Sa palagay ko, kung minsan ay madali para sa mga young adult na maniwala na nakakatakot ang pagsisisi. Totoo na maaaring maging nakakatakot ang pag-amin sa nagawa nating kasalanan kung nangangamba tayo na maging sanhi ito para mawala ang pagmamahal sa atin ng mga taong mahal natin o ng ating Ama sa Langit. Kung ganyan ang iniisip natin tungkol sa pagsisisi, maaaring matukso tayo na magtapat ng “sapat lang” para makapasa sa tila pagsusulit na ito at makasulong sa susunod na antas. Gayunpaman, natutuhan ko mula sa aking karanasan na hindi ganoon ang tunay na pagsisisi. Ang pagsisisi ay hindi palaging madali, ngunit kung nauunawaan natin na mahal tayo ng Panginoon at nais Niya tayong tulungan, mapapawi ang takot sapagkat nananampalataya tayo sa Kanyang kapangyarihan na linisin tayo. Natutuhan ko na dahil nananampalataya ako kay Cristo sa pamamagitan ng pagsisisi, hindi dapat madiktahan ng mga pagkakamali ko noon ang aking kasalukuyan o hinaharap (basahin ang iba pa sa aking artikulo sa pahina 44).
Sa mga artikulong digital lamang, binigyang-diin ni Evita na ang tunay na pagsisisi ay naghahatid sa atin ng pasasalamat para sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala at nagpapalakas sa atin para mapaglabanan natin ang mga tuksong darating. Idinagdag ni Leah na hindi na natin kailangang hintayin pa ang sakramento sa Linggo—ang pagbaling sa Panginoon sa pamamagitan ng pagsisisi araw-araw ay nagbibigay sa atin ng lakas para madaig kahit ang mga simpleng nakagawian natin na naglalayo sa atin mula sa Kanya. At kung nakagawa tayo ng mabibigat na kasalanan, sinabi ni Jori na ang proseso ng pagsisisi ay maaaring magturo sa atin tungkol sa pagmamahal ng Tagapagligtas para sa bawat isa sa atin.
Ang pagsisisi ay isang kaloob na ipinagpapasalamat kong nasa buhay ko. Alam ng Diyos na tao tayo at nakakagawa tayo ng mga maling pagpili kung minsan. Bagama’t hindi tayo perpekto, mayroong pag-asa para sa atin. Kung magtitiwala tayo sa Tagapagligtas, tutulungan Niya tayong makabalik sa landas patungo sa ating Ama sa Langit—gaano man katagal abutin.