2021
Magkasama o Magkahiwalay
Hunyo 2021


Lalong Nagiging Tapat Habang Tumatanda

Magkasama o Magkahiwalay

Ano ang pipiliin ninyong mag-asawa, ngayong malalaki na ang inyong mga anak at nagsasarili na?

couple walking on beach

Mga larawan mula sa Getty Images

Kapag nagpapayo ako sa mga mag-asawa na ang mga anak ay nagsasarili na, ganito nila kadalasang inilalarawan ang karanasang ito: “Napakabilis talaga ng panahon! Parang kailan lang noong hinihintay namin ang pagsilang ng aming panganay, at kamukat-mukat mo ay malalaki na ang mga bata at nagsasarili na. Mabilis lumipas ang panahon! Ngayon ay minamasdan namin ang isa’t isa at sinasabing ‘Ano ang pagkakatulad natin?’”

Walang Madyik na Listahan

Maaaring iniisip mo, “Ang artikulong ito mismo ang kailangan ko!” o “Ito mismo ang kailangan ng asawa ko!” Maaaring gusto mong makahanap ng isang listahan ng mga epektibong mungkahi kung paano haharapin ang buhay kapag malalaki at nagsasarili na ang mga anak. Ngunit narito ang isang katotohanan na natuklasan ko sa mga taon ng pagpapayo ko sa mga mag-asawa: kadalasan, bihirang umepekto nang matagalan ang isang listahan ng mga malikhaing bagay na gagawin o mga paraan para muling makaugnayan ang isa’t isa—maliban kung may matibay na emosyonal na koneksyon.

Nakatira man tayo sa Ulaanbaatar, Mongolia, o São Paulo, Brazil, lahat tayo ay mga anak ng Diyos. Mga tao tayo at may damdamin. Maaaring magkakaiba ang pagpapahayag natin ng damdamin batay sa ating kultura at sa pagpapalaki sa atin, ngunit nararanasan natin ang lahat ng ito—kalumbayan, pagtanggi sa atin, takot, kalungkutan, kaligayahan, at kagalakan. Maging sa mga kultura kung saan kasama ng pamilya sa isang bahay ang mga kamag-anak, kapag nagsilakihan ang mga anak, madalas na nagkakalayo ang kanilang mga magulang.

Madalas sabihin sa akin ng mga mag-asawang ito, “Hindi kami pareho ng interes.” At kung ang tinitingnan lang nila ay ang gustong gawin ng isang indibiduwal kumpara sa gustong gawin ng isa pang indibiduwal, kadalasan tama iyan. Kung walang emosyonal na koneksyon, maaari ngang nasa iisang silid tayo kasama ang ating asawa ngunit malungkot pa rin tayo.

Kaya ano ang magagawa ng mag-asawa para magkasamang mapalakas ang kanilang pagsasama sa halip na magkani-kanya? Pag-usapan muna natin ang pinagmulan o background.

Nakakaapekto ang Pinagmulan o Background sa Pag-aasawa

Lahat tayo ay magkakaiba ng pinagmulan o background. May mga karanasan tayo kasama ang mga magulang, kapatid, kamag-anak, kaibigan, at kasamahan na humuhubog sa ating ginagawa at inaasahan sa pag-aasawa. Halimbawa, habang lumalaki tayo, malapit o malayo ba ang damdamin sa atin ng mga nag-alaga sa atin? Batay sa ating pinagmulan o background, maitatanong natin ang dalawang mahalagang bagay:

  • Gaano ba natin nais mapalapit ang ating damdamin sa ating asawa?

  • Handa ba tayong bigyan ng puwang sa ating puso ang ating asawa?

Kapag nagtutuon tayo sa pag-uugali ng ating asawa sa halip na alamin kung bakit naging gayon ang pag-ugali niya, madalas ay ayaw nating magbago at ipinagkakait natin ang ating pagmamahal. Ang pagiging maunawain at mahabagin sa mahihirap na naranasan ng ating asawa sa panahon ng kanyang pagtanda ay kadalasang nagiging sanhi ng hangaring mas suportahan siya. Ang pagkahabag, pagkamagiliw, at kahinahunan ay naglalaan ng magandang sitwasyon kung saan maibabahagi ang damdamin sa isa’t isa. Nagkakaroon ng emosyonal na koneksyon kapag natutuhan nating sabihin sa ating asawa ang nadarama natin.

