2021
Nasaan ang Agad na Himala sa Akin?
Hunyo 2021


Mga Young Adult

Nasaan ang Agarang Himala para sa Akin?

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Nang mabasa ko ang tungkol sa kung paano agad pinagaling ng Tagapagligtas ang iba, nalungkot ako dahil hindi ko nakita ang gayong pagpapala sa aking buhay.

woman sitting on a bench under a tree

Ilang buwan na akong nagdarasal na magkaroon ng himala.

Noong Setyembre ng 2019, nagpaopera ako para sa sinus, at nagkaroon ng di-inaasahang kumplikasyon kaya hindi ko magamit ang isa kong mata. Kaagad akong inoperahan para maayos ang aking napinsalang mata, at tiwala ang doktor ko na lubos itong gagaling sa loob ng tatlong buwan. Tumanggap din ako ng ilang basbas ng priesthood kung saan, sa tuwina, ay pinapangakuan ako ng lubos na paggaling.

Ngunit dumating at lumipas ang tatlong buwang iyon, at walang nagbago.

Ipinangako sa akin na gagaling ako. Nang maraming beses. Hindi natuloy ang mga nakaiskedyul na operasyon at nagkaroon ng ibang mga problema at kabiguan, at hindi pa rin gumaling ang aking mata.

Ang karanasang ito ay nagpahirap sa akin sa mental, emosyonal, espirituwal, at pisikal. Ngunit sa tuwing hihingi ako ng basbas, laging ipinapangako sa akin na gagaling ako.

Napaisip ako dahil dito. Ano ang gagawin natin kapag naghihintay tayo ng mga himala na tila hindi darating at kapag tila tahimik ang langit? Paano tayo makakasulong kapag nakatuon lang tayo sa paghihintay ng sagot sa panalangin na kung minsan ay nararanasan natin sa buhay?

Matagal ko nang pinag-iisipan ang tanong na ito, at sinisikap kong maunawaan ang aking sitwasyon. Pinag-iisipan ko rin ang lahat ng himala na nabasa ko sa mga banal na kasulatan.

Pinag-aralan ko ang lahat ng pagkakataong nagsagawa si Jesus ng himala o nagpagaling ng isang tao noong Kanyang ministeryo. At, ang totoo, sumama ang loob ko noong una, dahil sa tuwing may dadalhin kay Cristo, agad Niya itong pinagagaling.

  • Hinipo ng babaeng inaagasan ng dugo ang Kanyang damit, at siya ay agad na gumaling. (Tingnan sa Marcos 5.)

  • Hiniling ng lalaking isinilang na bulag na siya ay pagalingin, kaya sinabi sa kanya ni Cristo na maghugas sa imbakan ng tubig ng Siloam. At nang gawin niya iyon, siya ay agad na gumaling. (Tingnan sa Juan 9.)

  • Hiniling ng ketongin na siya ay pagalingin, at—agad sa sandaling iyon—lubusan siyang nalinis. (Tingnan sa Mateo 8.)

  • Ang anak na babae ni Jairo na namatay ay inutusang bumangon mula sa kamatayan, at bumangon nga siya. Agad-agad! (Tingnan sa Marcos 5.)

  • Ang lalaking sinasapian ay agad na gumaling nang palabasin ni Cristo ang masamang espiritu mula sa lalaking ito. (Tingnan sa Lucas 4.)

Hindi ito naging makabuluhan sa akin. Lahat ng himalang ito ay agad na nangyari, kaya bakit naghihintay pa rin ako sa himalang para sa akin? Tila hindi ito makatarungan.

Ngunit matapos ang kaunting pagninilay, naunawaan ko ang katotohanan: bagama’t nangyari agad ang mga himalang iyon, yaong mga napagaling ay matagal nang naghihirap at nagdurusa.

  • Ang babaeng inaagasan ng dugo ay naghirap nang 12 taon at nakaranas ng matinding sakit ng damdamin at naubos ang pera bago dumating sa kanya ang himala.

  • Walang alam ang lalaking bulag maliban sa siya ay bulag sa buong buhay niya bago siya nabiyayaan ng paningin.

  • Ang ketongin ay nagdusa nang matindi sa pagkakaroon ng ketong at sa pasakit na dulot nito, siya ay ipinagtabuyan at kung gaano katagal ay walang nakakaalam.

  • Ang anak na babae ni Jairo ay nahirapan hanggang mamatay bago dumating sa kanya ang himala.

  • Mga ilang taon nang sinasapian ang lalaki ng masasamang espiritu bago siya napalaya sa mga ito.

Ipinaunawa nito sa akin na kung minsan ay hindi agad dumarating ang mga himala sa simula ng paghihirap. Bawat tao ay nakakaranas ng pasakit at paghihirap bago sila mapagaling. At bagama’t ang ilan ay mas matagal kaysa iba, ang mga himala ng pagpapagaling ay palaging dumarating.

Sana alam ko kung hanggang kailan ang pagsubok na ito, gayunman marahil mahalagang hindi ko na malaman pa. Ang mga hamon ay nagdadala ng mga oportunidad. Maaari nating piliing maimpluwensyahan at mahubog tayo ng ating mga paghihirap para maging pinakamabuting bersyon ng ating sarili. Magagamit natin ang panahong ito ng paghihintay upang mas mapalapit sa Diyos na lumikha sa atin. Maaari nating kausapin at damayan ang iba sa kanilang mga pagdurusa.

Lagi tayong may pagkakataon para sa pagbuti, pag-unlad, at pagsulong habang naghihintay tayo ng isang himala.

Patuloy akong umaasa at nananampalataya na darating sa akin ang himala ng paggaling at matutupad balang-araw ang mga pangakong natanggap ko. Ngunit sa pansamantala, mamumuhay akong dala ang pasakit na ito. Magagamit ko ang paghihintay na ito para maging mas mabuti, mas matalino, mas malakas, mas mabait, mas mapagpasensya, at mas mapagpakumbaba. Mapapalalim ko ang aking ugnayan sa Ama sa Langit at sa aking Tagapagligtas na si Jesucristo.

Anumang himala o pangako ang maaaring hinihintay mo ngayon, kung matagal ka nang naghihintay, huwag mawalan ng pag-asa. Matutupad ang anumang ipinangako sa iyo ng Ama sa Langit. Gayunman ang mga himala ay darating sa Kanyang panahon at hindi sa panahong gusto natin. Huwag mawalan ng tiwala sa Kanya. Huwag isipin na tahimik ang langit. Naghahanda Siya ng daan para iyo. Magtuon sa kasalukuyan at gawin ang lahat ng magagawa mo para makasulong ngayon sa iyong paglalakbay. Nang paunti-unti. Patuloy na tanganan nang mahigpit ang pag-asa habang naghihintay ka ng himala.

Darating ito.