2020
Paghikayat sa Bagong Salinlahi
Enero 2020


Paghikayat saBagong Salinlahi

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Narito ang apat na paraan para matulungan ninyo ang inyong mga anak na magtakda ng mga makabuluhang mithiin at abutin ang mga ito para lumaki silang katulad ng Tagapagligtas.

hands helping women

Mga paglalarawan ni David Green

Bilang mga magulang at lider, nais nating tulungan ang mga bata at kabataan na maging panghabambuhay na disipulo ni Jesucristo na hinihikayat ang kanilang mga sarili na paglingkuran ang Panginoon at tuparin ang kanilang mga personal na misyon.

Ang Mga Bata at Kabataan ay isang simple ngunit mabisang sanggunian o resource na tutulong sa mga bata at kabataan na umunlad sa espirituwal, sosyal, pisikal, at intelektuwal, tulad ng Tagapagligtas (tingnan sa Lucas 2:52). Mangyayari ito habang natututuhan at ipinapamuhay nila ang ebanghelyo ni Jesucristo, nakikibahagi sila sa makabuluhan at masayang paglilingkod at mga aktibidad, at nagtatakda sila ng kanilang mga sariling mithiin at inaabot nila ang mga ito. Gayunman, tulad ng mga magulang sa kuwento sa ibaba, maaaring nabibigatan na tayo hindi pa man natin idinadagdag ang mga mithiin ng ibang tao sa ating listahan. O maaaring nag-aalala tayo na hindi uunlad ang ating mga anak kung hindi natin titiyakin na ginagawa nila ito.

Pag-uusap tungkol sa Pagtatakda ng Mithiin, Halimbawa 1:

Sinusuri ni Alana, 15, katabi ng kanyang ina na si Rachel, ang listahang ginawa nila tungkol sa mga mithiing maaaring gawin ni Alana. Dumaan ang tatay ni Alana na si Jeff. “Alin po sa mga ito ang dapat kong gawin, Itay?” tanong ni Alana.

Tumingin si Jeff sa kanyang relo, bahagyang napasimangot, at tiningnan ang listahan. “Parang madali ang isang ito. Bakit hindi ka ‘Magsaulo ng isang himno’? Mabilis mong magagawa iyan. Ano pa kaya ang madali?”

Naaalala ang pag-aatubili ni Alana na sumali sa track team ng paaralan, sumali na sa usapan si Rachel. “Siguro kailangang mas mahirap ang gawin mo! Ano kaya kung may kinalaman sa ehersisyo?” mungkahi niya.

“Hay,” bulong ni Alana habang kinukuha ang kanyang telepono. “Sige na nga po.”

Paano Makakatulong ang mga Magulang at Lider?

Maraming magagawa ang mga magulang at lider para matulungan ang mga bata at kabataan na mahikayat ang kanilang mga sarili na magkaroon ng mabubuting kaugalian, gumawa ng mabubuting pagpili, at tamasain ang kanilang pag-unlad at tagumpay.

Mag-isip ng isang pagkakataon kung kailan talagang nahikayat ka na gawin ang isang mithiin. Ano ang naghikayat sa iyo? Malamang nakakita ka ng isang pagkakataon o kasanayan na talagang gusto mo o ng isang problema na kinakailangan mong lutasin. Ang halimbawa at suporta ng iba ay naghikayat sa iyo na subukan itong gawin.

Gayundin, ang mga bata at kabataan ay mas lalong mahihikayat kapag sila ay (1) nananalangin bago magpasiya kung ano ang gusto nila (hindi lang kung ano ang gusto ng iba para sa kanila), (2) nagpaplano na makamtan ito, (3) hindi gaanong naiimpluwensyahan ng pagbibigay ng mga gantimpala o parusa, at (4) nakadarama ng suporta mula sa kanilang mga magulang at lider.

1. Tulungan ang mga kabataan na matukoy kung ano ang pinakagusto nila

Lahat ng tao ay may isang bagay na gusto: makasali sa isang sports team, makatulog nang mas mahaba, hindi gaanong malungkot, mas mapalapit sa Diyos. Madalas itanong ng Panginoon at ng Kanyang mga sugo sa mga tao, “Ano ang nais ninyo?” (tingnan sa Marcos 11:24; 1 Nephi 11:1–2; Alma 18:15; 3 Nephi 27:1–2; Eter 2:23–25). Ngunit bago natin matukoy kung ano ang pinakagusto natin, hindi kung ano lang ang gusto natin ngayon, kinakailangan natin ng matinding karanasan at pagninilay.

