2022
Pagdaig sa Takot na Maging Magulang
Oktubre 2022


Digital Lamang: Mga Ama sa mga Huling Araw

Pagdaig sa Takot na Maging Magulang

Dumating ang malalaking pagpapala nang piliin kong magtuon sa kagalakan ng pagiging ama.

Ang awtor ay naninirahan sa Idaho, USA.

lalaking nakangiti at may kargang bata

Hindi ko alam ang nangyari nang balisang tinawag ako ng aking asawang si Susie, para pumunta sa banyo isang gabi. Maikling panahon pa lang kaming nagsasama mula noong kami ay ikasal, nakatira kami sa bahay ng aking biyenan nang libre, at pareho kaming nagtatrabaho para mag-ipon ng pera para sa kolehiyo.

Kaya nang sabihin sa akin ng asawa ko na buntis siya, nagulat ako. Tila napakaaga para magkaroon kami ng anak. Pakiramdam namin ay hindi kami handa. Sa sandaling iyon, alam ko na kailangan kong kumilos at tulungan ang asawa ko na maghanda para sa aming anak. Kaya pinagtuunan ko ng pansin ang damdaming pinakamaganda noon: ang kasabikan ko na magiging tatay na ako.

Pagbabago ng Pananaw

Noon pa man ay nababalisa na ako kung paano madalas ilarawan ang pagiging ama—at pagiging magulang sa pangkalahatan—sa media. Tila hindi alam ng mga ama ang mga pangangailangan at damdamin ng kanilang asawa at mga anak. Inilalarawan sila bilang walang kakayahan na pangalagaan ang iba at maging ang kanilang sarili. Bukod pa rito, ang pagiging magulang ay inilarawan sa media at sa tunay na buhay bilang katapusan ng “masayang” yugto ng mag-asawa. Madalas kong marinig na nagiging mas mahirap ang buhay, walang oras para matulog, walang oras sa iyong sarili, at marami pang iba.

Alam ko na ngayon na ang mga paglalarawang ito ay mabisang kasangkapan ni Satanas upang pahinain ang loob natin sa pagbuo ng mga pamilya. Bagama’t may mga hamon matapos magkaroon ng anak, mayroon ding kagalakan at tagumpay na hindi mapapantayan.

Nagpasiya akong hindi tanggapin ang lahat ng hindi magandang bagay na sinabi sa akin tungkol sa pagiging ama. Sa halip, tinanggap ko ang lahat ng positibo tungkol dito at nangako akong kakayanin ang mahihirap na bahagi. Ang pagiging magulang ay hindi madali para sa maraming tao, at hindi ko sasabihin sa inyo na naging madali ito sa akin. Ang ilang katangian ng pagiging ama ay hindi kusang dumating. Ngunit bago isinilang ang aming anak, ginawa ko ang makakaya ko para ihanda ang aking sarili at tinulungan ko ang asawa ko na maghanda para sa aming bagong tungkulin bilang mga magulang.

Sinaliksik ko ang mga banal na kasulatan para malaman kung paano maghanda. Nagbasa rin ako ng iba pang mga aklat tungkol sa pagiging ama. Pinag-aralan ko kung paano magpalit ng diaper. Ginawa ko ang lahat para maunawaan ang mga hirap na mararanasan ng aking asawa sa kanyang pagbubuntis at damayan siya rito. At ginawa ko ang lahat para patuloy na magkaroon ng magandang pananaw. Ang paglapit sa Ama sa Langit sa panalangin ay nakatulong sa akin na madama ang kapayapaang kailangan ko para madaig ang takot na maging magulang.

Ang Pagmamahal na Hatid ng mga Pamilya

Hindi ko itinuturing ang sarili ko na isang emosyonal na tao, ngunit habang minamasdan ko ang aking asawa na karga ang aming anak na babae sa araw ng pagsilang nito, naiyak ako sa tuwa. Sa sandaling iyon, natanto ko na ang babaeng sanggol na ito ay makakasama namin magpakailanman, at pinasalamatan ko ang Ama sa Langit na ligtas siyang napasaamin.

Sa paggunita sa karanasang iyon, naalala ko ang isang video tungkol sa mga pamilya na madalas kong ibahagi sa aking misyon. Mapapanood sa video na “Earthly Father, Heavenly Father [Ama sa Lupa, Ama sa Langit],” ang isang ama na ginagawa ang kanyang araw-araw na gawain. Napakaespirituwal ng video para sa akin dahil ipinapakita nito kung paano nauugnay ang araw-araw na gawain ng pamilya sa kaugnayan natin sa ating Ama sa Langit. Natapos ang video sa pahayag na ito: “Sa lahat ng titulo ng paggalang at pagdakila at paghanga na ibinigay sa Diyos, inatasan niya tayo na tawagin Siyang Ama.”1

Ang pahayag na iyan ay naging mas makahulugan sa akin nang maging tatay na ako. Noon, naisip ko lang ito bilang kaugnayan ko sa Diyos; inaalagaan at ginagabayan Niya ako araw-araw bilang aking Ama sa Langit. Ngunit dahil tatay na ako at nadarama ang di-maipaliwanag na pagmamahal ko sa aking anak, lalo kong natanto na mahal na mahal ako ng aking Ama sa Langit. Ang ebanghelyo ay huwaran para sa mga pamilya, at kapag may sarili na tayong pamilya, mas mauunawaan natin ang pagmamahal sa atin ng Ama sa Langit sa sarili nating buhay.

Patuloy sa Pagsulong

Ngayon ay mahigit isang taong gulang na ang anak ko at mabilis ang kanyang paglaki. Umunlad din ako sa pagiging ama ko, sa mga paraan na hindi ko inakalang posible. Ang pagiging ama ay nagdudulot sa akin ng higit na kagalakan kaysa anumang libreng oras at pagtulog na mayroon sana ako. Kahit naramdaman ko noon na hindi ako handa na maging ama, hinikayat ako ng pagmamahal ng Ama sa Langit na maghanda sa abot ng aking makakaya. Ang pagmamahal na iyan ang nagpalakas sa akin. Tulad ng nakasaad sa Lucas 12:31, “Hanapin ninyo ang kanyang kaharian at lahat ng mga bagay na ito ay ibibigay din sa inyo.” Ginawa ko muna ang lahat ng bagay na maghahanda sa akin na maging magulang, at pagkatapos ay nadama ko ang kapayapaan at kagalakang kaakibat ng pagiging ama. Hindi kailanman mahihigitan ng mga negatibong bagay ang mga positibong bagay na nauugnay sa gayong kabanal na tungkulin. Dapat tanggapin at ikatuwa ang pagiging ama, at iyan ang pinakamagandang aral na natutuhan ko at patuloy na natututuhan sa tungkuling ito bilang isang ama.

Tala

  1. Korum ng Labindalawang Apostol, “A Message from The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints,” polyeto, Dis. 1973; tingnan din sa “Father, Consider Your Ways,” Ensign, Hunyo 2002, 12.