Mauunawaan Ba Niya?
Noong 2005, napaaga ang pagsilang ko sa aking triplets: sina Milena, Mateo, at Nelson. Isinilang nang malusog si Milena, ngunit ang aking dalawang anak na lalaki ay nagkaroon ng mga kumplikasyon. Namatay si Mateo dahil sa mga kumplikasyong iyon makalipas ang tatlong buwan pagkatapos niyang maisilang.
Isang buwan pagkatapos pumanaw ni Mateo, sinabi ng doktor na may cerebral palsy at pagkabingi si Nelson. Nanlumo kami. Sinabi rin sa amin ng doktor na hindi siya makakalakad kailanman. Noong sandaling iyon, nagpasalamat kami para sa aming kaalaman tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo. Nakatulong ito para maunawaan namin kung bakit dumaranas tayo ng paghihirap sa buhay na ito.
Sa pamamagitan ng pananampalataya at kasipagan, si Nelson ay natutong maglakad at makipag-usap sa pamamagitan ng sign language. Nahigitan pa niya ang inaasahan ng kanyang mga doktor. Lumaki siyang masaya sa aming pamilya at sa ebanghelyo.
Sa kabila ng kanyang mga limitasyon, nagkaroon kami ng ilang mithiin para Nelson: na maunawaan niya ang kahulugan ng pagbibinyag bago siya mabinyagan, na matanggap niya ang Aaronic Priesthood sa edad na 12, at na makapunta siya sa templo para mabinyagan para sa mga patay.
Noong 2017, 12 taong gulang na si Nelson. Tinulungan namin siyang maghanda para mabinyagan para sa mga patay. Mahirap para sa kanya na maunawaan na yaong mga pumanaw nang hindi nabinyagan ay nangangailangan ng ating tulong. Di-nagtagal pagkatapos ng kaarawan ni Nelson, siya, si Milena, ang kanyang mga nakatatandang kapatid na sina Franco at Brenda, at ang iba pang mga kabataan mula sa aming ward ay pumunta sa Córdoba Argentina Temple. Ang temple president ay bumati sa kanila at nagbahagi tungkol sa kahalagahan ng binyag para sa mga patay. Tinabihan ko si Nelson at nag-sign language ako para maunawaan niya ang sinabi. Hindi nagtagal, siya na ang bibinyagan. Nang pababa na siya sa bautismuhan, naisip namin, mauunawaan ba talaga niya?
Paglusong ni Nelson sa tubig, naging emosyonal siya. Noong sandaling iyon, ipinahiwatig sa amin ng Espiritu Santo na talagang naunawaan niya na gumagawa siya ng isang bagay para sa kanyang mga yumaong ninuno na hindi na nila magagawa para sa kanilang mga sarili. Alam namin na naunawaan niya na masaya ang aming mga kapamilya sa kabilang tabing na tinutulungan niya sila. Ipinahiwatig din sa amin ng Espiritu na naroon si Mateo para samahan ang kanyang mga kapatid. Nang umahon si Nelson sa tubig, napakasaya niya.
Mula noon, si Nelson ay nabinyagan at nakumpirma para sa maraming miyembro ng aming pamilya, kabilang na ang aking ama na pumanaw noong 2016. Mahal namin ang templo. Ang paglilingkod doon ay naging isa sa mga tradisyon ng aming pamilya. Tuwing pupunta kami roon, naaalala namin ang espesyal na araw na iyon.