Digital Lamang: Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Ang Aming Perpektong Tatsulok ng Pag-asa at Paggaling
Halos hindi kami binigyan ng pag-asa na lalaki nang normal ang aming anak na babae, ngunit ang pananampalataya, pag-aayuno at pagdarasal, at mga basbas ng priesthood ang nagpatunay na mali ang mga doktor.
Lahat kami ay nasasabik sa pagsilang ni Agatha noong 2015. Siya ang magiging unang apo ng aking mga magulang. Maayos ang lahat hanggang sa araw na isinilang siya. Malaking sanggol siya, dumanas ako ng mga kumplikasyon, at hindi agad nakarating sa ospital ang doktor. Nang sa wakas ay nakarating na ito, kinailangan nitong gumamit ng forceps para ilabas ang anak ko. Dahil dito, dumanas siya ng neonatal asphyxia.
Nang inilagay nila sandali si Agatha sa dibdib ko, akala ko ay ginawa ito para makapagpaalam na ako. Pagkatapos ay dinala siya ng mga nars sa neonatal intensive care. Nalaman ko kalaunan na ang kanyang Apgar score, na ginagamit para masuri ang kabuuang kalagayan ng isang bagong silang na sanggol, ay 2 lamang. Ang score na 7 hanggang 10 ay itinuturing na normal.
Ipinakita ng mga scan ang isang malaking puting bahagi sa utak ni Agatha, nagpapakita ng malaking pinsala mula sa kakulangan ng oxygen. Sinabi sa amin ng mga doktor na kung siya ay mabubuhay, magdaranas siya ng malubhang kapansanan sa pag-isip at sa pisikal at malamang na magkaroon ng epilepsy.
Nang malaman ng pamilya ko kung gaano kalubha ang sakit ni Agatha, ang aking mga magulang at biyenan ay binigyan ng pahintulot na pumasok sa neonatal intensive care unit sa iba’t ibang pagkakataon upang dalawin si Agatha at magpaalam. Ang aking ama at biyenang lalaki, na hindi alam ang ginawa ng bawat isa, ay nagbigay sa kanya ng basbas. Binigyan din siya ng asawa ko ng basbas. Noong Linggong iyon ay nag-ayuno kami bilang isang pamilya para sa kanya.
Gumugol si Agatha ng 11 araw sa ospital bago namin siya naiuwi. Sa loob ng ilang buwan, sumailalim siya sa mga pagsusuri at paggagamot. Hindi siya makalunok, kulang siya ng mga balikusa, at dumaranas ng mga kumbulsiyon. Sinabi nila sa akin na kailanman ay hindi niya maigagalaw ang kanyang ulo, hindi makakapaglakad, at hindi makakapagsalita.
Nang sumunod na taon, patuloy kaming nagdasal at nag-ayuno para kay Agatha, at dinala namin siya sa isang physical therapist para tulungan siyang matutong gumalaw. Ang kaliwang bahagi ng kanyang katawan ay mas naapektuhan ng kanyang asphyxia. Kaya niyang igalaw ang kanyang kanang kamay ngunit hindi ang kanyang kaliwang kamay. Sinabi sa amin ng mga doktor na magiging mabagal ang kanyang pag-unlad. Ngunit pagkaraan lamang ng ilang sesyon, naigagalaw na niya ang magkabilang panig ng kanyang katawan. Sinabi ng therapist na isang himala iyon. Dahil mabilis natuto si Agatha, inisip ng therapist kung bakit pa namin siya dinala sa kanya.
Bawat mumunting pagbuti ng kalagayan niya ay nagpapasaya sa amin. Di nagtagal ay naigagalaw na ni Agatha ang kanyang ulo. Pagkatapos ay nakakaupo na siya. Nang ngumiti na siya, alam namin na nasasagot ang aming pananampalataya at mga dalangin. At nang sabihin niya ang “Mama” sa unang pagkakataon, nakadama ako ng malaking kagalakan.
Natanggap namin ang pinakamalaking himala sa kanyang taunang checkup. Isang magnetic resonance image (MRI) ang nagpakita na wala nang puting bahagi sa kanyang utak. Hindi makapaniwala ang doktor niya.
“Ang scan na ito ay tila nagmula sa ibang bata,” sabi niya, inihahambing ang bagong larawan sa orihinal na larawan matapos siyang isilang. Humingi siya ng pangalawang scan, na nagtatanong, “Ano ang nangyayari dito?”
Ngayon, si Agatha ay walang kapansanan sa pag-iisip o sa pisikal, at hindi na siya umiinom ng gamot para sa epilepsy. Kilala siya sa kanyang paaralan bilang isang napakatalinong bata.
Iniuugnay namin ang paggaling ni Agatha sa tinatawag ng aking ama na “perpektong tatsulok”: pananampalataya, pag-aayuno at panalangin, at mga basbas ng priesthood mula sa mabubuting kalalakihan. Alam natin na mahal tayo ng Panginoon, alam natin na may kapangyarihan Siya, at alam natin na ibinibigay Niya sa atin ang Kanyang kapangyarihan upang gamitin dito sa lupa. Nagpapasalamat kami na pinagaling Niya si Agatha.