Digital Lamang
Pagtanggap ng Kaligtasan mula sa Ating mga Paghihirap sa Pamamagitan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo
Mapapalaya tayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo mula sa anumang pagkaalipin na gumagapos sa atin.
Itinuro ni Nephi, “ang magiliw na awa ng Panginoon ay sumasalahat ng kanyang mga pinili, dahil sa kanilang pananampalataya, upang gawin silang malakas maging sa pagkakaroon ng kapangyarihang maligtas” (1 Nephi 1:20).
Ang pagliligtas na iyan ay magpapalaya sa atin mula sa lahat ng uri ng pagkaalipin. Itinuro ni Elder L. Tom Perry (1922–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano nakita ang iba’t ibang halimbawa ng pagliligtas sa Aklat ni Mormon:
“Marami sa mga kuwento sa Aklat ni Mormon ang tungkol sa pagliligtas. Ang paglisan ni Lehi patungo sa ilang kasama ang kanyang pamilya ay tungkol sa kaligtasan mula sa pagkawasak ng Jerusalem. Ang kuwento ng mga Jaredita ay kuwento ng kaligtasan, gayon din ang kuwento ng mga Mulekita. Si Nakababatang Alma ay nailigtas mula sa kasalanan. Ang mga kabataang mandirigma ni Helaman ay nakaligtas sa digmaan. Sina Nephi at Lehi ay iniligtas mula sa bilangguan. Ang tema ng pagliligtas ay makikita sa buong Aklat ni Mormon.” Ano ang iba pang mga halimbawa ng pagliligtas sa mga banal na kasulatan ang maiisip ninyo?
Tulad ng mga indibiduwal at lipunan sa Aklat ni Mormon, kailangan nating lahat ang pagliligtas ng Diyos sa ating buhay. Nasa ibaba ang ilang halimbawa na may mga link sa mga karanasan ng iba na nakadama ng makapangyarihang pagliligtas na matatanggap natin sa pamamagitan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Habang binabasa ninyo ang kanilang mga kuwento, isipin ang mga pasaning nagpapahirap sa inyo, at manalangin upang malaman kung ano ang nais ng Ama sa Langit na gawin ninyo sa inyong buhay upang maranasan ang kaligtasang ibinibigay Niya at ni Jesucristo sa atin sa lahat ng bagay.
Kaligtasan mula sa Kawalan at Mahihirap na Panahon
-
Sa kanyang Larawan ng Pananampalataya, ibinahagi ni Rachel Lighthall kung paano nakatulong ang pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at ang pagkatutong magdalamhati sa paraang nais ng Diyos na magdalamhati tayo na nakatulong sa kanyang pamilya matapos matupok ang kanilang bahay sa isang sunog.
-
Sa “Imbakan ng Patotoo,” ibinahagi ng isang tao kung paano nakatulong ang maliliit na patotoo tungkol kay Cristo sa paglipas ng panahon matapos malaman ang ginawang kasalanan ng kanilang ama.
-
Sa “Sa Karunungan Niya na Nakakaalam ng Lahat ng Bagay”,” ikinuwento ni Christopher Deaver kung paano nagdala ng kapayapaan sa kanilang magkaibigan ang mga salita ni Cristo nang pumanaw ang kanilang mga ama.
-
Sa “Isang Napakagandang Bagong Kabanata,” ikinuwento ni Sylvie Cornette kung paano siya napalakas ng paglapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa templo nang mabiyuda siya at pagkatapos ay kailangang iwanan ang kanyang trabaho dahil sa aksidenteng nagbigay ng limitasyon sa kanyang pagkilos.
-
Sa “Isang Liham na Hindi Ipinadala ang Nasagot,” ikinuwento ni Elisabeth Allen kung paano sinagot ng Panginoon ang bawat tanong niya nang mahirapan siya dahil sa pagpapakamatay ng kanyang kapatid na lalaki.
-
Sa “Alam ni Jesucristo ang Sakit na Nadarama Natin mula sa Di-matwid na Pagpapalagay,” ibinahagi ni Sónia N. kung paano nakatulong sa kanya ang pagbaling sa Tagapagligtas at sa Kanyang halimbawa para makayanan ang sakit na nadama niya mula sa di-matwid na pagpapalagay sa loob ng ilang dekada.
Kaligtasan mula sa Kasalanan
-
Sa “Pinipigilan Ka Ba ng Iyong Nakaraan?” ibinahagi ni Jeff Bates kung paanong ang pagiging tapat sa kanyang pangako na magbago habang pinaninibago niya ang kanyang mga tipan sa sakramento bawat linggo ay nakatulong sa kanya na madaig ang mga kasalanan na nakahahadlang sa kanyang pagsulong sa loob ng maraming taon.
-
Sa “Paano Nagagamit ang Nagpapagaling na Kapangyarihan ng Tagapagligtas sa Pagsisisi sa Kasalanang Seksuwal,” tinalakay ni Richard Ostler, dating bishop ng isang young single adult ward, kung paano niya nakita na tumulong ang kapangyarihan ni Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala upang madaig ng mga young adult ang mga bunga ng kasalanang seksuwal.
