2021
Paano Ako Magpapatawad Kapag Napakahirap Itong Gawin?
Hunyo 2021


Digital Lamang: Mga Young Adult

Paano Ako Magpapatawad Kapag Napakahirap Itong Gawin?

Ang pagpapatawad sa isang tao ay mahirap kung minsan. Ngunit ginagawang posible ng Panginoon ang mahihirap na bagay.

dalagitang hawak ang kamay ng Tagapagligtas

Madalas ituro sa atin sa ebanghelyo na ang kapatawaran ay mahalaga para sa kapayapaan, kaligayahan, paggaling, at pagsisisi. Nalaman ko kung gaano katotoo ang mga turong iyon, bagama’t ang pagpapatawad ay tunay na napakahirap para sa akin at ito ay isang bagay na hindi natural na dumarating.

Sa buong buhay ko, matapos masaktan o makasakit ng damdamin, naiisip ko, “Oo, siyempre napatawad ko na ang taong iyon,” pero muli akong nagagalit, nalulungkot, o nasasaktan sa unang pagkaalala ko pa lang kung paano nila ako nasaktan.

Maaari mo sigurong maunawaan iyon.

Kaya paano tayo matututong “magpatawad sa lahat ng tao” (Doktrina at mga Tipan 64:10), tulad ng sinabi ng Tagapagligtas na hinihingi sa atin? Sa totoo lang, hindi ko talaga lubos na alam. Ito ay isang bagay na tinutulungan pa rin ako ng Panginoon na maunawaan, ngunit sa gitna ng proseso ay may natutuhan akong ilang bagay.

Pinagdusahan ni Cristo ang Lahat ng Uri ng Sakit

Una, natanto ko na ang kapangyarihan ni Jesucristo at ang mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala ay tunay na napakahalaga, napakalakas, at tunay na komprehensibo. Tunay na walang hanggan ang Kanyang kapangyarihan.

Alam natin na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, nagdusa Siya para sa ating mga kasalanan upang tayo ay makapagsisi. Alam din natin na Siya ay nagdala sa Kanyang sarili ng ating mga pasakit at karamdaman “upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa, ayon sa laman, upang malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan” (tingnan sa Alma 7:11–14). Ibig sabihin ay nakikiramay si Cristo sa akin at nauunawaan ang lahat ng pasakit na naranasan ko, mula sa nabaling bisig hanggang sa bagbag na puso.

At kahit alam Niya ang aking mga kasalanan at kahinaan, handa pa rin Siyang magpatawad sa akin kapag nagkamali ako. Handa Siyang isakripisyo ang Kanyang sarili para sa akin.

Matagal bago ko ito nagawa, ngunit nagpasiya ako na kung naniniwala ako na ang Kanyang Pagbabayad-sala ay angkop sa akin mismo, kung naniniwala ako na mapapatawad ako, kung gayon ay kailangan ko ring paniwalaan na lahat ng taong nakasakit sa akin at lahat ng mga taong mahal ko ay mapapatawad din. Ito ay dahil ang Kanyang sakripisyo ay para sa lahat.

Ang Kapatawaran ay Isang Proseso

Itinuro ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tungkol sa pagpapagaling na hatid ng pagpapatawad: “Kapag napatawad ninyo ang [nagkasala] sa inyo, maiibsan ang sakit at kirot.” At tiniyak niya sa atin na kung magagawa nating magpatawad, “matatamasa [natin] ang mas malaking kapayapaan” sa ating buhay.1

Ngunit maaaring mahirap ang pagpapatawad. May mga pagkakataon sa buhay ko na ang ideyang magpatawad ng isang tao ay pawang imposibleng pag-isipan. Sa mga pagkakataong ito, napanatag ako sa mga salita ni Elder Scott: “Bagama’t ngayon ay tila imposible ito sa inyo, balang araw ang paghilom na matatanggap ninyo sa Tagapagligtas ay magtutulot sa inyo na tunay na mapatawad ang [nagkasala] sa inyo … Kung ang ideyang magpatawad ay mas nagpapalala sa kirot na nadarama ninyo, isantabi muna iyan hanggang sa lalo pa ninyong maramdaman ang kapangyarihang magpagaling ng Tagapagligtas sa inyong sariling buhay.”2

Nagawa ko na iyan. Kinailangan kong ihinto ang mga ginagawa ko, magtuon sa kaugnayan ko sa Panginoon, at kalaunan ay umasa sa pagmamahal at pagpapagaling na natanggap ko sa pagbibigay ng kapatawaran na hindi ko pa handang unawain noon. Alam ko mula sa personal na karanasan na nauunawaan ng Panginoon ang ating puso’t isipan at kasama natin habang nag-uukol tayo ng oras para gumaling.

Ang Pagpapatawad ay Tumutulong sa Ating Gumaling

Ang aking patotoo tungkol sa nakapagpapagaling na kapangyarihan ng pagpapatawad ay patuloy na lumalago. Natutuhan kong maniwala sa katiyakan ni Elder Scott na “ang pagpapatawad ay nagpapagaling ng kakila-kilabot at kalunus-lunos na mga sugat”3 sa pamamagitan ng pagtutulot sa Panginoon na puspusin tayo ng pagmamahal at tulungan tayong iwaksi ang galit, anuman ang nagawa natin o anuman ang nangyari sa atin.

Naniniwala ako na nauunawaan ng Ama sa Langit na kung minsan ay kailangan natin ng panahon para maging handa tayong gawin ang mahihirap na bagay. At naniniwala ako na kapag handa na tayo, handa Siyang tulungan tayong gawin ang isang bagay na kasing hirap ng pagpapatawad.

Mga Tala

  1. Richard G. Scott, “Upang Mapaghilom ang Mapangwasak na mga Bunga ng Pang-aabuso,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 42.

  2. Richard G. Scott, “Upang Mapaghilom ang Mapangwasak na mga Bunga ng Pang-aabuso,” 42.

  3. Richard G. Scott, “Healing the Tragic Scars of Abuse,” Ensign, Mayo 1992, 33.