2020
Si Batbayar at ang Aklat na may mga Larawan
Enero 2020


Si Batbayar at ang Aklat na may mga Larawan

Batbayar and the Book with Pictures

Mahangin noong araw na iyon sa Mongolia. Ang siyam na taong gulang na si Batbayar ay naglalakad pauwi mula sa hintuan ng bus pagkagaling sa paaralan. Hinigpitan niya ang hawak sa kanyang diyaket dahil mahangin. Mabuti na lang at hindi malayo ang bahay ng kanyang lolo’t lola, kung saan siya nakatira.

“Nandito na po ako!” sabi ni Batbayar pagpasok niya sa bahay.

“Maligayang pagdating,” sabi ng lola niya. “Gumawa ako ng ilang khuushuur para sa miryenda.”

Salamat po!” Kumuha si Batbayar ng isa sa maiinit at maaanghang na empanadang may karne.

“Teka! Huwag ka munang kumain hangga’t wala pa rito ang mga misyonero,” sabi ng lolo niya. “Sandali na lang at darating na sila.”

Gustung-gusto ni Batbayar kapag bumibisita ang mga misyonero mula sa simbahan ng lolo’t lola niya. Palagi siyang maraming natututuhan mula sa kanila. Pero may isang problema.

“Pababasahin po ba nila ako ulit mula sa Aklat ni Mormon?” tanong ni Batbayar. “Nahihirapan po akong magbasa.”

“Kaya nga magdadala sila ng ibang aklat ngayon,” sabi ng lola niya.

“Ano pong aklat?” sabi ni Batbayar.

“Makikita mo,” sabi ng lolo niya.

Maya-maya lang, dumating na ang mga misyonero. Pinagsaluhan nila ang masasarap na empanadang may karne na ginawa ng lola niya. Pagkatapos ay sabi ni Batbayar, “Sabi po ni Lola may dala kayong aklat para sa akin”

“Sa palagay ko, magugustuhan mo ang aklat na ito,” sabi ni Sister Heitz. “Marami itong larawan.”

Tiningnan ni Batbayar ang pabalat. Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, nakasaad dito. Ang larawan sa pabalat ay nagpapakita ng mga taong gumagawa ng isang sasakyang-dagat.

“Naaalala ko po ang kuwentong iyan,” sabi Batbayar. “Hindi alam ng lalaki kung paano gumawa ng sasakyang-dagat. Kaya nagdasal siya. At tinulungan siya ng Diyos.”

“Tama,” sabi ni Sister Enkhtuya. “Sisikapin mo bang basahin ang aklat na ito? Pagkatapos ay maaari kang magdasal para malaman kung totoo ang itinuturo nito.”

“Sige po,” pangako ni Batbayar.

Noong gabing iyon, binasa niya ang aklat na may mga larawan. Binasa niya ang kuwento tungkol sa sasakyang-dagat. Pagkatapos ay nagdasal siya. Nakatulog siya habang iniisip ang tungkol sa taong gumawa ng sasakyang-dagat at kung paano tinulungan ng Diyos ang taong iyon.

Mula noon, gabi-gabing nagbabasa si Batbayar ng isang kuwento. Pagkatapos ay nagdarasal siya. At bawat gabi, nakakatulog siya habang iniisip ang tungkol sa nabasa niya.

Pagbalik ng mga misyonerong babae, tinuruan nila si Batbayar ng iba pa tungkol kay Jesucristo. Natuto si Batbayar tungkol sa mga propeta. Natuto siya tungkol sa mga kautusan ng Diyos. Patuloy siyang nagsimba kasama ang lolo’t lola niya. At patuloy siyang nagbasa at nagdasal.

Isang araw, mayroong mahalagang bagay na sinabi si Batbayar sa kanyang lolo’t lola. “Nang basahin ko po ang mga kuwento sa aklat na may mga larawan, maganda po ang naramdaman ko,” sabi niya. “Kapag nagdarasal po ako, nararamdaman kong totoo ang mga ito. Sa palagay ko po, dapat na akong magpabinyag.”

Ngayon, si Batbayar ay miyembro na ng Simbahan. Mas lalo siyang humusay sa pagbabasa. At binabasa pa rin niya ang Aklat ni Mormon gabi-gabi! ●