Habang iniisip mo ang isang bata o kabataan na nais mong tulungan, tanungin ang iyong sarili:

  • Paano ko maipapabatid sa kanila angmga bagong karanasan, kaugalian, at ideya sa isang kontekstong mayroong mabuting ugnayan at masaya?

  • Hahayaan ko bang maranasan nila ang mga bunga ng mga maling pagpili para naisin nilang gumawa ng mas mabubuting pagpili?

  • Kailan ko sila tatanungin kung ano ang pinaniniwalaan at pinahahalagahan nila? (Tingnan ang kalakip na listahan, “Mga Makakatulong na Tanong sa Pagtuklas.”)

  • Paano ko maipapabatid sa kanila ang kanilang mga kalakasan? (Sabihin: “Nakita ko na talagang magaling ka sa ____________________. Paano mo magagamit iyon para mapaglingkuran ang Panginoon?”)

2. Tulungan ang mga kabataan na magplano

Kapag nakapagtakda na sila ng isang mithiin, kadalasan ay madali na lang para sa mga kabataan na magplano. Maaaring mangailangan ng mas maraming ideya ang mga bata. Magmungkahi lamang kapag wala na silang maisip. Matuwa, sa halip na magalit, kung mas gusto nila ang kanilang mga ideya kaysa sa ideya mo!

Para matulungan ang iba na magplano, maaari mong itanong:

  • Ano ang mithiin mo? (Ang mga di-konkretong mithiin tulad ng “Maging mas mabait” ay mahirap tukuyin maliban kung maglalagay sila ng partikular na gawain tulad ng “Purihin ang isang tao araw-araw” o “Humingi ng paumanhin kapag nagalit ako.”)

  • Bakit mahalaga sa iyo ang mithiing ito? (Paano ito makakatulong sa kanila na maisabuhay ang kanilang mga prinsipyo o maging higit na katulad ng Tagapagligtas?)

  • Magandang pagkakataon ba ito para makamit ang mithiing ito? (Bakit oo o bakit hindi?)

  • Anong simpleng hakbang ang maaari mong gawin para makapagsimula? (Ipaalala sa kanila na ang pagkilos ay lalo pang naghihikayat ng paggawa. Tulungan silang magsimula, o magsimulang muli, sa isang simpleng bagay.)

  • Paano mo masusuportahan ang iyong plano? (Maaaring gumawa ng mga paalala, magpaskil ng mga nakakahikayat na mensahe, gumawa ng tsart o timetable para masubaybayan ang pag-unlad, alisin ang mga tukso, gamitin ang mga tamang materyal,o magpatulong.)

  • Ano ang mga maaaring makahadlang sa iyo? Paano mo aalisin ang mga ito? (Tulungan silang maalala ang kanilang plano, alamin kung ano ang nangyaring mali, paghusayin pa ang mahihirap na bahagi, sumubok ng bagong diskarte, o baguhin ang mithiin.)

Para matulungan ang iba sa kanilang mga problema, maaari kang magbahagi ng mga karanasan mula sa iyong buhay o pamilya tungkol sa mga taong naging matatag sa gitna ng mga pagsubok. Subukan ding itanong:

  • Ano ang sinubukan mong gawin? Ano pa ang maaari mong gawin?

  • Sino ang maaaring tumulong? Paano ako makakatulong?

  • Anong mga ideya ang naisip mo habang ipinagdarasal mo ito?

3. Maging maingat sa pagbibigay ng mga gantimpalao parusa

Ang maliliit na gantimpala ay maaaring makahiyat sa mga tao na sumubok ng isang bagong bagay, makatulong na gawing mas masaya ang mahirap na gawain, o maging simbolo ng tagumpay. Gayunman, kapag nasobrahan, ang mga gantimpala ay maaaring magpahina ng hangarin. Kadalasan, ang mga taong nasisiyahan sa paggawa ng isang gawain ay nawawalan ng gana, sa halip na mas ganahan, kapag binabayaran sila sa paggawa nito dahil iniisip nila na hindi ito sulit gawin para lamang sa gantimpala. At bagama’t kailangang maranasan ng mga bata ang mga bunga ng mga maling pagpili, natututuhan nilang katakutan at iwasan ang mga taong nagpaparusa sa kanila sa halip na matutuhang mas pagbutihin ang mabubuting kaugalian.

Siyempre, inaasahan ng mga tao na babayaran sila sa trabaho, kung saan ang mga bonus o pagkilala ay maaari ring makapagbigay ng makakatulong na feedback. Ngunit pagdating sa pagsasabuhay ng ebanghelyo at pagkamit ng mga personal na mithiin, ang pinakamabisang panghikayat ay ang mga panloob na gantimpala. Kabilang sa mga panloob na gantimpala ang:

  • Pagdama sa Espiritu.