Ipinayo ni Pangulong Russell M. Nelson, “Makipag-usap nang maayos sa inyong asawa. … Kailangang magkasarilinan ang mag-asawa upang masdan, kausapin, at pakinggan ang bawat isa.”1

Lagyan ng Label, Damhin, Aminin, at Sabihin

Kahit pagkatapos ng maraming taong pagsasama, maaaring mahirap ibahagi ang mga sensitibong isyu. Ngunit narito ang ilang paraan para mas madali itong magawa:

  1. Lagyan ng label ang iyong emosyon. Pangalanan ang mga ito, gaya ng “kawalang-pag-asa,” “pag-asam,” o “kasabikan.”

  2. Damhin ang mga ito. Maghinay-hinay. Itanong, “Saan at kailan ko napansin ang damdaming iyon?”

  3. Aminin ito. May layunin ang mga emosyon. Huwag ikahiya ang sarili o ang iyong asawa sa nadarama. Sa halip, hingin ang tulong at patnubay ng Ama sa Langit.

  4. Sabihin ang mga ito. Kapag sinabi mo sa iyong asawa ang nadarama mo, mas nagkakalapit kayong dalawa. Sa Mga Paksa ng Ebanghelyo, mababasa natin, “Mapapatibay ng mag-asawa ang kanilang pagsasama kapag nag-ukol sila ng panahon sa pag-uusap at pakikinig sa isa’t isa, sa pagiging maalalahanin at magalang, at sa madalas na pagpapahayag ng pagsuyo at pagmamahal.”2

Napapatibay ng mag-asawa ang kanilang pagsasama, anuman ang edad nila, kapag natutuhan nilang tukuyin, kilalanin, unawain, at pag-usapan ang kanilang mga nadarama. Makatutulong na isagawa ang dalawang inspiradong alituntunin: (1) “Ang mag-asawa ay may banal na tungkuling mahalin at kalingain ang bawat isa,” at (2) ang mag-asawa ay dapat “magtulungan bilang magkasama na may pantay na pananagutan.”3

Gumamit ng “Magiliw na Pakikipag-usap”

elderly couple holding hands

Nalaman ng isang kilalang mananaliksik tungkol sa pagsasama ng mag-asawa na si Dr. John Gottman na ang pinakamahalaga sa matibay na pagsasama ng mag-asawa ay ang kakayahang talakayin at unawain ang mahihirap na paksa at mga damdamin. Binuo niya ang isang huwaran na tinawag niyang “magiliw na pakikipag-usap.” Ang asawang nag-aalala ay maingat na nagpaplano para masabi ito sa halip na batikusin ang kanyang asawa. May apat na bahagi ito:

  1. Sabihin ang nadarama mo. Magtuon sa nararamdaman mo sa halip na sa ginagawa o sinasabi ng ibang tao. Halimbawa: “Ako ay nag-aalala, nababahala, natatakot, o nangangamba.” Ipahayag ang iyong nararamdaman gamit ang mga pahayag na may “ako,” tulad ng, “Nakadarama ako …”

  2. Pag-usapan ang isang partikular na sitwasyon o pangyayari. Sikaping maging malinaw at hindi paliguy-ligoy. Iwasang husgahan ang iyong asawa. Isama ang nararanasan mo dahil sa pangyayari at ang naramdaman mo dahil dito.

  3. Magpahayag ng positibong pangangailangan. Ilarawan kung ano ang mahalaga sa iyo sa inyong pagsasama. Hilingin sa iyong asawa na gumawa ng positibong mga hakbang upang matugunan ang iyong mga pangangailangan. Maging magalang sa iyong kahilingan. Mahalaga at nakakaapekto ang mga salitang “Pakiusap” o “Ikatutuwa ko ito.”

  4. Magpasalamat. Purihin ang iyong asawa sa mga bagay na nakatulong sa iyo.

Nasaktang Pagmamahal

Karamihan sa atin ay lubos na nagpapasalamat o nasasabik sa emosyonal na koneksyon sa atin ng ating asawa. Nakasaad sa banal na kasulatan, “Gayunman, sa Panginoon, kailangan ng babae ang lalaki at ang lalaki ay kailangan ng babae” (1 Corinto 11:11). Kung kailangang-kailangan nating makausap ang ating asawa at, sa anumang kadahilanan, ay hindi sila handang makinig o hindi napaglubag ang ating damdamin, mataas ang posibilidad na maaaring maranasan natin ang tinatawag ni Dr. Sue Johnson na nasaktang pagmamahal. Ang mga hinanakit na ito ay nagbubunga ng negatibong mga reaksyon na makikita sa ilang anyo:

  • Pag-atake. Biglang namumuna at namimintas sa ating asawa dahil wala siya roon, na may mariing mga pahayag na gaya ng “Kahit kailan ay hindi mo ako tinulungan. Ang kailangan ko ay hindi mahalaga sa iyo.”

