2020
Mga Bata at Kabataan: Sentro ng Pang-araw-araw na Buhay
Enero 2020


Mga Bataat Kabataan: Sentro ng Pang-araw-araw na Buhay

youth

Mga larawang kuha ni Randy Collier

Maaaring nagtataka ka dahil walang detalyadong listahan ng mga mithiin na dapat mong gawin sa Mga Bata at Kabataan. Marami ka nang magagandang bagay na ginagawa! Sa halip, ang inisyatibong ito ay ginawang mas personal para matulungan ka na mas mapalapit sa Tagapagligtas sa mga paraang nakaayon sa iyong mga sariling pangangailangan at interes.

Ang pangunahing layunin ng Mga Bata at Kabataan ay tulungan ka na palakasin ang iyong pananampalataya kay Jesucristo. Itinuro sa atin ng Lucas 2:52 na noong bata pa si Jesucristo, Siya ay lumaki “sa karunungan at sa pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Dios at sa mga tao.” Siya ay namuhay nang balanse sa lahat ng aspeto, at magagawa mo rin iyon. Sa pamamagitan ng pagtutuon sa espirituwal, pakikisalamuha, pisikal, at intelektuwal na aspeto ng iyong buhay, maaari kang maging higit na katulad ng Tagapagligtas.

Painting of the Savior

Detalye mula sa Beside Still Waters [Sa Siping ng mga Tubig na Pahingahan], ni Simon Dewey

Paano Ito Isasagawa

Hinihikayat ka ng Mga Bata at Kabataan na umunlad sa espirituwal, sosyal, pisikal, at intelektuwal sa pamamagitan ng pag-aaral ng ebanghelyo, paglilingkod at mga aktibidad, at personal na pag-unlad.

Pag-aaral ng Ebanghelyo

Tulad ng Tagapagligtas na “[lumaki] sa karunungan” (Lucas 2:52), maaari ring madagdagan ang iyong kaalaman at pag-unawa sa ebanghelyo. Bawat alituntunin ng ebanghelyo na natutuhan mo ay tutulong sa iyo na malaman kung paano ka mapapalakas at mapapagpala ng Tagapagligtas sa lahat ng aspeto ng iyong buhay.

Marami tayong mga sanggunian na magagamit para mas matuto pa tungkol sa mga alituntunin ng ebanghelyo at maging katulad ng Tagapagligtas. Halimbawa, ang panalangin, ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at ang Espiritu ay naglalaan ng pundasyon. Matutulungan ka ng iyong pamilya at ng mga lider ng Simbahan na mas matuto pa tungkol sa Tagapagligtas. Ang kurikulum ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin at ang seminary ay makakatulong na magabayan ang iyong pag-aaral. Kapag ginamit mo ang iyong mga resource para matuto tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, mas mapapalapit ka sa Kanya.

Paglilingkod at mga Aktibidad

Ang paglilingkod sa kapwa ay isa sa mga pangunahing bagay na ginawa ng Tagapagligtas noong narito Siya sa lupa. Sa pamamagitan ng paghahanap ng mga simple at karaniwang paraan upang matulungan ang mga miyembro ng iyong pamilya at komunidad, tinutularan mo ang Kanyang halimbawa at nagiging mas determinado ka na maging higit na katulad Niya.

Ang mga makabuluhang aktibidad ng grupo ay makakatulong sa iyo at sa iba pang mga kabataan na makahanap ng mga paraan para mapaglingkuran ang iba at magkakasamang umunlad sa espirituwal. Ang masasaya at nagbibigay-siglang aktibidad ay makakabuti sa iyo. At kapag kayo ay magkakasamang nagtitipon bilang isang grupo ng matatapat na Banal sa mga Huling Araw, kadalasan ay mas marami kang natututuhan at nagagawa kaysa kapag mag-isa ka lang.

Personal na Pag-unlad

Ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay lubos na nagmamalasakit sa iyo at sa kahihinatnan mo. Habang nagtatakda ka ng mga mithiin para maging uri ng tao na nais ng Ama sa Langit na kahinatnan mo, mapapalapit ka sa Kanya at sa Kanyang Anak.

Ang mga tao ay magkakaiba, kaya dapat ang iyong mga mithiin para sa personal na pag-unlad ay nakaayon sa iyong mga pangangailangan. Halimbawa, kung gusto mong matutong tumugtog ng mga himno sa piano, maaari kang magtakda ng mithiin na mag-ensayo araw-araw. Kung gusto mong maging mas mahusay sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan, maaari kang magtakda ng isang partikular na oras bawat araw para magbasa. Hangarin ang patnubay ng Espiritu para makagawa ng plano na pinakamainam para sa iyo.

