Pagpaplano para sa Hinaharap,Nabigyang-inspirasyon ng Nakaraan
Para sa karamihan ng mga tao sa mundo, ang bagong taon ay isang panahon para pag-isipan ang hinaharap. Ngunit panahon din ito para matuto mula sa nakaraan. Habang iniisip kung saan tayo nanggaling at kung saan tayo papunta, makakahanap tayo ng mga pagkakataong umunlad.
Sa gayong pananaw, hindi lamang nagtatampok ang isyung ito ng ilang kapana-panabik na pagbabago para sa hinaharap, ngunit sinusuri rin nito ang ating nakaraan upang maunawaan ang bahagi natin sa mga kaganapang darating.
Sa taong ito, ginugunita natin ang ika-200 anibersaryo ng Unang Pangitain. Ang Unang Panguluhan at ang iba pa ay naghanda ng isang serye ng mga artikulo na sumusuri sa nakaraan at tumutulong sa atin na hubugin ang ating hinaharap. Sa buwang ito, tutulungan tayo ni Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, na maunawaan ang ating bahagi sa patuloy na Panunumbalik ng kaharian ng Diyos at sa Kanyang mga gawain upang maihanda tayo para sa Ikalawang Pagparito (tingnan sa pahina 12).
Sa pagpaplano para sa hinaharap, ang isyung ito ay naglalaan din ng mga sanggunian para sa bagong inisyatibo ng Simbahan na suportahan ang mga bata at kabataan (tingnan sa mga pahina 20 at 26) at simulan ang pag-aaral ng kursong Aklat ni Mormon para sa mga indibiduwal at pamilya (tingnan sa mga pahina 34 at 38). Ang nilalaman ng artikulo namin para sa mga kabataan ay nagpapakilala ng bagong tema ng mga kabataan (tingnan sa mga pahina 56 at 60).
Umaasa kami na patuloy na magiging mahalagang materyal ang Liahona sa pagsuporta sa inyong pag-aaral ng ebanghelyo na nakasentro sa tahanan habang magkakasama tayong sumusulong, na nabigyang-inspirasyon ng pag-unlad ng nakaraan.
Adam C. Olson
Namamahalang Patnugot