2021
Tatlong Alituntunin ng Proteksyon
Hunyo 2021


Digital Lamang

Tatlong Alituntunin ng Proteksyon

Mula sa isang mensahe sa debosyonal na, “Great Expectations,” na ibinigay sa Brigham Young University noong Nobyembre 10, 2020.

Sa pagtatayo natin ng Sion, pagiging liwanag, at pagtutuon sa templo, poprotektahan tayo saanman tayo manirahan.

Redlands California Temple

Larawang kuha ni Michelle Peterson

Noong nakaraang taglagas, ipinagdiwang ko ang aking ika-80 kaarawan. Binibigyan ako nito ng napakahabang pananaw tungkol sa kung ano ang mahalaga upang mabigyan tayo ng proteksyon.

Noong kami ng asawa kong si Mary ay nasa ikalawang dekada ng aming buhay noong dekada ng 1960, ang pagkaligalig, galit, at kaguluhan sa lipunan ay katulad ng naranasan natin kamakailan. Nakatira kami sa San Francisco Bay Area, sa California, USA. Ang magkakasamang pagkaligalig ng lahi, ang pagpatay kay Martin Luther King Jr., ang Digmaan sa Vietnam na kinamuhian ng maraming tao, at isang mapangwasak na kultura ng droga ay humantong sa mga demonstrasyon na kinabibilangan ng kaguluhan, pagnanakaw, at pagsakop ng mga tumututol sa mga tanggapan ng mga administrador ng malalaking pamantasan.

Habang hinaharap ang kaguluhang ito, mapalad kaming makatanggap ng payo mula kay Pangulong Harold B. Lee (1899–1973), na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol noon. Ang kanyang payo ay kapwa para sa mga pamilya at indibiduwal. Pinasalamatan namin noon ang kanyang payo at itinatangi ito ngayon.

Dagdag pa sa pagpapayo sa mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na sundin ang propeta, ibinigay ni Pangulong Lee ang tatlong iba pang alituntunin ng proteksyon:

  1. Itayo ang Sion sa ating mga puso at tahanan.

  2. Maging ilaw sa burol at maging halimbawa sa inyong komunidad.

  3. Ituon ang inyong pananaw at mga mithiin sa mga ordenansa at alituntuning itinuro sa templo.

Nangako si Pangulong Lee na maaari tayong mamuhay saanman sa mundo at mapoprotektahan pa rin tayo kung susundin natin ang mga alituntuning ito. Sa aking pananaw, ang mga alituntuning ito ay mahalaga ngayon tulad noong mahigit 50 taon na ang nakararaan, at ang mga ito ay angkop sa inyo ngayon.

Itayo ang Sion

Una, sa pagsisikap ninyong itayo ang Sion sa inyong mga puso at tahanan, mangyaring unawain na ang walang-hanggang institusyon ng pamilya ay ang pundasyon ng kaligayahan.

Lahat tayo ay mga miyembro ng mga pamilya. Lahat tayo ay mga anak ng Diyos at bahagi ng Kanyang pamilya. Bahagi rin tayo ng pamilya kung saan tayo isinilang. Alinsunod dito, ang pangunahing mithiin ay maging tapat sa walang hanggang institusyon ng pamilya. Ang payo ko sa inyo ay maghanap ng mabuting mapapangasawa na hinahangaan ninyo at magiging matalik ninyong kaibigan. Ang kasal sa buhay na ito ay sagradong bahagi ng walang hanggang planong ito.

Sa mundo ngayon, pangkaraniwan nang pinipili ng marami ang hindi pag-aasawa o pagpapaliban ng pag-aasawa. Ang pamilya ay walang-hanggang institusyon na inorden ng Diyos1 bago nilikha ang mundo.

Tinitiyak ko sa inyo na ang kagalakan, pagmamahal, at kasiyahan na naranasan sa mga mapagmahal at mabubuting pamilya ay nagdudulot ng pinakamalaking kaligayahan na makakamtan natin, lalo na kung gagawin nating “santuwaryo ng pananampalataya ang [ating] tahanan.”2 Ito rin ang pundasyon sa matagumpay na lipunan.

