Mga Bata at Kabataan: Simulan saMabisang Paraan
Ibinahagi ng mga lider ng Simbahan kung paano matutulungan ng mga magulang at ng mga ward ang mga bata na maging katulad ng Tagapagligtas.
Nasasabik man kayo o medyo nag-aalala tungkol sa bagong inisyatibo ng Simbahan—Mga Bata at Kabataan—marahil mayroon kayong ilang mga katanungan: “Paano ito makakatulong sa mga anak ko?” “Paano namin ito isasagawa?” “Ano ang papel ko rito?”
Ang mga lider ng Simbahan ay nagbigay ng ilang mga kasagutan.
Bakit nagsasagawa ng ganitong pagbabago ang Simbahan?
Sister Bonnie H. Cordon: Tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, kinakailangang dagdagan nating lahat ang ating kakayahan na tumanggap ng paghahayag.1 Ang Mga Bata at Kabataan ay nilayon upang anyayahan ang mga indibiduwal at pamilya na maghangad ng inspirasyon mula sa Espiritu tungkol sa kung paano umunlad at magkaroon ng kagalakan sa landas ng tipan. Ito ay magandang halimbawa ng ninanais ng propeta para sa bawat isa sa atin.
Brother Stephen W. Owen: Itinuro rin sa atin ni Pangulong Nelson na tayo ay isang Simbahang nakasentro sa tahanan, anuman ang hitsura ng ating tahanan.2 Hindi tayo isang Simbahang nakasentro sa programa. Matutulungan ng mga lider at guro ng Simbahan ang ating mga anak na matutuhan at ipamuhay ang doktrina, ngunit ang responsibilidad na iyon ay nagsisimula sa tahanan, at ito ay isang pang-araw-araw na responsibilidad.
Tulad ng itinuro ng propeta, kailangang maghangad tayo ng paghahayag at sundin natin ang Espiritu, at matutulungan tayo ng Mga Bata at Kabataan na gawin iyon—dahil mas simple ito. Noon, napakaraming ipinagagawa sa mga magulang para masubaybayan at maunawaan nila ang tungkol sa Pansariling Pag-unlad, Tungkulin sa Diyos, Pananampalataya sa Diyos, at iba pang mga programa ng Simbahan habang nagdadalaga at nagbibinata ang kanilang mga anak. Ang bagong inisyatibong ito ay nag-aanyaya sa mga kabataan at mga bata na maghangad ng inspirasyon sa pagtatakda ng mga mithiin ayon sa kanilang mga pangangailangan at interes.
Sister Joy D. Jones: Magandang pagkakataon ito para sa mga bata at kabataan, ang bagong salinlahi, na palakasin ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo. Kapag natutuhan nilang hangarin at sundin ang patnubay ng Espiritu Santo, mas mauunawaan nila ang kanilang walang hanggang identidad at layunin at kung paano sila uunlad at kung paano nila madarama ang pagmamahal ng Ama sa Langit para sa kanila. Ang inisyatibong Mga Bata at Kabataan ay magpapala at magpapalakas sa ating kabataan at sa kanilang mga pamilya sa pamamagitan ng pagtatatag at pagpapatibay ng ugnayan sa tahanan, sa simbahan, at sa kanilang Ama sa Langit.
Ano ang mga unang hakbang na maaaring gawin ng mga pamilya para masimulan ang pagsasagawa ng Mga Bata at Kabataan?
Sister Jones: Sama-samang manalangin para sa patnubay ng Espiritu. Maaaring magsimula ang mga magulang sa pamamagitan ng pagtalakay sa kanilang pamilya ng tatlong aspeto ng pagsasagawa sa Mga Bata at mga Kabataan: pag-aaral ng ebanghelyo, paglilingkod at mga aktibidad, at personal na pag-unlad. Ano ang kasalukuyan nilang ginagawa? Paano sila uunlad bilang mga indibiduwal at bilang pamilya sa tatlong aspetong ito? Paano makakatulong ang pagtutuon sa Lucas 2:52 na magabayan sila sa kanilang mga plano at pagtatakda ng mithiin para maalala at masunod ang Tagapagligtas? Magandang pagkakataon ito upang mapalakas ang mga kabataan, tahanan, at pamilya sa simple, palagian, at makabuluhang paraan.
Sister Cordon: Magsimula tayo nang paunti-unti. Ang paglakad sa landas ng tipan ay talagang paisa-isang hakbang lamang. Magtakda ng isang mithiin. Magsimula nang simple. Ang mga gabay na aklat para sa mga kabataan at mga bata ay magbibigay sa atin ng magandang huwarang susundin.