Kaligtasan mula sa mga Hindi Inaasahang Sitwasyon
-
Sa “Ang Itinuro sa Akin ng Kapansanan ng Aking Anak tungkol sa Biyaya,” ikinuwento ni Jeffrey S. McLellan kung paano niya natuklasan ang mga paraan na mapapagaling ng biyaya ng Tagapagligtas ang ating mga sugatang puso. Basahin ang tungkol sa katulad na karanasan ng dalawang magkapatid na babae sa “Paano Naaangkop ang Biyaya ng Tagapagligtas Kapwa sa Akin at sa Aking Kapamilyang May Kapansanan” ni Bruna F. Gonçalves.
-
Sa “Pagdanas ng Kapangyarihan ni Cristo bilang Amputee na Naaakit sa Kaparehong Kasarian,” inilarawan ni Sheyla Ruiz Leon kung paano makatutulong sa atin ang mga paghihirap na kinakaharap natin sa buhay para mapalapit kay Cristo at makadama ng kapayapaan sa Kanya.
-
Sa “Pagsulong Pagkaraan ng Aking Ikalawang Diborsyo,” tinalakay ni Logan Steele kung paano nakatulong sa kanya ang paggawa ng mga simpleng hakbang, kasama ang Tagapagligtas bilang kanyang gabay, na sumulong noong hindi niya alam kung ano ang susunod na gagawin.
-
Sa “Mahalin Mo, Ililigtas Niya,” ikinuwento ni Krista Rogers Mortensen kung paano siya tinulungan ni Cristo na baguhin ang kanyang puso nang manalangin siya na magbago ang puso ng kanyang mga anak pagkatapos nilang umalis sa Simbahan. Sa “Paano Nagbago ang Puso Ko nang Talikuran ng Kuya Ko ang Simbahan,” ibinahagi ni Anja Dögg Mathiesen ang gayon ding karanasan sa ugnayan niya sa kanyang kuya.
-
Sa “Ang Aming Perpektong Tatsulok ng Pag-asa at Paggaling,” inilarawan ni Angela Andrea Fernandez Rios kung paano nagdulot ng mga himala ang pananampalataya, panalangin, pag-aayuno, at kapangyarihan ng priesthood sa kanyang pamilya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos.
Kaligtasan mula sa Depresyon, Kalumbayan, at Kalungkutan
-
Sa “Sa Wakas ay Inamin Ko rin na Nagkaroon Ako ng Depresyon. Tinulungan Ako ni Cristo na Makalabas sa Kadiliman,” inilarawan ni Nephi Tangalin kung paano siya nakahanap ng pag-asa at paggaling sa gitna ng matinding depresyon nang humingi siya ng tulong sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa mga taong nasa paligid niya.
-
Sa “Sinuportahan Ako ng Panginoon,” ibinahagi ni Elodie McCormick kung paano siya iniligtas ng Ama sa Langit mula sa kalumbayan sa pamamagitan ng paglilingkod sa mga nakapaligid sa kanya habang nakadestino sa malayo ang kanyang asawa para sa serbisyo sa militar sa loob ng isang taon.
-
Sa “Ang Pagiging Hindi Kasal ay Nagpapaalala sa Akin na Magtiwala sa Buong Plano ng Diyos para sa Akin,” inilarawan ng isang single adult kung paano niya nadaig ang kalungkutang dulot ng hindi pagkakaroon ng asawa sa pamamagitan ng paghahangad ng kalooban ng Diyos para sa kanyang buhay at pagtitiwala sa Kanyang plano at patnubay.
-
Sa “Paano Ako Natulungan ng Aklat ni Mormon sa Paghiwalay sa Iba,” ikinuwento ni Wlaldiane Kássia Bandeira Barros Da Silva ang tungkol sa lakas na natanggap niya mula sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos sa mga banal na kasulatan sa panahon ng pag-iisa.
-
Sa “Pagkakaroon ng Espirituwal na Suporta Matapos Sumapi sa Simbahan nang Mag-isa,” ibinahagi ni Marcus Grant kung paano siya palaging binibigyan ng Ama sa Langit ng isang tao para bigyan siya ng lakas.
Pagliligtas mula sa Mahigpit na Pagkakahawak ng Mundo
-
Sa “Bakit Tayo Narito?” Ibinahagi ni Gregorio Rivera kung paano ipinahiwatig ng Panginoon sa kanilang mag-asawa na lumipat sa isang bagong lugar para tulungan silang mapagtuunang muli ang mga bagay ng Diyos at mas mapalapit sa Kanya bilang pamilya.
-
Sa “Pakiusap, Bumalik Ka,” ibinahagi ni Carlos Ferreira kung paanong ang pagbalik sa pagiging aktibo sa ebanghelyo ni Jesucristo ang mismong kailangan niya para pagpalain ang kanyang pamilya nang nabibigatan na sila.