  • Pagkakaroon ng matibay na ugnayan sa mga magulang, lider, at kaibigan.

  • Pagsasabuhay ng kanilang mga prinsipyo.

  • Pagkatuto, pagsubok ng mga bagong bagay,at paglutas ng mga problema.

  • Pagkakaroon ng kasiyahan.

  • Pagiging mabuting impluwensya.

Tulungan ang mga kabataan na makilala at pahalagahan ang mga panloob na gantimpalang ito. At paminsan-minsan ay magbigay ng maliit na gantimpala para ipagdiriwang ang kanilang tagumpay!

4. Tulungan ang mga kabataan na madama ang iyong pagmamahal

Ang samahang puno ng pagmamahal ay isa sa pinakamahalagang paraan para maimpluwensyahan ang mga kaugalian, mithiin, at hangarin ng iba. Paano ipinapahiwatig ng mga tao na talagang minamahal at pinahahalagahan ka nila? Paano mo malalaman kung kanino ka magbabahagi tungkol sa iyong mga pagkakamali o problema? Kung talagang hindi ka nakadama ng pagmamahal sa inyong tahanan, ano sa palagay mo ang kailangan mo na hindi mo nakamtan?

Ang iyong mga sagot ay makatutulong para malaman mo kung paano mo maipapahayag sa mga bata at kabataan na mahal mo sila at mapagkakatiwalan ka nila.

Sa patuloy na paggawa nito at sa tulong ng langit, makakatulong tayo na mahikayat at maimpluwensya ang bagong salinlahi.

Pag-uusap tungkol sa Pagtatakda ng Mithiin, Halimbawa 2:

Sinusuri ni Alana, 15, katabi ng kanyang ina na si Rachel, ang listahan ng mga mithiing maaaring gawin ni Alana nang dumaan ang tatay ni Alana na si Jeff. “Alin po sa mga ito ang dapat kong gawin, Itay?” tanong ni Alana.

Tumingin si Jeff sa kanyang relo, bahagyang napasimangot, at tiningnan ang listahan. “Parang madali ang isang ito. Bakit hindi ka ‘Magsaulo ng isang himno’? Mabilis mong magagawa iyan. Ano pa kaya ang madali?”

Natigilan si Jeff. Parang may mali, kaya’t sandali siyang nag-isip kung ano iyon.

Mahuhuli na ako, naisip niya. Gusto ko lang na matapos na ito. Hindi ako magaling sa mga ganitong bagay. Hmmm. Minasdan niya ang kanyang anak at napagtanto niyang may iba pa siyang nararamdaman. Pag-asa. Kasiyahan. Hindi lang ito basta pagtapos ng mga gawain, tungkol ito sa pag-unlad ng kanyang anak. At pagkakataon ito para mas tumibay ang samahan nila. Napangiti siya.

“Huminto muna tayo at pag-isipan natin ito,” sabi niya. “Ano kaya kung magsulat tayo ng mga bagay na nahikayat tayong gawin kamakailan?”

“Ah, sige po,” sabi ni Alana. Kumuha si Rachel ng mga lapis at papel, at ilang minuto silang nag-isip at nagsulat.

“Tapos na,” sabi ni Rachel. “Ano na ang gagawin natin?”

Naalala ni Alana, “Siguro po dapat natin itong ipagdasal at pagkatapos ay pumili tayo ng isang mithiin at magplano. Pero Itay, sa palagay po ba ninyo may pakialam ang Ama sa Langit sa mithiing pipiliin ko?”

Napaisip si Jeff. “Marami kang magagandang ideya, kaya siguro nais lamang ng Ama sa Langit na pumili ka ng isa para makapagsimula ka na. Pero sigurado ako sa isang bagay. Mahal ka ng Ama sa Langit.”

“Alam ko na gusto mong gamitin ang iyong mga talento para makaimpluwensya,” dagdag ni Rachel, “kaya kung mas mahalaga ang isa sa mga ito, siguradong tutulungan ka ng Ama sa Langit na maramdaman iyon.”

Ngumiti si Alana, at pagkatapos ay naalala niya, “Ipinayo ni Pangulong Nelson sa mga kabataan na suriin namin ang aming buhay. Maaari ko po bang kunin ang isinulat ko?”

“Oo naman!” nakangiting sabi ni Jeff. Tumingin siya ulit sa kanyang relo. “Naku, kailangan ko nang umalis! Hanapin mo ang isinulat mo at mag-usap tayo mamaya sa hapunan, OK? May mga katanungan ako na maaaring makatulong.”

“Ayos!” nakangiting sabi ni Alana. “At, Itay? Inay? Salamat po.”