Mahalaga ang Kabaitan
Ang Paghingi ng Tawad
Isang araw sa paaralan, tinutukso ng ilan sa mga kaklase ko ang isa pang estudyante sa pamamagitan ng pagtawag sa kanya ng iba’t ibang pangalan. Mukhang masaya iyon, kaya sumali ako sa kanila. Sa loob ng ilang linggo, tinutukso ko siya kasama ang mga kaibigan ko.
Pagkalipas ng ilang linggo, sinabi sa akin ng estudyante kung ano ang nararamdaman niya. Nasaktan siya dahil sa mga sinabi namin kahit nagkukunwaring wala siyang pakialam sa pagtukso namin sa kanya. Sinabi niya na umiiyak siya gabi-gabi. Halos maiyak ako nang sabihin niya ito sa akin. Gusto ko siyang tulungan kaya nagpasiya akong humingi ng tawad para sa mga nasabi ko sa kanya.
Kaya kinabukasan, lumapit ako sa kanya at inakbayan ko siya. Sabi ko, “Pasensya na talaga sa pagtukso ko sa iyo.” Tumango siya, at napuno ng luha ang kanyang mga mata. Pero tinutukso pa rin siya ng ibang mga bata. Pagkatapos ay naalala ko ang natutuhan ko sa klase namin sa Primary: piliin ang tama.
Matapang kong sinabi sa mga kaklase ko, “Tumigil na kayo sa panunukso sa kanya! Alam ba ninyo kung gaano ito kasakit para sa kanya? Sana humingi kayo ng tawad para sa ginawa ninyo sa kanya at maging kaibigan ninyo siya.”
Pero hindi sila kaagad nagbago. Sa halip, nagalit sila sa akin at sabi nila, “Ano bang biglang nangyari sa iyo? Tinukso mo rin siya!”
Malungkot pa rin ako dahil sa nagawa ko sa kanya noon. Kaya sabi ko, “Humingi na ako ng tawad sa kanya. Gusto kong maunawaan ninyo ang nadarama niya at tumigil na rin kayo sa panunukso sa kanya.”
Humingi ng tawad ang isa sa kanila, at kaming tatlo ay naging magkakaibigan. Tinutukso pa rin siya ng ilang tao, pero mas masaya na siya dahil kasama niya kami. Pipiliin ko ang tama sa pamamagitan ng pagtulong sa isang kaibigan na nangangailangan. ●