Brother Owen: Huwag natin itong gawing kumplikado. Napakasimple nito. Basahin ang Lucas 2:52. Magsimula doon. Pagkatapos, maaaring maglaan ng oras ang mga magulang sa kanilang anak para mapag-usapan ito. “Paano ka namin matutulungan na lumaki sa karunungan at sa pangangatawan at sa pagbibigay-lugod sa Diyos at sa mga tao?” “Ano ang matututuhan o magagawa natin nang magkasama?” “Anong mga mithiin ang maitatakda mo?” Gawin lang itong simple.
Kung may isang bagay na gusto ninyong malaman ng mga bata at kabataan kapag sinimulang isagawa ito, ano iyon?
Sister Cordon: Isa itong kamangha-manghang pagkakataon na lumaki katulad ng Tagapagligtas! Kung iniisip natin, “Ano ang pagtutuunan ko?” alalahanin natin na marami na tayong ginagawa para maging katulad Niya. Ang pag-aaral ng ebanghelyo ay nagaganap sa maraming tahanan at sa simbahan. Tayo ay naglilingkod at nakikibahagi sa mga aktibidad. Ang bagong inisyatibong ito ay paraan lamang para magtuon tayo sa mga bagay na natututuhan natin nang may layunin at managot tayo sa ating mga ginagawa ayon sa mga natutuhan natin—at ituon natin ang pag-unlad na iyon sa apat na aspeto kung saan umunlad ang Tagapagligtas: espirituwal, pakikisalamuha, pisikal, at intelektuwal (tingnan sa Lucas 2:52). Maghahatid ito ng kagalakan, kapayapaan, at walang hanggang kaligayahan sa ating lahat habang sinusunod natin ang Tagapagligtas!
Sister Jones: Ang pag-unlad ay nakatuon sa Tagapagligtas, nakasentro sa pamilya, at sinusuportahan ng Simbahan. Ito ay mas simple at personal kaysa sa mga programa natin noon na hindi na natin gagamitin. Ang pag-unlad ay mangyayari sa bawat indibiduwal. Nawa’y maunawaan ng mga bata, kabataan, lider, at ng kanilang mga pamilya na kaya itong gawin at maaari itong iangkop sa anumang kalagayan upang ang lahat ng anak ng Ama sa Langit sa buong mundo ay magkakasamang umunlad at makaranas ng walang hanggang kagalakan sa landas ng tipan. Hindi ito malaking pagbabago o mahirap matutuhan. Ito ay paggawa ng higit pa sa ginawa na natin, habang ginagabayan tayo ng Espiritu, nang sa gayon ay mapalawak ng ating tapat na pagsisikap ang ating kakayahan na sundin nang buong pagmamahal at husay ang Tagapagligtas.
Bakit mahalaga para sa mga kabataan at mga bata na lumaking katulad ng Tagapagligtas?
Sister Jones: Una at pinakamahalaga sa lahat, nakipagtipan sila na palagi Siyang susundin. Nakipagtipan sila na “tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar” (Mosias 18:9). Kaya’t kailangan nilang lumaki katulad Niya: sa espirituwal, pakikisalamuha, pisikal, intelektuwal. Ang kanilang mga tipan ay hindi lamang dahilan kung bakit dapat nila itong gawin, nagbibigay rin ang mga ito ng kakayahan na tutulong sa kanila na maisakatuparan ang kanilang mga mithiin.
Brother Owen: Ang pinakalayunin natin sa buhay ay sumunod at maging katulad ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Gusto nating maging katulad Nila. Sinisimulan na natin itong gawin sa murang edad, para mayroon na tayong huwaran sa buong buhay natin. At talagang sinusunod natin ang Tagapagligtas kapag ginagawa natin ang mga bagay na ginawa Niya.
Sister Cordon: Ang Tagapagligtas ang huwaran natin sa lahat ng bagay. Pinag-aaralan natin ang Kanyang buhay at misyon at mga turo dahil nais nating maging katulad Niya. Ngunit dahil magkakaiba tayo, bawat isa sa atin ay mayroong mga katangian at kakayahan na kinakailangan nating pagbutihin upang maging katulad Niya. Ang bagong inisyatibong ito ay nagbibigay sa mga bata at kabataan ng pagkakataon na maaari nilang iangkop sa kanilang sarili para umunlad sa mga natatanging paraang iyon, paghusayin ang kanilang mga talento, at tukuyin ang mga bagay na iyon na nahihikayat silang gawin upang maging higit na katulad ng Tagapagligtas. Iyon ang dahilan kung bakit napakapersonal nito. Walang nakatakdang listahan ng gagawin dito. Ang mga mithiing itatakda ng bawat isa sa atin upang sumulong sa landas ng tipan ay magiging iba-iba, ngunit sama-sama tayong matututo at uunlad at mapapalapit sa ating Tagapagligtas.
Ano ang inaasahan ninyong madaramang mga bata at kabataan kapag nakibahagi sila?
