2020
Paggamit ng Kapangyarihan ng Aklat ni Mormon
Enero 2020


Paggamit ng Kapangyarihanng Aklat ni Mormon

Ang awtor ay naninirahan sa Arizona, USA.

Book of Mormon

Habang nasa misyon ako sa Pilipinas, nagturo kaming magkompanyon ng isang matinding aralin tungkol sa kahalagahan ng pag-aaral ng Aklat ni Mormon araw-araw. Sa dulo ng aming pagtuturo, nagbahagi ang kompanyon ko ng isa sa pinakamalakas na patotoo tungkol sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan na narinig ko. Nagpatotoo siya na ang pagbabasa ng Aklat ni Mormon ay nagdagdag ng bagong lakas sa kanyang buhay na hindi niya kayang ipaliwanag.

Walang alinlangan na ang karanasan niya sa Aklat ni Mormon ay nagpabago ng kanyang buhay, at gusto ko ring maranasan iyon para sa aking sarili.

Nagpasiya ako noong gabing iyon na basahin ulit ang Aklat ni Mormon. Mula sa simula.

Nag-ukol ako ng mahabanag oras sa pagdarasal at pagpapaliwanag sa Diyos na gusto kong maranasan ang pagbabago at kapangyarihan na nagmumula sa Espiritu Santo.

Ang sagot na natanggap ko ay: Magbasa ka. Magbasa ka lamang.

Kaya iyon nga ang ginawa ko. Sinimulan ko ang pagbabasa nang may panibagong determinasyon. Pinagtuunan ko ang bawat talata, kabanata, at pahina. Habang nagbabasa ako, nakahanap ako ng mga talatang sumasagot sa mga tanong ko, pumapawi sa aking mga alalahanin, at tumutulong na mapagaan ang mga pasanin ng mga tinuturuan namin.

Makalipas ang humigit-kumulang isang buwan, napagtanto ko na may nagbabago sa kaibuturan ng aking puso. Nadagdagan ang kakayahan kong magmahal ng aking kapwa; nagkaroon ako ng higit na pag-asa para sa hinaharap; naging mas masipag ako at nakapagtrabaho ako nang mas matagal araw-araw; mas nakatuon ako sa gawain; at nagsimula akong makadama ng labis na kagalakan.

Isang araw sa aking pag-aaral, nabasa ko ang isang pahayag mula kay Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994), dating Pangulo ng Simbahan: “May kapangyarihan sa [Aklat ni Mormon] na magsisimulang dumaloy sa inyong buhay sa sandaling simulan ninyong dibdibang pag-aralan ang aklat. … Kapag nagsimula kayong magutom at mauhaw sa mga salitang iyon, makikita ninyo na lubos na sasagana ang buhay.”1

Sa patuloy kong pag-aaral, nagsimula kong maunawaan kung ano ang ibig niyang sabihin. Nakita ko na lubos na sumagana ang buhay.

Ngayong iniisip ko ito, naniniwala ako na isa sa mga dahilan kung bakit naging kompanyon ko ang misyonerong iyon ay para marinig ko ang kanyang patotoo noong gabing iyon. Naramdaman ko na tila lahat ng mabubuting bahagi ng buhay—pagmamahal, pag-asa, pagtitiwala, pagsusumikap, determinasyon, at kagalakan—ay nadagdagan.

Nagkaroon ng bagong liwanag sa aking buhay, at alam ko na totoo ito.

Mga Tala

  1. Ezra Taft Benson, “The Book of Mormon—Keystone of Our Religion,” Ensign, Nob. 1986, 7.

  2. Russell M. Nelson, “Ang Aklat ni Mormon: Ano Kaya ang Buhay Ninyo Kung Wala Ito?” Liahona, Nob. 2017, 62.