2021
Ano ang Panguluhang Diyos?
Hunyo 2021


Mga Pangunahing Alituntunin ng Ebanghelyo

Ano ang Panguluhang Diyos?

Ang Ama sa Langit, si Jesucristo, at ang Espiritu Santo ay tatlong magkakahiwalay na nilalang na may iisang layunin.

the Father and the Son appearing to Joseph Smith

Kaliwa pakanan: Joseph Smith Writing [Nagsusulat si Joseph Smith], ni Dale Kilbourn; detalye mula sa Unang Pangitain, ni Jon McNaughton; Christ Preaching in the Spirit World [Nangaral si Cristo sa Daigdig ng mga Espiritu], ni Robert T. Barrett; larawan ng kalangitan mula sa Getty Images; Unang Pangitain, ni Walter Rane; larawan ng babaeng nagbabasa na kuha ni Tyler Lewis; Listening [Pakikinig], ni Michael Jarvis Nelson

Tinanong noon ng isang editor ng pahayagan si Propetang Joseph Smith kung ano ang paniniwala ng mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Bilang tugon, isinulat ng Propeta ang 13 pahayag ng paniniwala na tinatawag nating Mga Saligan ng Pananampalataya. Nakasaad sa unang pahayag, “Naniniwala kami sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, at sa Kanyang Anak, na si Jesucristo, at sa Espiritu Santo” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:1). Ang tatlong ito ang bumubuo sa tinatawag nating Panguluhang Diyos.

Diyos, ang Amang Walang Hanggan

Ang Diyos ay may nabuhay na mag-uling katawan na may laman at mga buto. Siya ang Ama ng ating mga espiritu. Ganap ang pagmamahal Niya sa bawat isa sa Kanyang mga anak. Ang Diyos ay perpekto, nagtataglay ng lahat ng kapangyarihan, at nalalaman Niya ang lahat ng bagay. Siya ay makatarungan, maawain, at mabait. Nabuhay tayo bilang mga espiritu sa piling ng Diyos bago tayo isinilang. Ipinadala Niya tayo sa lupa upang matuto at umunlad. Ang pinakadakilang hangarin ng Diyos ay makabalik sa Kanyang piling ang bawat isa sa Kanyang mga anak pagkatapos nating mamatay. Itinuro sa atin ng Diyos na kailangan nating sundin si Jesucristo upang makabalik sa piling ng Diyos.

Jesucristo

the Savior kneeling in prayer

Kaliwa pakanan: Joseph Smith Writing [Nagsusulat si Joseph Smith], ni Dale Kilbourn; detalye mula sa Unang Pangitain, ni Jon McNaughton; Christ Preaching in the Spirit World [Nangaral si Cristo sa Daigdig ng mga Espiritu], ni Robert T. Barrett; larawan ng kalangitan mula sa Getty Images; Unang Pangitain, ni Walter Rane; larawan ng babaeng nagbabasa na kuha ni Tyler Lewis; Listening [Pakikinig], ni Michael Jarvis Nelson

Si Jesucristo ay mayroon ding nabuhay na mag-uling katawan na may laman at mga buto. Siya ang panganay na Anak ng Diyos. Bago tayo isinilang, pinili Siya ng Diyos na maging Tagapagligtas natin. Ibig sabihin nito, pumarito si Jesus sa lupa upang maging isang halimbawa sa atin, ituro ang Kanyang ebanghelyo, magbayad-sala para sa ating mga kasalanan, at iligtas tayo mula sa kamatayan. Dahil kay Jesucristo, mapapatawad tayo sa ating mga kasalanan kapag nagsisi tayo. Dumanas din si Jesucristo ng maraming bagay upang maunawaan at matulungan Niya tayo. Si Jesucristo ay namatay at muling nabuhay, kaya naging posible para sa lahat na mabuhay na muli.

Ang Espiritu Santo

Ang Espiritu Santo ay isang miyembro ng Panguluhang Diyos na walang pisikal na katawan. Siya ay isang espiritu. Magagawa ng Espiritu Santo na direktang makipag-ugnayan sa ating mga espiritu. Pinatototohanan Niya sa atin na totoo ang Diyos at na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas. Ang Espiritu Santo ay kumikilos bilang sugo ng Diyos upang maipadama sa atin ang pagmamahal, paggabay, o kapanatagan. Nang mabinyagan at makumpirma tayo, tinanggap natin ang kaloob na Espiritu Santo. Pagkatapos ng ating binyag, laging mananatili sa atin ang Espiritu Santo kapag sinusunod natin ang mga kautusan ng Diyos.

Unang Pangitain ni Joseph Smith

Sa mga nagdaang panahon, nalilito ang mga tao tungkol sa Panguluhang Diyos. Nagtatalo ang mga tao tungkol sa katauhan ng Diyos, ni Jesucristo, at ng Espiritu Santo. Ito ang isang dahilan kung bakit napakahalaga ng Unang Pangitain ni Joseph Smith. Nakita niya na ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay may mga katawan at Sila ay dalawang magkahiwalay na nilalang.

Magkahiwalay ngunit Nagkakaisa

woman reading

Kaliwa pakanan: Joseph Smith Writing [Nagsusulat si Joseph Smith], ni Dale Kilbourn; detalye mula sa Unang Pangitain, ni Jon McNaughton; Christ Preaching in the Spirit World [Nangaral si Cristo sa Daigdig ng mga Espiritu], ni Robert T. Barrett; larawan ng kalangitan mula sa Getty Images; Unang Pangitain, ni Walter Rane; larawan ng babaeng nagbabasa na kuha ni Tyler Lewis; Listening [Pakikinig], ni Michael Jarvis Nelson

Itinuro sa atin ng mga banal na kasulatan at ng mga makabagong propeta na ang Diyos, si Jesucristo, at ang Espiritu Santo ay magkakahiwalay na nilalang na may iisang layunin: ang ating kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan (tingnan sa Moises 1:39). Tulad ng mga miyembro ng iisang koponan, nagtutulungan Sila para tulungan tayo sa araw-araw. Mas mapapalapit tayo sa Kanila kapag pinagsisisihan natin ang ating mga kasalanan at pinipili ang tama.

Mga Banal na Kasulatan tungkol sa Panguluhang Diyos

  • Ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay iisa sa layunin (tingnan sa Juan 10:30).

  • Nagsalita ang Ama sa Langit tungkol sa Kanyang Anak (tingnan sa Mateo 3:16–17).

  • Kinausap ni Jesucristo ang Kanyang Ama (tingnan sa Juan 11:41).

  • Ipinagdasal tayo ni Jesucristo na maging “isa” balang-araw (tingnan sa Juan 17:11).

  • Nakita ni Joseph Smith ang Ama sa Langit at si Jesucristo (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:17).

  • Nagpapatotoo ang Espiritu Santo na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas (tingnan sa Juan 15:26).