Ang paghahangad na makapag-asawa at ang gawin itong isang matwid na hangarin ng inyong puso ay dapat maging mithiin ninyo. Gayunman, ang kabutihan ay ang sariling gantimpala nito at hindi ibinabatay sa pagkakaroon ng kasal at mga anak sa ating buhay. Maaaring wala tayong asawa o hindi biniyayaan ng mga anak o ng iba pang hinahangad na pagpapala ngayon. Subalit ipinangako ng Panginoon na ang mabubuti na matatapat ay maaaring “manahanang kasama ng Diyos sa kalagayan ng walang katapusang kaligayahan” (Mosias 2:41).3

Itinuro ni Pangulong Lorenzo Snow (1814–1901), “Walang sinumang Banal sa mga Huling Araw na mamamatay pagkatapos mamuhay nang tapat ang mawawalan ng anumang bagay dahil sa nabigo silang … [magpakasal] samantalang hindi naman siya nabigyan ng pagkakataon para magawa iyon.”4

Maging Liwanag

Pangalawa, maging ilaw sa burol at isang halimbawa sa inyong komunidad. Habang patuloy kayong nag-aaral at pagkatapos ay nagsimula sa inyong iba’t ibang trabaho at responsibilidad, maaari kayong maging malakas na puwersa para sa kabutihan. Ang malaking hamon ay ang sumunod sa utos na nasa banal na kasulatan na mabuhay sa mundo ngunit hindi sa “makamundong paraan” (Juan 15:19).5

Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972) noong siya ay isang Apostol na, “habang tayo ay nasa mundo, hindi tayo nagiging makamundo sa paraan na hindi natin kailangang makibahagi sa … masasamang kaugalian, … mga uso, … kahangalan, maling mga doktrina at teorya.”6

Bukod pa rito, ang inyong magagandang kontribusyon sa lugar na inyong tinitirhan ay bahagi ng inyong hamon kung nais ninyong maging halimbawa, maging liwanag sa burol, ibahagi ang ebanghelyo, at mamuhay ayon sa mga turong natanggap ninyo bilang mga Banal sa mga Huling Araw.

Magtuon sa Templo

Pangatlo, ituon ang inyong pananaw at mga mithiin sa mga ordenansa at alituntuning itinuro sa templo. Sa kabila ng kawalan ng kabutihan sa mundo ngayon, nabubuhay tayo sa isang sagrado at banal na panahon. Inihanda ng Panginoon si Pangulong Russell M. Nelson, ang ating propeta, sa maraming taon ng mga tungkuling may kaugnayan sa templo para mamuno sa Simbahan sa panahong talagang mapupuno ng mga templo ang mundo sa mga bilang na hindi pa nagagawa noon.7

Sinimulan ni Pangulong Nelson ang kanyang paglilingkod bilang ating propeta sa pamamagitan ng pagbibigay ng mensahe sa atin mula sa Salt Lake Temple. Hiniling niya sa atin na “mag-umpisa na ang katapusan ang nasa isip” at nilinaw na “ang mga ordenansa sa templo” at ang landas ng tipan ang dapat nating maging pangunahing mithiin.8 Pinayuhan niya tayo na “tipunin ang nakakalat na Israel … sa magkabilang panig ng tabing.”9

Ang hamon ko sa inyo ay ang matutuhan kung ano ang mahalaga kapag nagkakagulo ang mundo upang kayo ay maprotektahan, mapagpala, at mabigyan ng kaligayahan, kapayapaan, at tagumpay na ninanais ninyo. Mangyaring iwasan lamang ang mga pagliko at batong katitisuran na nakababawas sa proteksyong ito.

Ang malaking inaasahan namin sa inyo ay kayo ay magmahal, maglingkod, at sumamba sa Tagapagligtas at na pagpapalain ninyo ang mundo nang higit pa sa ibang henerasyon. Maging determinadong magpatuloy sa landas ng tipan at maging matwid.

Mga Tala

  1. Tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” ChurchofJesusChrist.org.

  2. Russell M. Nelson, “Pagiging Kapuri-puring mga Banal sa mga Huling Araw,” Liahona, Nob. 2018, 113–114.

  3. Tingnan sa Richard G. Scott, “The Joy of Living the Great Plan of Happiness,” Ensign o Liahona, Nob. 1996, 73–75.

  4. Lorenzo Snow, Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Lorenzo Snow (2012), 146–147.

  5. Tingnan sa L. Tom Perry, “In the World,” Ensign, Mayo 1988, 13–15.

  6. Joseph Fielding Smith, sa Conference Report, Okt. 1916, 70; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  7. Tingnan sa Scott Taylor, “Here Are the 21 Temples That Had—or Will Have—Groundbreakings in 2020,” Church News, Okt. 22, 2020, thechurchnews.com.

  8. Russell M. Nelson, “Habang Tayo ay Sama-samang Sumusulong,” Liahona, Abr. 2018, 4–7.

  9. Russell M. Nelson, “Pakikibahagi ng Kababaihan sa Pagtitipon ng Israel,” Liahona, Nob. 2018, 68–70; tingnan din sa Russell M. Nelson at Wendy W. Nelson, “Pag-asa ng Israel” (pandaigdigang debosyonal ng kabataan, Hunyo 3, 2018), ChurchofJesusChrist.org.