2022
Muling Nakadama ng Pagiging Kabilang sa Templo
Oktubre 2022


Digital Lamang: Mga Young Adult

Muling Nakadama ng Pagiging Kabilang sa Templo

Ilang taon na akong hindi pumupunta sa templo, ngunit nanalangin ako sa Tagapagligtas na tulungan akong maging karapat-dapat na muling makapasok dito.

tanawin sa labas ng Provo City Center Temple na may mga puting bulaklak

Larawang kuha ni Megan Barnum

Nakatayo ako sa pasilyo nang hilingin ng pangalawang tagapayo sa bishopric na magsalita ako sa sacrament meeting tungkol sa kahalagahan ng mga templo. Nang nakababa ang paningin at nakadama ng hiya, hiniling ko sa kanya na ibang paksa na lang ang ibigay sa akin. Ilang taon na akong hindi dumadalo sa templo dahil sa mga pinili ko sa buhay na naglayo sa akin sa aking Ama sa Langit, at pakiramdam ko ay hindi ako karapat-dapat na magsalita tungkol sa templo.

Pagkatapos ng karanasang iyon, lagi kong naiisip ang templo, at nakadama ako ng tumitinding hangaring pumunta roon ngunit nag-alangan din ako dahil parang hindi ako karapat-dapat. Natakot ako na hindi nanaisin ng Ama sa Langit na pumunta ako sa Kanyang sagradong bahay.

Paggawa ng mga Hakbang para Magbago

Nang sumapit na ang pangkalahatang kumperensya, kabado akong nakinig sa mga nagsalita, umaasang makadarama ako ng ilang indikasyon na mahal pa rin ako ng Diyos sa kabila ng aking mga pagkakamali. Doon ay sinabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Hindi mahalaga kung tila sirang-sira na ang buhay natin. Hindi mahalaga kung gaano man kabigat ang ating mga kasalanan, gaano kapait ang ating nadarama, gaano tayo kalungkot, o gaano kasawi ang ating puso. … Walang buhay na lubhang nawasak na hindi mabubuong muli.”1

Talagang naramdaman ko na nangusap sa akin ang Diyos. Pinag-isipan ko nang ilang buwan kung paano bumalik kay Cristo, at ang mensaheng iyon sa kumperensya ang paanyaya Niya sa akin na magbago upang muling makapasok sa Kanyang bahay.

Kinausap ko ang bishop ko para talakayin ang muling pagpasok ko sa templo. Tinulungan Niya ako na maunawaan ang papel na ginagampanan ni Jesucristo sa aking buhay at kung paano makatutulong sa akin ang pagtanggap sa Kanyang Pagbabayad-sala para maipaubaya ko sa Kanya ang mga pasanin at kasalanan ko. Nagsimula akong manalangin para makaunawa, mapalakas, at maging mapagpasensya sa aking sarili. Sa higit pang pagtitiwala sa Diyos at pagiging mas mabuti sa bawat araw, unti-unti akong nakaugnay sa liwanag ng Tagapagligtas.

Ang pakikipagtulungan sa aking bishop at pag-aaral pa ng tungkol sa aking Tagapagligtas ay nagpalalim ng aking patotoo tungkol sa aking identidad bilang anak ng Ama sa Langit. Naunawaan ko na hindi kailanman hihilingin sa akin ng mapagmahal na Manunubos na humiwalay ako sa Kanya, pero sisikapin ni Satanas na ipadama sa akin na hindi ako kabilang sa templo. Dahil sa kaalamang ito, nadama ko kalaunan na handa na akong muling pumasok sa bahay ng Diyos.

Pagbalik sa Templo

Hawak ang aking bago at nakatuping recommend, humakbang ako papunta sa templo sa unang pagkakataon pagkaraan ng maraming taon, at bigla akong nag-alala tungkol sa lugar ko sa bahay ng Diyos. Habang papalapit ako sa mga pintuan, lalo akong nag-alangan. Magmumukha ba akong mangmang dahil hindi ko alam kung saan pupunta o ano ang gagawin? Napakatanda ko na ba para pumunta at gumawa ng mga pagbibinyag sa templo?

Ngumiti ang lalaking nasa front desk nang pumasok ako, at malugod akong pinatuloy sa loob ng templo. Nang umagang iyon napasigla ang aking espiritu nang muling tiyakin sa akin ng mga temple worker ang lugar ko sa bahay ng Diyos.

Pag-alis ko sa templo, isa sa mga temple worker ang kumaway sa akin habang naglalakad ako pababa sa pasilyo para lumabas ng bautismuhan. Sa pabulong at masayang tinig sinabi niya, “Salamat sa pagpunta mo sa templo ngayon—kailangan ka namin dito!” Nangako ako sa kanya na babalik ako sa susunod na linggo habang inaasam ko na madamang muli ang pagiging kabilang sa templo.

Dahil sa ating mga banal na identidad bilang mga anak ng mga magulang sa langit, bawat isa sa atin ay makadarama ng pagiging kabilang sa templo. Walang anumang bagay na permanenteng makahahadlang sa atin sa mapagmahal na tulong ng Diyos kung nanaisin natin na makasama Siya. Nais Niya na naroon tayo, at kapag gumagawa tayo ng maliliit na hakbang upang higit na maging katulad ng ating Tagapagligtas sa bawat araw, maiaayon natin ang ating buhay sa Kanya at laging mananatiling karapat-dapat sa templo. Alam ko na dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, makakapasok tayo sa banal na bahay ng Diyos at matatanggap ang mga pagpapalang naghihintay sa atin sa loob ng templo, at, tulad ng naranasan ko, sulit ang mga pagpapalang iyon sa lahat ng bagay.