Sister Cordon: Umaasa ako na magkakaroon sila ng mas malalim na pag-unawa sa kanilang walang hanggang identidad at madarama nilang kabilang sila. Kapag kilala natin kung sino tayo at kung kanino tayo nakipagtipan, iba ang ikikilos natin. Matututuhan nilang mahiwatigan na ang sinasabi ng ilan sa social media ay hindi totoo, dahil naranasan na nila kung paano mangusap sa kanila ang Espiritu. Magkakaroon sila ng kumpiyansa sa kanilang sarili at sa kanilang banal na potensiyal bilang mga anak na babae at lalaki ng Diyos.
Sister Jones: Gusto naming magkaroon sila ng pananampalataya at pag-asa kay Jesucristo, madama nila ang kapayapaan na dulot ng pagsunod sa mga kautusan, maranasan nila na magkaroon ng masayang samahan, matuto silang maging matatag, at madama nila ang kagalakang hatid ng paglilingkod sa kapwa at ang kaligayahan at kasiyahan ng pakikibahagi sa gawain ng kaligtasan.
Brother Owen: Umaasa ako na mauunawaan ng mga bata ang ebanghelyo upang magkaroon sila ng hangaring ipagpatuloy ang pakikibahagi sa inisyatibong ito. Hindi ito tungkol sa pagtapos ng mga gawain. Ito ay isang proseso ng pag-aaral at pagiging katulad ng Tagapagligtas. Nawa’y magkaroon ng kumpiyansa sa kanilang pagkaunawa sa ebanghelyo ang ating mga anak at ang mga taong pinaglilingkuran natin para maituro nila ito sa iba. Halimbawa, kapag tinanong natin ang ating mga anak tungkol sa ebanghelyo, nawa’y makarinig tayo ng malalim na sagot dahil natutuhan nila ito at bahagi ito ng kanilang pagkatao.
Paano malalaman ng mga magulang kung ang Mga Bata at Kabataan ay nagtagumpay sa kanilang tahanan?
Brother Owen: Hahanapin ko ang mga bunga ng Espiritu na binanggit sa Mga Taga Galacia 5, tulad ng pakakaroon ng higit na kapayapaan sa tahanan. Sa palagay ko, magiging mas mabait at mas mapagmahal ang kanilang mga anak. Nanaisin ng mga anak na makasama palagi ang kanilang pamilya. Mas malamang na ang mga anak ay mananalangin at maghahanap ng mga kasagutan. Makakakita ang mga magulang ng pag-unlad hindi lamang sa aspetong espirituwal kundi pati na rin sa aspetong pakikisalamuha, pisikal, at intelektuwal.
Sister Jones: Malalaman nila na nagtagumpay ito kapag tumitibay ang mga samahan, kapag nakakaranas ng totoong pag-unlad ang mga miyembro ng pamilya at nagsisikap pa rin sila kahit nahihirapan, kapag nagpapakita sila ng suporta at pagmamahal sa isa’t isa, at kapag ang impluwensya ng Espiritu Santo ay palaging hinahangad at naroroon sa kanilang tahanan. Maaaring mas maunawaan ng mga miyembro ng pamilya ang kaugnayan ng ginagawa nila sa araw-araw sa buhay ni Cristo. Marahil magkakaroon sila ng higit na pasasalamat para sa kalayaang pumili at pagsisisi, mas mabuting pag-uugali, dagdag na kumpiyansa sa sarili, pagsisikap na maglingkod sa iba sa halip na pagtuunan ang sarili, at higit na pasasalamat para sa Tagapagligtas, sa Kanyang buhay, sa Kanyang mga turo, sa Kanyang halimbawa, at sa Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli.
Ano ang maipapayo ninyo sa mga magulang na nag-aatubiling iwanan ang mga dating programa ng Simbahan?
Sister Cordon: Siyempre mahal natin ang mga dating programa, kasi bawat isa sa atin ay umunlad at nagkaroon ng pagkakataon na makita ang iba na umunlad dahil sa mga programang iyon. Akma ang mga iyon para sa panahon nila. Ngunit hindi ba tayo nagpapasalamat para sa patuloy na paghahayag? Nais ng Panginoon na patuloy tayong umunlad at magbago, at nais din Niya na ang ating mga programa ay umunlad at magbago upang matugunan ng mga ito ang mga pangangailangan ng mga miyembro sa buong mundo. Lagi tayong nagsisikap na umunlad at maging uri ng Simbahan at tao na nais ng ating Ama sa Langit na kahinatnan natin.
Sister Jones: Lubos tayong napagpala ng mga dating programa kaya dapat nating ipagpasalamat ang lahat ng mga natutuhan at naranasan natin. Ito ay isang bagong panahon sa kasaysayan at isang pagkakataon para hingin ang patnubay ng Panginoon upang matuto at umunlad sa mga bago at inspiradong paraan.
