2020
Henry B. Eyring
Enero 2020


Ang Huling Salita

Humayo atGumawa nang May Tiwala sa Diyos

Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2010.

Napukaw ng batang si Nephi sa Aklat ni Mormon ang hangarin nating magkaroon ng tiwala sa Panginoon na sundin ang Kanyang mga utos. Naharap si Nephi sa panganib at muntik nang mamatay nang sabihin niya itong mga salita ng pagtitiwala na maaari at kailangan nating palaging madama sa ating puso: “Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon, sapagkat nalalaman ko na ang Panginoon ay hindi magbibigay ng mga kautusan sa mga anak ng tao, maliban sa siya ay maghahanda ng paraan para sa kanila upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang ipinag-uutos sa kanila” (1 Nephi 3:7).

Ang pagtitiwalang iyon ay bunga ng pagkakakilala sa Diyos. Kumpara sa iba pang mga tao sa mundo, nadama natin, sa pamamagitan ng maluwalhating Pagpapanumbalik ng ebanghelyo, ang pasasalamat para sa mga inihayag ng Diyos tungkol sa Kanyang sarili para magtiwala tayo sa Kanya.

Para sa akin, nagsimula ito noong 1820 sa isang batang lalaki na nasa kakahuyan sa isang bukirin sa estado ng New York. Ang batang lalaki, si Joseph Smith Jr., ay lumakad tungo sa isang liblib na lugar at lumuhod upang manalangin nang may buong tiwala na sasagot ang Diyos. Sa tuwing mababasa ko ang kanyang kuwento, lumalago ang aking tiwala sa Diyos at sa Kanyang mga tagapaglingkod:

“Ako ay nakakita ng isang haligi ng liwanag na tamang-tama sa tapat ng aking ulo, higit pa sa liwanag ng araw, na dahan-dahang bumaba hanggang sa ito ay pumalibot sa akin.

“… Nang tumuon sa akin ang liwanag, nakakita ako ng dalawang Katauhan, na ang liwanag at kaluwalhatian ay hindi kayang maisalarawan, nakatayo sa hangin sa itaas ko. Ang isa sa kanila ay nagsalita sa akin, tinatawag ako sa aking pangalan, at nagsabi, itinuturo ang isa—Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:16–17).

Inihayag ng Ama sa atin na Siya ay buhay, na si Jesucristo ang Kanyang Pinakamamahal na Anak, at na sapat ang Kanyang pagmamahal para isugo ang Kanyang Anak upang iligtas tayo. At dahil may patotoo ako na tinawag Niya ang batang iyon bilang propeta, nagtitiwala ako sa Kanyang mga apostol at propeta ngayon at sa mga taong tinawag nilang maglingkod sa Diyos.

Ipinapakita ninyo ang inyong tiwala sa Diyos kapag nakikinig kayo na taglay ang hangaring matuto at magsisi at pagkatapos ay humayo at gawin kung anuman ang hinihiling Niya. Kung sapat kayong nagtitiwala sa Diyos upang pakinggan ang Kanyang mga mensahe ng paghimok, pagtutuwid, at paggabay mula sa Kanyang mga tagapaglingkod, matatagpuan ninyo ang mga ito. At kung hahayo kayo at gagawin ang ipinagagawa Niya sa inyo, lalaki ang kapangyarihan ninyong magtiwala sa Kanya, at darating ang panahon na mapupuspos kayo ng pasasalamat na malaman na napagkatiwalaan na Niya kayo.