Mga Young Adult
Paano Mapapagaling mula sa Anumang Paghihirap—nang Paunti-unti
Nagsisikap ka mang mapagaling mula sa paghihirap na dulot ng pornograpiya, mga problema sa kalusugang pangkaisipan, nakaraang trauma, o anupaman, ang gabay na ito ay makakatulong sa iyo na gumaling sa pamamagitan ni Cristo.
“At magaling na ako agad!”
“At hindi na ako kailanman natutukso sa pornograpiya!”
“At talagang nawala na ang depresyon ko. Hindi na ako nalulungkot!”
Ang mga pahayag na ito ay parang hindi totoo, di’ ba?
Lahat tayo ay nakabasa na ng mga kuwentong may “masayang wakas” na tila tulad ng mga ito. Sa mga taong nahihirapan sa mahihirap na hamon, ang tanging nais nila, sa isang maluwalhating sandali, ay madaig ang mga tukso o kahinaan o paghihirap at lubusang mapagaling.
Sa pagbabasa ng ganitong mga kuwento, tiyak na mabibigyang-inspirasyon ka at mapupuspos ng pag-asa na ang ating mga paghihirap at hamon ay mapapagaling din nang lubos, ngunit madalas iba ang pumapasok sa ating isipan tulad nito:
-
“Bakit nahihirapan pa rin ako rito gayong ginawa ko na ang maraming bagay para madaig ito?”
-
“Ginagawa ko ang lahat ng aking makakaya para bumaling sa Tagapagligtas, pero hindi ko pa rin mapatawad ang taong nakasakit sa akin.”
-
“Palagay ko, hindi ko na talaga madaraig ang problemang ito.”
Iba ang sinasabi ng ating isipan, ngunit ang katotohanan ay lahat tayo ay mapapagaling. Iyan ang pangakong ibinigay sa atin ng Tagapagligtas. Maaaring hindi mangyari ang paggaling sa loob lang ng ilang panahon—sa katunayan, maaaring hindi mangyari ito—ngunit sa tapat nating pagsisikap at sa tulong Niya, talagang posible ito. At narito ang ilang mungkahi kung paano hingiin ang pagpapagaling ng Panginoon, nang paunti-unti.
Unawain na ang Paggaling ay Isang Paglalakbay
Ang unang dapat nating maunawaan kapag sumusulong patungo sa paggaling ay na ito ay isang paglalakbay patungo sa pag-unlad. Narito ang ilang katotohanan tungkol sa paglalakbay na dapat pag-isipan:
-
Kapag nagpapatulong tayo sa Tagapagligtas sa buong paglalakbay na ito, aakayin Niya tayo sa mga resource at sa tulong na kinakailangan natin at bibigyan Niya tayo ng lakas at papatnubayan sa ating pagsisikap. “Kapag alam ng Tagapagligtas na talagang gusto ninyong lumapit sa Kanya—kapag nadama Niya na pinakamimithi ng inyong puso na humugot ng lakas sa Kanya sa inyong buhay—gagabayan kayo ng Espiritu Santo na malaman kung ano mismo ang dapat ninyong gawin.”1
-
Ang pag-unlad ay hindi nagaganap sa isang araw, sa isang buwan, o maging sa maraming taon kung minsan. Ang panahon ng paggaling ay magkakaiba sa lahat.
-
Ikaw man ay nagsisikap na gumaling mula sa mga hindi kanais-nais na gawi, adiksyon, problema sa kalusugang pangkaisipan, o kaya’y trauma, alalahanin na ang paggaling ay kadalasang kinapapalooban ng pagbabago ng pag-iisip at kilos na nakagawian na. At nangangailangan ito ng mahabang panahon.
-
Kailangan madalas nating matutuhang mahiwatigan ang mga nakatagong sanhi ng mga problema tulad ng di-magagandang kaisipan at damdamin bago natin madaig ang ating mga problema.
-
Ang proseso ng pagpapagaling ay puno ng mabubuti at masasamang karanasan.
