Mas Mabuti sa Bawat Araw
Noong bata pa ako, tumutugtog ako ng biyolin. Gusto kong maganda ang pagtugtog ko. Gusto kong tumugtog para sa aking mga magulang at sabihin nila na “O, Joy, ang ganda!” Pero hindi naging maganda ang pagtugtog ko. Sintunado ito!
Kung minsan kapag hindi ako nakakapag-ensayo, sinasabi ng guro ko, “Joy, nag-ensayo ka ba ngayong linggo?” Dahil doon, nahihikayat akong mag-ensayo para maging mas maganda ang pagtugtog ko sa susunod na linggo.
Ngayong iniisip ko ito, ang pagtugtog ng biyolin ay isang magandang karanasan dahil mahirap ito. Kahit kung minsan ay ayaw kong mag-ensayo, marami akong natutuhan sa pagtatakda ng mithiin na mag-ensayo nang kaunti araw-araw.
Iyon ang inaasahan kong gagawin ninyo. Sikaping gumawa nang mas mabuti sa bawat araw. Hindi inaasahan ng Ama sa Langit na magagawa ninyo kaagad ang lahat ng bagay. Ang buhay ay tungkol sa pagkatuto at pag-unlad nang paunti-unti. Nais Niyang patuloy kayong magsikap. At nais Niyang matamasa ninyo ang pag-unlad!
Kung minsan, masyado tayong malupit sa ating sarili. Iniisip natin, “Nabigo ako. Hindi ko ito kayang gawin, “ at pagkatapos ay sumusuko na tayo. Ngunit sinasabi ng Tagapagligtas, “Huwag kang sumuko. Narito Ako para tulungan ka!” Dahil kay Jesucristo, hindi natin ito kailangang gawin nang mag-isa. Makakabangon tayo sa ating mga kabiguan at susubok muli sa pamamagitan ng Kanyang tulong. Iyon ang layunin ng buhay na ito.
Kung may isang bagay na hangad kong malaman ng inyong puso, iyon ay ang mahal kayo ng Ama sa Langit. Maaaring nakakaranas kayo ng mahihirap na bagay, ngunit inihanda kayo na dumating sa mundo sa panahong ito. Patuloy lamang na magsikap at magbahagi ng inyong liwanag. Pagpapalain at gagabayan kayo ng Ama sa Langit habang tinatahak ninyo ang landas ng tipan. ●