Maging Katulad ni Nephi
Nang sabihin ni Nephi sa kanyang ama, “Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon” (1 Nephi 3:7), nagbigay siya sa atin ng magandang halimbawa ng pananampalataya at masigasig na pagsunod. Ang determinasyon ni Nephi na humayo at gumawa ay nagmula sa dalawang mahalagang katangian na maaari ring magkaroon tayong lahat: ang kanyang personal na patotoo tungkol sa Panginoon at sa Kanyang mga propeta, at ang kanyang espirituwal na katatagan.
Pagkakaroon ng Patotoo
Naging masunurin si Nephi dahil naghangad at nagkaroon siya ng sariling patotoo tungkol sa mga kautusan ng Panginoon sa kanyang ama (tingnan sa 1 Nephi 2:16–20). Alam niya na mahihirapan silang kunin ang mga laminang tanso. Ngunit hindi tulad ng kanyang mga kapatid, alam niya na ang Panginoon ay tutulong sa kanya at maghahanda ng paraan para sa kanila upang maisagawa nila ito.
Ang pananampalatayang ito sa Diyos at sa Kanyang propeta ang nagpala at nagpatatag kay Nephi buong buhay niya at tumulong sa kanya na maisagawa ang mga imposibleng bagay. Tulad ni Nephi, makakagawa tayo ng mga dakilang bagay sa ating buhay habang pinagsisikapan nating sundin ang mga payo ng mga buhay na propeta, mga pahiwatig ng Espiritu Santo, at mga banal na kasulatan. Halimbawa, inutusan tayo ng propeta ng Panginoon ngayon na si Pangulong Russell M. Nelson na tumulong sa pagtitipon ng Israel at paghahanda para sa pagbabalik ng Tagapagligtas.1
Habang tayo ay nag-aaral ng salita ng Diyos at sumusunod dito, lalakas ang ating pananampalataya at makadarama tayo sa ating puso ng determinasyong patuloy na maging masunurin, kahit alam nating mahirap ang mga bagay-bagay.
Pagkakaroon ng Espirituwal na Katatagan
Nagtuturo rin sa atin ang halimbawa ni Nephi tungkol sa katatagan na katangian ni Cristo—pagsisikap na mapagtagumpayan ang mga pagsubok sa halip na iwasan ang paggawa sa mga inuutos ng Panginoon. May mga pagkakataon sa buhay nating lahat na inuutusan tayong gumawa ng mahihirap at mabibigat na bagay. Sa mga sitwasyong iyon, kung magtitiwala tayo sa ating pananampalataya kay Cristo at pipiliin natin ang “tama na mas mahirap gawin sa halip na ang mali na mas madaling gawin,”2 tayo ay pagpapalain.
Kapag naharap ka sa mahirap na desisyon o gawain, ang pagtataglay ng ugaling “hahayo at … gagawin” ay makakatulong sa iyo na magpatuloy. Ipinapakita sa Panginoon ng iyong matapat na pagtugon sa patnubay na natanggap mo na ikaw ay maaasahan Niya at palalakasin Niya ang pananampalataya mo kay Jesucristo.
Habang matapat kang nagsisikap na magkaroon ng patotoo, espirituwal na katatagan, at ugaling “hahayo at … gagawin,” pagpapalain ka ng Panginoon, palalakasin ka Niya, at susuportahan ka ngayong taon at buong buhay mo.