2021
Panatilihing Malapit sa Ating mga Puso ang Ating mga Anak
Hunyo 2021


Panatilihing Malapit sa Ating mga Puso ang Ating mga Anak

Hindi tayo dapat lumayo sa ating mga anak. Dapat tayong patuloy na magsikap, patuloy na tumulong, patuloy na manalangin, at patuloy na makinig.

father and daughter watching a sunset

Mga larawan mula sa Getty Images

Malinaw na tayo mismo ang dapat magturo ng ebanghelyo sa ating pamilya, ipamuhay ang mga turong iyon sa ating tahanan, o mangamba kapag huli na nating nalaman na hindi maaaring gawin ng isang titser sa Primary o priesthood adviser para sa ating mga anak ang hindi natin gagawin para sa kanila.

Maaari ba akong magbigay ng ganitong panghihikayat lamang hinggil sa malaking responsibilidad na ito? Ang pinakaitinatangi ko sa ugnayan namin [ng aking anak na si] Matt ay siya, kasama ang kanyang ina at mga kapatid, ay aking pinakamatalik at pinakamamahal na kaibigan. Mas gugustuhin kong pumarito sa priesthood meeting na ito ngayong gabi kasama ang aking anak kaysa sa sinumang iba pang lalaki sa mundong ito. Gusto ko siyang kasama. Marami kaming pinag-uusapan. Nagtatawanan kami. … Ipinagdarasal ko siya at umiiyak ako kasama niya at ipinagmamalaki ko siya nang lubos. …

Sa mga unang taon ng aming buhay may-pamilya, nagsikap ako na makatapos sa graduate school sa isang unibersidad sa New England. [Ang aking asawang] si Pat ay Relief Society president sa aming ward, at ako ay naglilingkod sa aming stake presidency. Nag-aaral ako nang full-time at nagtuturo nang half-time. Kami ay may dalawang maliit na anak noon, may kaunting pera at maraming kinakailangang gawin. Sa katunayan, ang buhay namin ay katulad ng sa inyo.

Isang gabi umuwi ako matapos ang isang mahabang araw sa paaralan, na parang pasan ko ang buong mundo sa aking mga balikat. Ang lahat ay tila napakahirap, at nakapanghihina ng loob at madilim. Inisip ko kung darating pa ba ang bukang-liwayway. Pagkatapos, habang naglalakad ako papunta sa aming maliit na student apartment, napansin kong kakaiba ang katahimikan sa silid.

“Ano’ng problema?” tanong ko.

“May gustong sabihin sa iyo si Matthew,” sabi ni Pat.

“Matt, ano ang sasabihin mo sa akin?” Tahimik siyang naglalaro ng kanyang mga laruan sa sulok ng silid, na parang hindi ako narinig. “Matt,” ang sabi ko nang mas malakas, “may sasabihin ka ba sa akin?”

Tumigil siya sa paglalaro, ngunit hindi siya tumingin. Pagkatapos nang ilang sandali ay tumingin sa akin ang dalawang malalaki, at luhaang kulay-tsokolateng mga mata nito, at sa nadaramang pighati na tanging ang isang limang taong gulang lamang ang nakakaalam, sinabi niya, “Hindi po ako sumunod kay Inay ngayong gabi, at sinagut-sagot ko po siya.” Pagkatapos niyon siya ay umiyak, at nangatog ang kanyang maliit na katawan dahil sa sobrang pighati. Natanto ng bata ang pagkakamali, nagawa niya ang mahirap na pagtatatapat, patuloy ang paglaki ng limang taong gulang na bata, at nagkaunawaan at nagkasundo.

Magiging maayos na sana ang lahat—maliban sa akin. Nahihiya akong sabihin sa inyo kung ano ang naging reaksyon ko noon. Uminit ang ulo ko. Hindi iyon dahil sa nagalit ako nang husto kay Matt—iyon ay dahil sa maraming iba pang bagay na iniisip ko; ngunit hindi niya alam iyon, at hindi ako gaanong disiplinado para aminin iyon. Pinagsabihan ko siya nang husto.

Sinabi ko sa kanya na dismayado ako sa kanya at kung gaano kalaki ang inaasahan ko sa kanya. … Pagkatapos ay ginawa ko ang hindi ko pa nagawa noon sa buhay niya—sinabi ko sa kanya na matulog na siya at hindi ako magdarasal kasama niya o magkukuwento sa kanya bago matulog. Pinipigilan ang kanyang paghikbi, sumunod siya at pumunta sa gilid ng kanyang kama, kung saan siya nagdasal—nang mag-isa. Pagkatapos ay nabahiran niya ang kanyang maliit na unan ng mga luhang pinapahid sana ng kanyang ama.

Kung iniisip ninyo na may tensyon nang umuwi ako, ramdam na ninyo ito ngayon. Hindi kumibo si Pat. Hindi na niya kailangan pang magsalita. Napakalungkot ko!

Kalaunan, nang lumuhod kami sa tabi ng aming kama, ang mahina kong panalangin na humihingi ng mga pagpapala para sa aking pamilya ay naulinigan kong hindi taos sa aking puso. Gusto kong tumayo sa aking pagkakaluhod sa mismong oras na iyon at puntahan si Matt at hingin ang kanyang kapatawaran, ngunit mahimbing na ang kanyang tulog.