  • Pagtahimik. Sumasang-ayon tayo sa ideya ng ating asawa, umaasang matatapos o hindi na titindi ang diskusyon, ngunit walang nareresolba, at ang resulta ay kadalasang naipong sama ng loob.

  • Pagdepensa. Nagbibigay tayo ng katibayan, tulad ng isang abogado sa korte, kung bakit makatwiran ang reaksyon natin sa kasalukuyang kalagayan.

  • Paglayo. Tayo ay lumalayo at nananahimik. Lumalayo tayo at ang pinag-uusapan lamang ay ang mga kinakailangan sa araw-araw na buhay, nang walang anumang makabuluhang pakikipag-ugnayan.

  • Pagpupumilit. Kailangan makausap sila kaya patuloy tayong nagtatanong, humihingi ng mga sagot, humihingi ng katapatan, at tinatangkang kontrolin ang pag-uusap—hindi dahil sa relasyon kundi para panatagin ang ating nasaktang damdamin.

Ang mga reaksyong ito ay normal kapag nadama nating tila nawawala na ang pagkagiliw natin sa taong mahal natin. At mapanganib ang mga ito dahil magpapatuloy ito at magpapaulit-ulit lang. Una, ang nasaktang pagmamahal; pangalawa, ang negatibong reaksyon; pagkatapos ang negatibong reaksyon sa unang reaksyon; at paulit-ulit lang. Sa ganitong paraan, ang mag-asawa ang naging dahilan kung bakit nangyayari ito at nasasaktan din sa paulit-ulit na pangyayaring ito.

Pisikal at Emosyonal na Intimasiya

couple in Hong Kong

Mangyari pa, ang intimasiya ay mahalagang bahagi ng buhay ng mag-asawa. Sa katunayan, maaaring sabihin na ang intimasiya ay isang bagay na may iba’t ibang aspeto na bahagi ng pagsasama ng mag-asawa. Ang pagiging malapit sa isa’t isa, ang pagkakaroon ng aktuwal na pisikal na kontak, at pagkakaroon ng matibay na emosyonal na koneksyon ay pawang magkakaugnay.

Ang emosyonal na intimasiya ay naghihikayat ng koneksyon at pagiging malapit na nagpapalalim at nagpapasigla sa seksuwal na intimasiya. Mahirap para sa isang asawa na may mababang sekswal na pagnanais na makipagtalik kung kaunti o wala siyang nadaramang emosyonal na koneksyon. Ibig sabihin dito, ang regular at makabuluhang emosyonal na koneksyon ay lumilikha ng seksuwal na intimasiya.

Kapag tumatanda na tayo, nagiging mas mahirap ang seksuwal na intimasiya. Sa ilang sitwasyon, makapagbibigay ang isang mahusay na doktor o sertipikadong therapist ng kaalaman at tulong. Ngunit naniniwala ako na napakahalaga sa patuloy na pagkakaroon ng pisikal na kontak ang simpleng paghalik sa isa’t isa bago matulog, regular na paghahawakan ng kamay, o mahigpit na yakap sa isa’t isa.

Isang Mas Magandang Listahan

two birds sitting in a nest

Mga paglalarawan ni Carolyn Vibbert

Ngayon, kung nais mo pa ring magkaroon ng listahan ng mga malikhaing bagay na gagawin o paraan para makaugnayan ang isa’t isa sa mga panahong nagsasarili na ang inyong mga anak, narito ang magandang balita: kapag kayong dalawa ay nanatiling emosyonal na konektado o naging konektadong muli ang damdamin, mas madaling gumawa ng listahan na kayong mag-asawa ang gagawa. Magiging listahan ninyo ito, at dahil ginawa ninyo ito, malamang na mas gusto ninyo itong gawin. Ang mga mag-asawang nagkaroon ng mas matibay na emosyonal na koneksyon ay karaniwang magkasamang gumagawa at nakakahanap ng solusyon sa kanilang pagsasama anuman ang kanilang pinagmulan o background, mga gawi, interes, o aktibidad.

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, “Pangangalaga sa Kasal,” Liahona, Mayo 2006, 37.

  2. “Kasal,” Mga Paksa ng Ebanghelyo, topics.ChurchofJesusChrist.org.

  3. “Ang Mag-Anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” ChurchofJesusChrist.org.