Imbakan ng Patotoo
Noong unang taon ko sa hayskul, naghiwalay ang aking mga magulang. Sa loob ng maraming taon, nakita kong hindi tumatanggap ng sakramento ang aking ama. Alam ko na may problema siya sa pagsunod sa mga kautusan, pero hindi ko alam kung gaano kalaki o kabigat ang mga problemang iyon. Nang sabihin ng mga magulang ko ang tungkol sa kanyang pagkakatiwalag ay saka pa lamang namin nalaman ng kapatid ko ang mga detalye.
“Galit ako sa iyo!” paulit-ulit kong isinigaw habang umiiyak. Galit na galit ako. Paano niya ito nagawa sa aming pamilya? naisip ko. Paano niya nagawang magsinungaling sa amin sa loob ng napakahabang panahon?
Ang pagkabigla at galit na naramdaman ko noong una ay hindi nagtagal. Pagkalipas ng ilang linggo, napalitan ng pagwawalang-bahala ang aking galit. Noong una, ang pagwawalang-bahala ay nakatulong para mawala ang galit at sakit, ngunit kalaunan ay nauwi ito sa kawalan ng pag-asa. Tila gumuho ang buhay ko. Higit pa kaysa dati, kinailangang kong madama ang kaugnayan ko sa langit. Kinailangan kong madama ang pagmamahal, paggabay, kapayapaan, at pagpapagaling ng Diyos.
Di-nagtagal, sumapit ang pangkalahatang kumperensya. Habang nasa isang sesyon, nakinig ako at hinintay ko na madama ko ang kapanatagan ng Diyos. Pero hindi ko nadama iyon. Doon sa madilim na chapel, naisip ko, hindi ko madama ang Espiritu Santo, ngunit sigurado akong narito Siya. Kailangang narito Siya. Habang iniisip ko ito, bigla kong naalala ang mga munting patotoo na natanggap ko na ang mga banal nakasulatan ay totoo, na si Joseph Smith ay isang propeta, na pinagpala ng Ama sa Langit ang aking pamilya, at na ang pagsunod sa mga kautusan ay nagdadala ng kapayapaan. Tila ba may imbakan ako ng patotoo.
Habang mas lalo kong iniisip ang mga espirituwal na patotoo ko noon, mas lalo kong napagtatanto na bagama’t desperado akong madama ang Espiritu, hindi na mahalaga na hindi ko nadama ang Kanyang impluwensya sa mismong sandaling iyon. Mayroon na akong imbakan ng tahimik at matibay na patotoo na totoo ang ebanghelyo.
Ang kaalamang iyon ang tumulong sa akin at nagbigay sa akin ng hangaring patuloy na sundin ang mga kautusan kahit tila wala itong agad na kapakinabangan. Unti-unti, mas lalo kong nadama ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ng Tagapagligtas sa aking buhay. Ang pananatiling malapit sa Kanila, kahit hindi ko madama palagi na malapit Sila, ay nagdulot sa akin ng di-maikakailang kapayapaan at mas malakas na patotoo sa ebanghelyo ng Tagapagligtas. Patuloy itong nakakaimpluwensya sa akin ngayon kapag nakadarama ako ng kawalang-katiyakan o kalungkutan. Alam kong mapagkakatiwalaan ko ang Ama sa Langit at ang Tagapagligtas, at pagagalingin, pasisiglahin, at palalakasin Nila ako at ang bawat isa sa atin.