Hindi ako agad napanatag; ngunit sa huli nakatulog din ako at nagsimulang managinip, na bihirang mangyari. Napanaginipan ko na kami ni Matt ay nagkakarga ng mga gamit sa dalawang kotse para lumipat. Sa kung anong dahilan wala roon ang kanyang ina at nakababatang kapatid. Nang matapos kami, bumaling ako sa kanya at sinabing, “OK, Matt, ikaw ang magmamaneho sa isang kotse at ako naman sa isa.”

Ang batang ito na limang-taong-gulang ay masunuring umupo at sinubukang paandarin ang kotse. Naglakad ako papunta sa isang kotse at pinaandar ang makina. Nang magsimula na akong umandar, tumingin ako para makita kung ano na ang ginagawa ng aking anak. Sinusubukan niya—talagang sinusubukan niya na mapaandar iyon. Sinikap niyang maabot ang mga pedal, pero hindi niya ito nagawa. Ipinihit niya rin ang mga knob at pushing button, na sinusubukang paandarin ang makina. Halos hindi siya makita sa dashboard, gayunpaman tumitig muli sa akin ang malalaki, luhaan, at magagandang brown na mga matang iyon. Habang papalayo na ako, sumigaw siya ng, “Itay, huwag po n’yo akong iwan. Hindi ko po alam kung paano ito paandarin. Napakaliit ko pa.” At iniwan ko siya.

Hindi nagtagal sa panaginip ko, natanto ko sa isang matindi at kagimbal-gimbal na sandali ang nagawa ko. Bigla kong ipinreno ang kotse, binuksan ko ang pintuan, at nagsimulang tumakbo nang mabilis hangga’t kaya ko. Iniwan ko ang kotse, mga susi, kagamitan, at ang lahat-lahat—tumakbo ako. Napakainit ng semento ng kalsada kaya napaso ang mga paa ko, at hindi ko makita ang batang ito dahil sa mga luha ko. Patuloy akong tumakbo, nagdasal, nagsumamo na mapatawad at makita ang aking anak nang ligtas.

Nang lumiko ako na halos babagsak na sa sobrang pagod ng katawan at isipan, nakita ko ang di-pamilyar na kotse na iniwan ko para paandarin ni Matt. Maayos itong nakaparada sa tabi ng kalsada, at siya ay tumatawa at naglalaro sa di-kalayuan. Isang matandang lalaki ang kasama niya, nakikipaglaro sa kanya. Nakita ako ni Matt at sumigaw ng ganito, “Hi, Itay. Halika. Nagkakatuwaan po kami.” Malinaw na pinatawad at kinalimutan na niya ang matinding pagkakamali ko sa kanya.

Ngunit natakot ako sa titig ng matandang lalaki, na sinusundan ang lahat ng kilos ko. Sinubukan kong sabihing “Salamat po,” ngunit puno ng kalungkutan at kabiguan ang kanyang mga mata. Nahihiya akong nagpaumanhin, at sinabi lang ng estranghero, “Hindi mo siya dapat iniwang mag-isa para gawin ang mahirap na bagay na ito. Hindi ito ipinagawa sa iyo.”

Doon natapos ang panaginip, at napabalikwas ako sa higaan. Ang unan ko ay basa na ngayon ng pawis at luha. Inalis ko ang kumot at tumakbo sa maliit na higaan ng aking anak. Doon nang nakaluhod at lumuluha, niyakap ko siya at kinausap siya habang natutulog. Sinabi ko sa kanya na lahat ng tatay ay nagkakamali pero hindi nila iyon sinasadya. Sinabi ko sa kanya na hindi siya ang may kasalanan kung bakit masama ang araw ko. Sinabi ko sa kanya na kapag ang mga batang lalaki ay edad 5 o 15, ang mga tatay ay nakakalimot at akala ay 50 na sila. Sinabi ko sa kanya na gusto ko siyang maging isang maliit na bata sa mahabang panahon, dahil kalaunan lalaki na siya at hindi ko na siya maaabutang naglalaro ng mga laruan sa sahig sa pag-uwi ko. Sinabi ko sa kanya na mahal ko siya at ang kanyang ina at kapatid nang higit sa anupaman sa mundo at na anuman ang mga hamon sa aming buhay, haharapin namin ito nang magkasama. Sinabi ko sa kanya na hindi ko na kailanman ipagkakait sa kanya ang aking pagmamahal o pagpapatawad, at hindi kailanman, dalangin ko, niya ito ipagkait sa akin. Sinabi ko sa kanya na karangalan ko na maging tatay niya at sisikapin ko nang buong puso na maging karapat-dapat sa gayong malaking responsibilidad.

father and son on their family farm

Hindi ko man naipakita na naging perpektong ama ako nang gabing iyon na ipinangako ko, ngunit gusto ko pa ring maging perpektong ama at pinagsisikapan ko pa rin ito. Naniniwala ako sa matalinong payo na ito ni Pangulong Joseph F. Smith: “… Kung pananatilihin ninyong malapit sa inyong puso ang inyong [mga anak], sa [yakap ng] inyong mga bisig; kung magagawa ninyong ipadama sa kanila na mahal ninyo sila … at pananatilihin silang malapit sa inyo, hindi sila gaanong lalayo sa inyo. …”1

… Hindi tayo dapat lumayo sa ating mga anak. Dapat tayong patuloy na magsikap, patuloy na tumulong, patuloy na manalangin, at patuloy na makinig. Dapat natin silang panatilihin “sa [yakap ng] ating mga bisig.”

Tala

  1. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith (1999), 305.