari nating makita kung paanong ang Tagapagligtas ay nasa sentro ng lahat ng bagay—marahil maging sa mga bagay na iyon na nahihirapan ka sa ebanghelyo. Paano kung ang lahat ng ito ay umaakay sa atin patungo kay Cristo, sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, at sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli? Paano kung ang lahat ng ito ay umaakay sa atin patungo sa pagmamahal Niya at ng Ama sa Langit para sa atin?
Nang isentro ko ang pundasyon ng aking patotoo kay Cristo, gumaan ang pasanin ng kapagalan na nadarama ko. Nahihirapan pa rin ako kung minsan, ngunit ang pagtutuon ng aking puso sa Kanya ay tumutulong sa akin na mapagtanto na ang pinakamahalaga ay ang aking mga pagsisikap, kapwa malaki at maliit, na mas mapalapit sa Kanya araw-araw.