Mga Alituntunin ng Ministering
Paano Natin Masusuportahan ang mga Magulang sa pamamagitan ng Ministering
Ang mga magulang ay nangangailangan ng pagmamahal at suporta sa kanilang banal na mga tungkulin bilang ina at ama.
Kadalasang nahaharap ang mga magulang sa kakaiba at mahirap na mga hamon. Mahalaga ang mapagmalasakit na suporta ng mga ministering brother at sister sa kapakanan ng mga magulang at mga anak. Pagpapalain ng Diyos ang ating mga pagsisikap kapag naghanap tayo ng mga paraan para mapalakas ang mga magulang at mga anak sa ating buhay.
Sina Anne at Kara ay kapwa bago sa kanilang ward nang maatasan si Anne na mag-minister kay Kara at sa maliliit pa nitong mga anak. Agad silang naging magkaibigan. Natutuwa si Anne, na bagong-kasal, sa pagtulong kay Kara sa apat na maliliit na anak na babae nito, na ang edad ay mula sa bagong silang na sanggol hanggang pitong taong gulang. Isang araw, ang sanggol ni Kara ay naaksidente at nabasag ang bungo at kailangang maoperahan.
Kaagad kumilos si Anne at binantayan ang iba pang mga anak hanggang makarating ang kanilang lola para alagaan sila. Nang dumating ang kanilang lola, tinanong ni Anne kung ano ang maitutulong niya sa kanya, pagkatapos ay nagdala siya ng pagkain sa pamilya nang gabing iyon. Pinakiusapan din niya ang mga kapitbahay na magdala ng pagkain sa loob ng ilang araw.
Kinabukasan nang bumisita siya para kumustahin ang pamilya ni Kara, napansin ni Anne na isa sa mga anak ni Kara ay nag-aalala sa kanyang sanggol na kapatid, kaya niyaya siya ni Anne na gumawa ng mga cookies para personal itong mapagtuunan. Nag-text din si Anne sa ward council para ipaalam sa kanila ang nangyari at sinabing babalitaan niya sila tungkol sa sitwasyon. Nang sumunod na linggo, habang ginagamot ang sanggol, patuloy na ina-update ni Anne ang ward council sa nangyayari at inaasikaso niya ang mga pangangailangan ng pamilya. Ang pagtulong ni Anne ay nakapagbigay kay Kara ng oras at kapanatagan ng isipan bilang magulang sa mahirap at nakakatakot na sitwasyong iyon.
Mga Ministering Tip sa Pagtulong na Masuportahan ang mga Magulang
1. Bawasan ang malaking stress na nadarama ng mga magulang. Kung nakadarama ng stress ang pamilya, ang pakikipag-ugnayan mo ay makababawas ng stress na nagpapahirap sa mga magulang na maging matatag at mapagmahal na impluwensya sa buhay ng kanilang mga anak. Maaaring kabilang sa mga paraan ng pagtulong ang:
-
Pagsisikap na maunawaan ang mga pinagmumulan ng stress. Maging mabuting tagapakinig habang nakikinig ka sa kanila. Sundin ang mga impresyon.
-
Pagtuturo ng mga kasanayan sa paghahanap ng trabaho, pagtulong na baguhin ang kanilang badyet, o paghahanap ng mga oportunidad sa pag-aaral o training.
-
Pagtulong sa kanila na makahanap ng mga kapaki-pakinabang na resources, tulad ng mga kurso sa self-reliance, o pagtulong sa kanila na kumpletuhin ang mga dokumento para sa tulong pinansiyal o mga serbisyo.
2. Palakasin ang kakayahan ng mga magulang na makayanan ang mga pasanin. Maaaring kabilang dito ang:
-
Paglalaan sa kanila ng ilang resources ng Simbahan na makatutulong sa kanilang partikular na sitwayon.
-
Pag-iiskedyul ng regular na oras para magbigay ng suporta sa emosyonal na aspeto sa pamamagitan ng pakikinig at pagpapadama ng kapanatagan.
-
Pagtulong sa magulang na magkaroon ng oras na pangalagaan ang kanyang sarili.
3.Tulungan silang magkaroon ng katatagan at pag-asa habang:
-
Nagpapahayag ka ng pag-asa at pananampalataya kay Cristo at ibinabaling sila sa Kanya para sa kapayapaan at suporta.
-
Tumutulong ka sa kanila na mapahalagahan nila ang mabubuting bagay na dulot ng mahihirap na karanasan ng pagiging magulang at tinitiyak sa kanila na hindi sila nag-iisa sa mga panahong nahihirapan sila.
-
Nagpapakita ka ng pagmamahal sa kanila at kinikilala ang maraming gawaing ginagawa nila.
4. Tulungan silang magkaroon ng kasiyahan. Ang isa sa pinakamahihirap na hamon para sa mga magulang na nahihirapan ay ang magkaroon ng sapat na lakas para makipaglaro at magsaya kasama ang kanilang mga anak. Makatutulong ka kapag:
-
Nag-organisa ka ng isang hapunan o isang gabi ng laro.
-
Ipinagdiwang mo ang mga sandali na mahalaga sa kanila, tulad ng kaarawan, pista-opisyal, o iba pang mahahalagang pangyayari.
-
Inanyayahan mo silang sumama sa ipinlano mong sariling mga aktibidad.