“Sa Karunungan Niya na Nakaaalam ng Lahatng Bagay”
Nang pumasok ako sa missionary training center bilang isang full-time missionary, nalaman ko na marami pang dapat matutuhan. Ginawa ko ang lahat ng makakaya ko para mag-aral, palakasin ang aking patotoo, at patibayin ang pundasyong mayroon na ako. Mananalangin ako, magtatanong sa Ama sa Langit, at magsasaliksik ng mga kasagutan. Ang gawaing ito ang nagpabago sa aking buhay.
Isang araw, habang naglilingkod ako bilang misyonero sa Peru, nakatanggap ang kapwa ko elder ng isang liham na nagbalita sa kanya na ang ama ng matalik niyang kaibigan ay namatay nang biglaan. Umiyak siya. “Bakit hinayaan ng Ama sa Langit na mangyari ito?” hinagpis niya.
Ang tanong na ito ay nagkaroon ng matinding epekto sa akin. Noong gabing iyon, lumuhod ako at itinanong ko iyon sa Ama sa Langit. Pagkatapos, sa pagsasaliksik sa Aklat ni Mormon, natuon ang paningin ko sa 2 Nephi 2:24, na nagsasabing, “Ngunit masdan, ang lahat ng bagay ay ginawa sa karunungan niya na nakaaalam ng lahat ng bagay.”
Ang banal na kasulatang iyon ay tumimo sa kaibuturan ng aking puso. Sinulatan ko ang elder at isinama ko ang banal na kasulatang iyon bilang bahagi ng aking patotoo. Tiniyak ko sa kanya na magiging maayos ang lahat dahil lahat ng bagay ay ginagawa sa karunungan ng Ama sa Langit. Mapagkakatiwalaan natin Siya dahil mahal Niya tayo at Siya ang nakaaalam ng lahat ng bagay.
Pagkalipas ng isa’t kalahating taon, naglilingkod ako sa kabundukan ng Peru nang makatanggap ako ng isang di-inaasahang tawag mula sa aking mission president. Sinabi niya sa akin na na-stroke ang aking ama at malubha ang kalagayan nito. Pagkalipas ng ilang araw, pumanaw ang aking ama. Napakalungkot ko, at marami akong tanong tulad ng, “Paano ko ito makakayanan?”
Nanalangin ako at humingi ng kasagutan sa Ama sa Langit. Ang pinakagusto kong malaman ay kung bakit kinailangang kunin ang aking ama nang hindi man lang ako nagkakaroon ng pagkakataon na makapagpaalam. Kinuha ko ang Aklat ni Mormon, binuklat ito, at muling binasa ang mga salitang ibinahagi ko sa elder na iyon maraming buwan na ang nakalilipas: “Ngunit masdan, ang lahat ng bagay ay ginawa sa karunungan niya na nakaaalam ng lahat ng bagay.” Ang mga salitang ito ay nagdulot ng labis na kapayapaan sa akin at nagbigay ng lakas noong nanlulumo ako.
Pumanaw na ang aking ama sa lupa, ngunit ang aking Ama sa Langit ay laging naririyan para sa akin. Ginagawa ng Ama sa Langit ang lahat ng bagay sa Kanyang karunungan, at kapag nagsaliksik tayo at ginawa natin ang lahat ng ating makakaya para maihanda ang ating mga sarili, makakahanap tayo ng mahahalagang sagot.