Paano matutulungan ng mga lider ang mga bata at kabataan sa personal na pag-unlad?
Brother Owen: Una sa lahat, sa palagay ko ay kinakailangang makita ng lider ang bata o binatilyo o dalagitang iyon kung paano siya nakikita ng Diyos, sa madaling salita, kung ano ang maaari niyang marating, hindi lamang kung sino siya ngayon. Sa simula pa lamang, dapat alam na ninyo kung ano ang gusto ninyong makamtan. Magkaroon ng pangmatagalang pananaw. Mahabang panahon ang kailangan dito. Tingnan kung ano ang maaaring marating ng mga bata at kabataan. Pagtibayin ang inyong samahan para kapag kailangan ninyong magsalita sa mga kabataan, makikinig sila sa inyo dahil iginagalang nila kayo.
Bukod doon, kilalanin din ang mga magulang. Alamin mula sa kanila kung paano kayo makakatulong. Igalang ang kanilang tungkulin bilang mga magulang.
Sister Jones: Ang Primary ay walang mga panguluhan ng mga korum at klase na gaya ng sa young men at young women. Ang mga lider at guro sa Primary, pati na rin ang mga ministering brother at sister, ay nagbibigay ng tulong sa mga batang hindi natuturuan ng ebanghelyo sa kanilang mga tahanan. Gayunman, mahalaga na palagi nating iginagalang ang ugnayan sa pagitan ng mga bata at kabataan at ng kanilang mga magulang, anuman ang sitwasyon sa kanilang tahanan. Ang Mga Bata at Kabataan ay maaaring magbigay-daan para maanyayahan ang buong pamilya na magsiparito at tingnan at magsiparito at tumulong. Maaari itong maging daan upang mapalakas ang buong pamilya, miyembro man sila o hindi ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Sister Cordon: Marami tayong mga bata at kabataan na walang kasamang magulang sa simbahan kapag Linggo ngunit mapagmahal pa rin ang mga magulang. Hinihikayat ko ang mga lider na kilalanin ang mga magulang at alamin kung ano ang mga pangarap at inaasam nila para sa kanilang mga anak. Maaari tayong tumulong. Kapag nakikipagtulungan tayo sa mga magulang, mapapalakas natin ang mga indibiduwal at ang kanilang mga pamilya at mahihikayat din natin ang mga bata at kabataan na patatagin ang pamilya ng isa’t isa.
Ano ang nais ninyong sabihin sa mga magulang na nag-aalala na baka hindi nila matulungan ang kanilang mga anak na magtagumpay sa Mga Bata at Kabataan?
Sister Cordon: Ang maganda ay ginagawa na natin ang karamihan dito. Pinag-aaralan na ng mga pamilya ang ebanghelyo nang magkakasama. Naglilingkod na tayo at gumagawa ng mga aktibidad. Matagal na tayong nagsisikap na mapaunlad ang ating mga sarili; ngayon ay magtutuon lamang tayo sa mga paraan kung paano lumaki si Cristo.
Kapag kinausap natin ang ating mga anak, sa palagay ko ay talagang masisiyahan tayo. Makinig lamang kayo sa mga hangarin ng inyong mga anak sa natural na paraan. Nais ng ating Ama sa Langit na umunlad, magalak, at makabalik sa piling Niya ang inyong anak. Madarama ninyo na ginagabayan kayo ng Espiritu Santo kapag magkakasama ninyong sinisikap na maging bahagi ng lahat ng aspeto ng inyong buhay ang ebanghelyo at ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo.
Sister Jones: Magsimula sa paraang epektibo sa inyong pamilya. Magtiwala na tutulungan kayo ng langit. Hangarin ang patnubay ng Espiritu. Ang Mga Bata at Kabataan ay magiging napakahalagang kasangkapan ng mga magulang. Maraming kinakailangang gawin ang mga magulang ngayon sa paggabay at pangangalaga sa kanilang mga pamilya. Kung minsan, tila napakabigat na ng mga pasanin. Ang Mga Bata at Kabataan ay tutulong sa mga magulang na tukuyin kung ano ang kinakailangan mula sa kung ano ang mahalaga. Ang pagtulong sa ating mga pamilya na matutuhan kung paano sundin ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng inspirasyon ng Espiritu Santo ay kinakailangan nating lahat at maghahatid ng pagmamahal at mga pagpapala ng Panginoon.
Brother Owen: Sa palagay ko ay talagang matutulungan ninyo ang mga bata at kabataan. Hindi ninyo kinakailangang gumawa ng malaking bagay. Ang pinakamahalaga ay pagiging tapat at madasalin at pagkakaroon ng mabubuting kaugalian at gawain sa inyong pamilya. Magsimula sa ilang mahahalaga, simple, at mabubuting gawain, at makikita ninyo ang mga himala na mangyayari sa buhay ng inyong mga anak.