Ang mga Bata at Kabataan ay para sa IYO

Ang taong nakikinabang nang husto ay ikaw! Habang nagtatakda ka ng iyong sariling mithiin para pag-aralan at ipamuhay ang ebanghelyo, makibahagi sa paglilingkod at mga aktibidad, at paunlarin ang iyong sarili, marami kang matutuklasan tungkol sa iyong sarili at malalaman mo kung sino ka talaga. Maaaring maging mahirap ang pagsisikap na maging disipulo ni Jesucristo, ngunit ito ang pinakamakabuluhang mithiin na maitatakda natin para sa ating mga sarili.

twin sisters and friend

Isinagawa ng Kambal na Magkapatid na Babae ang Mga Bata at Kabataan

Nakikita na ng mga kabataang tulad mo ang mga pagpapala na dulot ng pagsisikap na maging higit na katulad ni Jesucristo sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Ang kambal na magkapatid na babae na sina Danika at Natasha R., 15, mula sa Ohio, USA, ay nagpasiyang gawin iyon. Ang ama nila ay mula sa Thailand, at dahil kung minsan ay binibisita nila ang kanilang kapamilya roon, nagpasiya sina Danika at Natasha na pag-aralan ang tungkol sa pagkain at wika ng mga taga-Thailand.

Nagtakda si Danika ng mithiin na matutong magluto ng ilang pagkain ng mga taga-Thailand. Namili siya ng mga sangkap at gumamit ng mga bagong paraan sa pagluluto kasama ang kanyang ama. Gusto ni Natasha na matuto ng wikang Thai para makausap niya ang kanyang kapamilya sa Thailand, kaya nagtakda siya ng mithiin na mag-aral ng isang bagong salitang Thai kada araw. Gumamit siya ng isang website para matulungan siya sa pag-aaral ng wika at nag-ensayo ng pagbigkas ng mga salita kasama ang kanyang ama.

Habang isinasakatuparan nina Danika at Natasha ang kanilang mga mithiin, ninais nilang ibahagi ang natutuhan nila sa iba pang young women sa kanilang ward. Tinulungan sila ng kanilang mga lider na mag-organisa ng isang aktibidad para malaman ng iba ang tungkol sa Thailand. Sa aktibidad, ipinagluto sila ni Danika ng pagkain ng mga taga-Thailand habang tinuruan naman sila ni Natasha ng ilang salitang Thai.

Isinama rin ng magkapatid sa aktibidad ang kanilang kaibigang si Grace. May sariling mithiin si Grace na maging mas mahusay sa pagsasalita sa harap ng maraming tao, kaya siya ang nagturo kung paano gumamit ng chopsticks para makain nila ang kanilang pagkain!

twin sisters and friend 2

Sa pamamagitan ng pagsasagawa ng kanilang mga mithiin at pakikipagtulungan sa kanilang mga lider at sa iba pang mga young women, nakapagplano sina Danika at Natasha ng isang masayang gabi kasama ang kanilang mga kaibigan.

Mga Pagpapala ng Pakikibahagi sa Mga Bata at Kabataan

Ibinahagi nina Danika at Natasha na nakatanggap sila ng maraming pagpapala sa pagsisikap na matuto tungkol sa kanilang pinanggalingan at pagdiriwang nito kasama ang kanilang pamilya at ang iba pang young women. Hindi naging madali ang ginawa nila. Paliwanag ni Natasha, “Sa paaralan ako nag-aaral ng wikang Thai, kaya kung minsan ay mahirap maghanap ng oras para rito.” Dagdag ni Danika, “Sa aktibidad, medyo nahirapan akong magluto nang ako lang mag-isa dahil wala ang ama ko roon.” Ngunit parehong sumang-ayon ang magkapatid na kahit mahirap, sulit ito.

Sabi ni Danika, “Masaya ako na nakasama ko ang aking ama, at nakatulong iyon sa akin na mas mapalapit sa aking pamilya.” Paliwanag din niya, “Ang paggawa at pagtupad ng aking mga personal na mithiin ay nakatulong para mas mapalapit ako kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagbibigay sa akin ng isang malinaw na landas na tatahakin para matulungan ang aking sarili at ang iba. Sa halip na umupo lamang gaya noong ilang gabi, nagkaroon ako ng mga pamantayan na susundin at patuloy na isasabuhay, at nagbigay iyon sa akin ng mas maraming oras para magnilay-nilay tungkol kay Cristo.”

Sinabi ni Natasha na ang paggawa at pagtupad ng kanyang mithiin ay “talagang nagpaisip sa akin nang malalim tungkol sa kung ano ang kinakailangan at gusto kong gawin para mas mapalapit kay Cristo.” Sinabi rin niya na bagama’t may bagong mithiin na siyang pagtutuunan, nahikayat siyang ipagpatuloy ang pag-aaral ng wikang Thai: “Ang orihinal kong mithiin ay matuto ng wikang Thai para makausap ko ang aking kapamilya sa Thailand, kaya nais kong ipagpatuloy ang pag-aaral ng wikang Thai para makausap ko sila.”

cooking activity

Ang balanseng paraan nina Danika at Natasha sa kanilang personal na pag-unlad ay nakatulong sa kanila na matuto tungkol sa kultura ng kanilang ama, magsaya kasama ng kanilang mga kaibigan, at mas mapalapit sa kanilang pamilya at Tagapagligtas—at iyon mismo ang layunin ng Mga Bata at Kabataan.

Ang iyong pakikilahok sa Mga Bata at Kabataan ay makakatulong din para gumanda ang samahan ninyo ng iyong pamilya, ng iba pang mga kabataan at miyembro ng ward, at lalo na ng Tagapagligtas habang sinisikap mong maging pinakamabuting bersyon ng iyong sarili.