Kung pinanghihinaan ka ng loob, dapat mong malaman na hindi ka nag-iisa—kahit si Nephi ay nahirapan at nagpadaig sa kanyang mga kahinaan (tingnan sa 2 Nephi 4). Matapos pumanaw ang kanyang ama, ang propetang ito na may di-natitinag na pananampalataya ay nagsulat tungkol sa kanyang pagkabigo at paghihirap dahil sa kalungkutan at mga tukso. Ngunit sa huli, si Nephi ay nagpatotoo na patuloy siyang magsisikap at magtitiwala sa Panginoon dahil alam niya na tutulungan siya ng Panginoon na madaig ang kanyang mga paghihirap.
Alamin ang Epekto ng Pagsubok at Pagkakaroon ng Matwid na Hangarin
Madalas ay hindi natin inaasahan na ang landas tungo sa paggaling mula sa mahihirap na karanasan ay puno ng mga hadlang, pagkakamali, panghihina ng loob, pagkainip, at pagkalito. Maaaring hindi ito madaling gawin gaya ng inakala natin sa unang pagkakataong subukan natin ito. At OK lang iyan. Dahil ang mga hadlang na iyon ang nakakatulong sa atin na mas umasa sa ating Tagapagligtas.
Hindi inaasahan ng Panginoon na madaraig natin ang lahat ngayon. Ngunit ang inaasahan Niya ay magsisikap tayo at magkakaroon ng hangaring gumaling, dahil ang pinakatunay na hangarin ng ating puso ang gagawa ng malaking kaibhan sa pagkamit ng ating mga mithiin at kung ano ang nais nating kahinatnan natin. Kumikilos ang Panginoon ayon sa mga hangarin ng ating puso. At tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Nais ng Panginoon na may pagsisikap, dahil naghahatid ito ng mga gantimpala na hindi darating kung wala ito.”2
Kaya kung nahihirapan ka sa pagiging madali mong matukso, kung nakakaranas ka pa rin ng mga problema sa kalusugang pangkaisipan, o hindi ka makatulog dahil sa masamang naranasan mo noon, magsikap lamang. Magsikap, magsumigasig na makapagtiis, at manangan sa pananampalataya at pag-asa kay Jesucristo.
Kapag patuloy kang nagsikap, ang mabuting hangarin ng iyong puso ay matutupad, at mararanasan mo ang mga himala ng paggaling (tingnan sa Mosias 2:41).
Mahabag sa Sarili
Karaniwan na mahirapan tayo sa iba’t ibang aspeto ng proseso ng paggaling. Ngunit ang pagiging mabait at matiyaga sa ating sarili ay kasinghalaga ng pagsisikap na gumaling. Ang pagkapoot sa sarili ay hindi kailanman nakatulong sa pagtagumpay ng sinuman. Nasaan ka man sa landas ng paggaling, maging mabait sa iyong sarili at alalahanin na laging mahabagin ang Tagapagligtas sa iyo. Narito ang ilang paraan para maisagawa ang pagkahabag sa sarili:
-
Ipaalala sa iyong sarili na matagal ang paggaling at kinakailangan mong magsikap nang husto.
-
Unawain na maraming problema ang nagmumula sa mga pangangailangang hindi natugunan o mga paraan sa pagdaig ng stress o trauma na natutuhan mo noong bata ka pa at mahirap nang baguhin ang mga ito.
-
Unawain na kahit may mga hadlang, nagbabago ka pa rin. Tandaan na ang mga hangarin ng iyong puso ay tutulong sa iyo na magkaroon ng pangmatagalang pagbabago.
-
Magtuon sa iyong progreso. Tingnan kung gaano na kalayo ang iyong narating. (Kung hindi mo pa nagagawa, humanap ng paraan para masubaybayan ang iyong progreso.)
-
Tratuhin ang sarili mo tulad sa pagtrato mo sa isang taong mahal mo na nagsisikap na mapagaling.
-
Isipin ang natutuhan mo at kung paano nakatulong ang mga paghihirap mo sa iyong espirituwal na pag-unlad. Ang Ama sa Langit ay may paraan para ang mahihirap na problema natin ay maging mga karanasan para sa ating ikabubuti (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 122:7).
-
Ibahagi ang iyong mga paghihirap sa isang tao na susuportahan at mamahalin ka sa iyong paglalakbay tungo sa paggaling. Ngunit siguraduhin na may limitasyon at hilingin sa kanila na respetuhin ang iyong pribadong buhay.
