2020
Rachel Lighthall—California, USA
Enero 2020


Mga Larawan ng Pananampalataya

Rachel Lighthall

California, USA

Rachel Lighthall

Tingnan ang mga abo at labi sa lugar kung saan dating nakatira si Rachel, at tiyak na mapapansin mo ang lahat ng natupok. Ngunit matapos ang sunog na tumupok sa Paradise, California, mapapansin mo ang pananampalataya ni Rachel habang ibinabahagi niya kung paano niya nakita ang kapangyarihan ng Diyos sa kanyang buhay.

Richard M. Romney, litratista

Sanay na kami sa pagkakaroon ng mga sunog sa lugar na ito, kaya’t nang makita kong mausok ang kalangitan nang umagang iyon, hindi ako gaanong nag-alala. Medyo bago lang ako sa lugar na ito, pero ang mga matagal nang naninirahan sa Paradise—lalo na ang mga nakatira malapit sa bangin—ay dati nang pinalikas.

Gayunman, noong pagkakataong iyon, dahil malakas ang hangin ay mabilis na gumapang ang apoy kaya’t hindi gaanong natantiya ng mga opisyal kung gaano kabilis itong aabot sa amin. Hindi alam ng karamihan sa amin kung ano na ang nangyayari hanggang sa kumalat ang sunog sa buong bayan. Ang aming “bahagyang pag-aalala” ay nauwi sa “emergency! Magsilikas na kayo!” sa loob ng isang oras.

Ang paglikas ay naging magulo—at mabilis. Kinailangang suungin ng mga tao ang apoy para lang makalabas sa bayan. Nang lumikas ako kasama ang aking mga anak, kalat na ang apoy. Nagliparan ang mga baga sa buong bayan at naglagabgab ang apoy sa lahat ng dako. Maraming tao na umalis habang nasusunog ang kanilang bahay o ang bahay ng kanilang kapitbahay. Hindi ko alam kung masusunog ang bahay namin o hindi.

Habang lumilikas kami, nanalangin ako sa Diyos. Nanalangin ako na makalikas kami nang ligtas at hindi masunog ang aming bahay. Mga dalawang taon pa lang kaming nakatira sa aming bahay. Nagtulungan kami bilang isang pamilya para mas mapaganda ito. Tinulungan ako ng aking asawa at mga anak sa pag-aayos ng mga mesa at sahig. Tinawag namin itong aming “espesyal na lugar na pahingahan.” Mahal ko ang tahanan namin, pero sinikap kong maging malakas para maiayon ko ang aking kalooban sa kalooban ng Diyos.

Pagkalipas ng ilang araw, nalaman namin na natupok ang aming bahay. Pinaganda namin ito, pero ngayon ay abo na ito. Ngunit sa aking pagbabalik-tanaw, ang panahong ginugol namin sa aming bahay ay talaga namang napakasaya. Lubos akong nagpapasalamat na ibinigay ng Diyos sa aming pamilya ang panahong iyon sa bahay na iyon.

Isa sa pinakamagandang bagay na nakita at narinig ko dahil sa sunog na ito ay ang mga patotoo ng mga tao na tatawagin kong may “malaking pananampalataya.” Nakita ng mga taong ito na naroon ang Diyos maging sa pinakamaliliit na detalye ng kanilang buhay. Ang “malaking pananampalataya” na gaya nito ay isang bagay na hindi mo kaagad matatamo. Mahabang panahon ang kailangan para magkaroon nito.

Ipinapaalala nito sa akin ang tungkol sa talinghaga ng sampung dalaga. Kung hindi pa puno ng langis ang iyong ilawan, ang panahon para bumaling sa Diyos ay bago ang kagipitan. Kapag sumapit na ang mga sakunang tulad ng sunog na ito, hindi iyon ang panahon para simulang punuin ng langis ang iyong ilawan. Ito ay parang pagsakay mo sa sasakyan at pagsasabi sa iyong mga anak na isuot ang kanilang seat belt. Isipin mo na kunwari ay sinabi nila, “Hindi ko po kailangan ng seat belt. Tsaka ko na lang po isusuot ang aking seat belt kapag narinig ko kayong humihiyaw!” Sa panahon ng kagipitan ay wala na silang oras para isuot ito.

Pagkatapos ng sunog, napansin ko na ang mga tao rito na may “langis sa kanilang mga ilawan” ay hindi gaanong nahirapan. Nalulungkot pa rin sila, may mga problema pa rin sila, ngunit patuloy silang naniniwala na mahal sila ng Diyos at naroon Siya maging sa pinakamaliliit na detalye ng kanilang buhay. Alam nila na may sapat na kapangyarihan ang Diyos para iligtas ang kanilang mga bahay sa sunog, ngunit hindi rin sila nagalit nang hindi maging patas ang mga bagay-bagay. Tinatanggap nila ang Kanyang kalooban. Iyon ang tinatawag kong “malaking pananampalataya.”

