Digital Lamang: Mga Young Adult
3 Alituntunin na Nakatulong sa Akin na Makabalik kay Cristo
Paglilingkod, pag-ibig sa kapwa, at pagtitiis ang mga susi sa maraming puso at kaluluwa na tila hindi natin kayang tulungan.
Noong 15 taong gulang ako, nagkaroon ako ng interaksiyon sa isang tao sa simbahan na naging dahilan para masaktan ako. Ayaw ko nang bumalik pagkatapos ng araw na iyon. Gumuho ang aking pananampalataya at pag-asa nang unti-unting mawala ang pokus ko sa aking banal na identidad. Marami akong pag-aalinlangan at wala akong makitang anumang sagot.
Kaya, sinubukan kong maghanap ng kahulugan sa labas ng ebanghelyo. Napalayo ako nang husto habang nag-aalala ang marami sa mga mahal ko sa buhay. Ginawa ng mga magulang ko ang lahat ng paraan para makatulong. Isinama ako ng maraming kaibigan sa mga aktibidad. Pero walang “malaking pagbabago [na] nangyari sa [aking] puso” (Alma 5:12). Gayunman, sa paglipas ng panahon, habang ipinadarama ng mga tao sa buhay ko ang pagmamahal na tulad ng kay Cristo at nagpapakita sila ng mabubuting halimbawa, nalaman ko ang kahulugan ng plano ng Diyos para sa akin.
Kung may mahal kayo sa buhay na nahihirapan sa kanyang pananampalataya, maaaring iniisip ninyo kung paano ninyo siya matutulungan. Sa sitwasyon ko, ang mga mahal ko sa buhay ay kumilos bilang mga tagapaglingkod ng Panginoon. Ang kanilang pagmamahal at katapatan ang nagbalik sa akin sa ebanghelyo.
At magagawa rin ninyo ito sa taong mahal ninyo.
Narito ang tatlong alituntunin na ipinamuhay ng mga mahal ko sa buhay na nakatulong sa akin na makita ang pagmamahal ng Ama sa Langit para sa akin:
1. Paglilingkod
“Sapagkat aking natatandaan ang salita ng Diyos na nagsasabing sa pamamagitan ng kanilang mga gawa inyo silang makikilala; sapagkat kung ang kanilang mga gawa ay mabubuti, kung gayon, sila ay mabubuti rin” (Moroni 7:5).
Ang bishop ko, na isang mabuting kaibigan at halimbawa sa akin, ay patuloy akong inanyayahan na mag-minister na kasama niya kahit hindi na ako nagsisimba. Napakahalaga niya sa akin kaya hindi ko matanggihan ang kanyang mga paanyaya. Nagkaroon kami ng di-mabilang na magagandang karanasan sa paglilingkod sa mga taong binibisita namin, at siya ang laging nagbabahagi sa kanila ng mga kaalaman sa ebanghelyo para maging komportable ako.
Naglingkod siya sa akin habang inaanyayahan din niya ako na maglingkod sa iba, at nakaimpluwensya iyan nang malaki sa pagbabalik ko kay Cristo.
2. Pag-ibig sa Kapwa-tao
“At ang pag-ibig sa kapwa-tao ay nagtitiis nang matagal, at mabait, at hindi naiinggit, at hindi palalo, hindi naghahangad para sa kanyang sarili, hindi kaagad nagagalit, hindi nag-iisip ng masama … Binabata [ng pag-ibig sa kapwa-tao] ang lahat ng bagay, naniniwala sa lahat ng bagay, umaasa sa lahat ng bagay, nagtitiis sa lahat ng bagay” (Moroni 7:45).
Ang aking ama ay mabuting halimbawa sa akin ng pag-ibig sa kapwa. Noon pa man ay palagi niyang ipinapakita sa akin ang pag-ibig sa kapwa-tao, anuman ang mga paniniwala o pinipili ko. Sa pinakamahirap na panahon sa buhay ko, kinausap ko ang aking ama, at nakipagkita siya sa akin nang may “dalisay na pag-ibig ni Cristo” (Moroni 7:47). Nakinig siya sa mga alalahanin ko nang hindi nanghuhusga at binigyan ako ng simple at napakahalagang payo.
Isa sa mga pinakamabisang magagawa ninyo para sa inyong mga mahal sa buhay ay ipakita sa kanila ang pagmamahal na tulad ng kay Cristo, anuman ang pinipili nila.
3. Pagtitiis
“At inyong hayaan na malubos ng pagtitiis ang gawa nito, upang kayo’y maging sakdal at ganap, na walang anumang kakulangan” (Santiago 1:4).
Bumalik ako sa Simbahan pagkaraan ng sampung taon ng hindi pagsisimba, at ginawa ng aking ina ang lahat nang may pagtitiis na tulad ng kay Cristo. Hindi niya ako pinilit o hindi siya nadismaya sa akin. Minahal niya ako, inalala niya ang halaga ko, at alam niya na iniimpluwensyahan ako ng Espiritu at ng Ama sa Langit.
Hindi natin maaaring madaliin ang gawain ng Panginoon o pilitin ang isang tao. Sa halip, maaari tayong manatiling malapit sa Espiritu para malaman kung kailan ang panahon upang anyayahan o paglingkuran ang mga mahal natin sa buhay.
Nang piliin ng iba na paglingkuran at mahalin ako, at maging matiisin sa akin, nabiyayaan ako ng mga oportunidad at ugnayan na hindi sana naging posible kung wala ang tulong nila. Ang liwanag ng Tagapagligtas, lalo na kapag ipinakita ito sa ating mga gawa, ang gumagabay sa iba pabalik sa kagalakan ng Kanyang ebanghelyo. Mapagpakumbaba kong pinatototohanan na mahal tayong lahat ng Diyos anuman ang nangyayari sa ating buhay o anuman ang ating nagawa, at mas mapagpapala Niya tayo kapag lumapit tayo sa Kanya. Lubos akong nagpapasalamat sa ebanghelyo, at pinatototohanan ko na talagang sa pamamagitan ng mga halimbawa ng mga taong iyon sa buhay ko na tulad ng kay Cristo kaya ako nakabalik.