Gumamit ng Praktikal at Espirituwal na mga Tool o Paraan
Palaging nariyan ang Ama sa Langit at si Jesucristo upang tulungan at gabayan tayo sa proseso ng ating pagpapagaling. Naglaan Sila ng di-mabilang na espirituwal na mga tool tool o paraan tulad ng panalangin, pag-aayuno, mga banal na kasulatan, at regular na pagsisimba at pagdalo sa templo na maaaring magkaroon ng malaking impluwensya sa ating landas tungo sa paggaling.
Binigyan din tayo ng Ama sa Langit ng mga resource bukod pa sa mga espirituwal na paraan para makatulong sa ating paggaling, at nais Niyang gamitin natin ang mga ito. Halimbawa, nagsalita si Elder Kyle S. McKay ng Pitumpu tungkol sa isang babaeng nalulong sa droga. At bagama’t naranasan niya ang “kagyat na kabutihan ng Diyos,” sa pinakamahirap na sandali ng kanyang buhay, kailangan pa rin niya ang tulong ng iba. Ipinaliwanag ni Elder McKay, “Ang paggaling at tuluyang pagkakaligtas ni Emilie ay umabot ng mahabang panahon—mga buwan na gamutan, training, at pagpapayo, at sa panahong ito siya ay pinalakas at kung minsan ay binubuhat ng Kanyang kabutihan.”3
Ang ating paggaling ay mangangailangan ng pagsisikap at mga tool o mga resource. Ang mga doktor, gamot, mga propesyonal sa kalusugang pangkaisipan, at mga Support Group ay kamangha-manghang mga mapagkukunan ng tulong para mapagaling tayo. Ipinayo ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Humingi ng payo sa mahuhusay na tao na may sertipiko sa pagsasanay, propesyonal, at mabubuti ang pinahahalagahan. … Inaasahan ng ating Ama sa Langit na gagamitin natin ang lahat ng magagandang kaloob na ibinigay Niya sa dakilang dispensasyong ito.”4
Alalahanin ang Nagpapagaling na Kapangyarihan ni Jesucristo
Higit sa lahat, saanman tayo naroon sa landas ng paggaling, dapat nating malaman na lahat tayo ay lubos na mapapagaling dahil sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo, at sa Kanyang Pagbabayad-sala.
Kung minsan nagsasalita tayo tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo nang hindi talaga natin alam kung paano gamitin ang Kanyang nagpapagaling na balsamo, ngunit ang paggawa nito ay talagang simple lang—at personal (tingnan sa 1 Nephi 15:14). Kapag ginamit natin ang mga espirituwal na tool o paraan na ibinigay sa atin—tulad ng panalangin, pag-aayuno, at pagsisimba at pagpunta sa templo nang regular—makakaugnayan ng bawat isa sa atin ang Tagapagligtas. Ang paghahanap ng Kanyang impluwensya sa ating buhay sa bawat araw ay makakatulong din na makita natin na kasama natin Siya.
Alalahanin na ang paggaling ay dumarating nang paunti-unti habang patungo tayo sa Tagapagligtas, bagama’t mahalagang maunawaan na ang ilan sa ating matitinding pasakit at paghihirap ay maaaring hindi lubusang mapagaling sa buhay na ito. Ngunit ang Kanyang biyaya ay magdadala at magpapalakas sa atin, magpapabago ng ating pananaw, at magbibigay sa atin ng lakas na magpatuloy at makahanap pa rin ng tunay na kagalakan.
Hanggang sa mangyari iyan, panatilihin natin sa ating puso ang pangako ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Pinatototohanan ko na kung patuloy tayong magsisikap na malampasan ang ating mga pagsubok, pagpapalain tayo ng Diyos ng mga kaloob na pananampalataya upang gumaling at ng paggawa ng mga himala. Gagawin Niya para sa atin ang hindi natin magagawa para sa ating sarili.”5
Balang-araw, “bawat bagay ay manunumbalik” (Alma 11:44), at maipapahayag natin, “Magaling na ako.”
At magiging napakagandang araw iyon.