Nakita ng lahat ng taong naniniwala sa Diyos ang Kanyang kapangyarihan sa sunog na ito. Marahil ay hindi mo mapapatunayan sa isang tao na mayroong Diyos dahil lang sa isang malaking himala, ngunit ang Diyos ay gumawa ng napakaraming maliliit na himala dito sa Paradise. Kung naniniwala ka sa Diyos, makikita mo ang Kanyang kapangyarihan saanmang dako. Kahit mahirap ito para sa amin, nakaranas kami ng himala. Tinulungan kami ng Diyos na matutuhan ang mismong dapat naming matutuhan.

Ang pagkakaroon ng “malaking pananampalataya” ay hindi nagligtas sa kanila mula sa pagdadalamhati para sa mga nawala sa kanila. Isa sa pinakamahirap na bahagi ng karanasang ito ay makita ang pagdadalamhati ng mga taong mahal ko. Tila mas nagdalamhati pa ako para sa kanila kaysa para sa aking sarili. Oo, mahirap ito para sa aking pamilya, at maraming nawala sa amin. Ngunit marami rin kaming natanggap.

Maraming ginawa ang mga miyembro ng Chico California Stake para matulungan ang mga nasunugan. Bawat taong pumunta sa stake center noong araw ng paglikas ay pinatuloy sa tahanan ng mga miyembro ng stake. Dinala nila kami sa kanilang mga tahanan at tinulungan nila kaming magkaroon ng mga bagay na kailangan namin. Namangha rin ako sa iba’t ibang uri ng donasyon na natanggap namin mula sa mga Banal sa iba’t ibang panig ng mundo. Pinagpala at sinuportahan kami, at nadama namin ang kanilang pagmamahal. Napakasayang maging Banal sa mga Huling Araw. Ipagsisigawan ko iyon sa buong mundo!

Nang mangyari ang sunog, nanalangin ako nang husto dahil kinailangan kong magdalamhati at kinailangan kong turuan ang mga anak ko kung paano magdalamhati. May magagandang bagay na itinuro sa akin ang Diyos. Nalaman ko ang kahalagahan ng “dalisay na pagdadalamhati.” Ang kahulugan nito sa akin ay hindi mo hahayaang humantong sa depresyon ang iyong pagdadalamhati o lamunin ka ng takot. Hindi mo hahayaang magalit o mahiya ka. Magdalamhati ka sa paraan kung paano magdalamhati ang Diyos. Sa ganitong paraan, ang pagdadalamhati ay maganda at nagpapagaling. Parang mas katulad ito ng pagmamahal.

Sa sitwasyong ito, ang pinakamalaking hamon ay ang kawalang-katiyakan. Mas maraming tanong kaysa sa mga sagot para sa lahat. Hindi namin alam kung gaano kabilis maitatayong muli ang lunsod ng Paradise, o kung maitatayo pa ba itong muli dahil napakatindi ng pagkawasak at pinsala.

Inihanda ako ng Diyos sa loob ng maraming taon para sa sitwasyong ito. Nakaranas na ako ng iba pang “mga kalamidad” sa aking buhay na nakatulong sa akin na malaman na pinapatnubayan ng Diyos ang aking buhay.

Wala akong pinagdaang mahirap na pagsubok na walang perpekto at magandang layunin at kahulugan. Napansin ko na kapag hinahayaan ko ang Diyos na turuan ako, palagi akong natututo sa mga pagsubok na nararanasan ko. Hinahayaan ng Diyos na maranasan natin ang mga pagsubok na ito para magtiwala tayo sa Kanya at mahalin natin Siya. Alam ko na kapag nahihirapan tayo, lagi Siyang nariyan.

Rachel standing near burned down home

Minasdan ni Rachel ang mga abo ng kanyang dating tahanan. “Ang panahong ginugol namin sa aming bahay ay talaga namang napakasaya,” sabi niya. “Lubos akong nagpapasalamat na ibinigay ng Diyos sa aming pamilya ang panahong iyon sa bahay na iyon.”

burned down meetinghouse

Ang gusali ng Paradise First Ward, na dati’y isang lugar para sa pagsamba, pag-aaral ng ebanghelyo, at mga aktibidad, ay isa na ngayong tambak ng abo. Gayunman, nadama ng mga miyembro ang pagsuporta ng mga Banal mula sa iba’t ibang panig ng mundo. “Nadama namin ang kanilang pagmamahal,” sabi ni Rachel. “Napakasayang maging Banal sa mga Huling Araw. Ipagsisigawan ko iyon sa buong mundo!”

Rachel standing in burned down house

“Nakita ng lahat ng taong naniniwala sa Diyos ang Kanyang kapangyarihan sa sunog na ito,” sabi ni Rachel. “Kahit mahirap ito para sa amin, nakaranas kami ng himala. Tinulungan kami ng Diyos na matutuhan ang mismong dapat naming matutuhan.”

Lighthall family

Ang bawat miyembro ng pamilya Lighthall ay may hawak na isang bagay na nakuha nila mula sa kanilang natupok na bahay. Ang mga ito ay nagsisilbing paalala ng mga pagpapala ng Diyos. Tungkol sa sunog, sinabi ni Rachel, “Oo, mahirap ito, at maraming nawala sa amin. Ngunit marami rin kaming natanggap.”