2021
Mga Pagpapalang Hindi Ko Nakita
Hunyo 2021


Mga Pagpapalang Hindi Ko Nakita

Kailangan pang mahirapan ako para makita ko kung paano ako pinagpapala ng Ama sa Langit.

farmland in Philippines

Larawan mula sa Getty Images

Nang dumating ako sa pangatlong area ko sa Philippines Bacolod Mission, nagsimula na ang tag-ulan. Na-assign ako sa maliit at magandang lungsod na napaliligiran ng mga bukid sa hilagang-kanluran ng Negros, isang isla sa timog.

Noong Disyembre 2014, tumama ang bagyong Ruby sa probinsya. Hindi gaanong napinsala ang aming lugar, ngunit ang di-sementadong mga daan ay naging maputik at madulas. Sa kabila ng di-magandang panahon, nagpatuloy kami sa gawain.

Isa sa mga lugar na pinakaposibleng mapagtagumpayan namin ay ang isang maliit na komunidad sa labas ng lungsod. Ang aming mga tinuturuan at ang mga bagong miyembro roon ay pawang mga magsasaka. Dahil nagtatrabaho sila sa taniman ng mga tubo sa umaga, nagtuturo kami sa hapon at gabi.

Para makarating sa komunidad, kailangan naming maglakad sa maputik na taniman, mag-ingat sa mga aso, palaka, ahas, at lamok. Lagi kaming nagdadala ng mga flashlight at payong. Sinasamahan kami pauwi ng mga miyembro ng Simbahan kapag madilim na.

Kung minsan, parang gusto ko nang sumuko. Hindi ko tiyak kung makakayanan ko pang maglakad sa maputik na taniman araw-araw, kaya nagdasal ako para humingi ng tulong. Dumating ang sagot: “Bumili ka ng bota!”

Kami ng kompanyon ko ay bumili ng tig-isang pares. Tuwang-tuwa ako sa suot kong bota, ngunit di-nagtagal napawi ang aking katuwaan dahil napakabigat at hindi komportable ang mga ito. Kapag suot ko ito nagpapawis ang mga paa ko at bumabagal ang paglakad ko.

Isang gabi, pagkatapos ng aming mga lesson, umuwi kami at nagpalit ng aming regular na sapatos na pang-proselyting. Pagkatapos ay lumabas kami para sa isa pang pagtuturo sa lungsod. Habang naglalakad ako, nakadama ako ng ginhawa. Masaya ako na suot kong muli ang aking plastik na sapatos. Naisip ko kung bakit bigla akong nagpasalamat para sa sapatos na suot ko sa buong misyon ko.

Dumating ang sagot sa aking isipan: “Nakagawa ng kaibhan ang mga bota.” Hanggang sa sandaling iyon, hindi ko natanto kung gaano kakomportable ang aking plastik na sapatos.

Bigla kong naisip ang mga hirap at hamon sa aking misyon. Ang aking plastik na sapatos ay suot ko sa araw-araw at hindi napapahalagahan. Habang sinisikap na maunawaan ang magkahalong damdaming naramdaman ko, isang tinig ang tila nagsabing, “Dumaranas ka ng mga pagsubok at paghihirap sa buhay upang matutuhan mong pahalagahan ang mga pagpapala at magpasalamat para sa mga ito.”

Natanto ko na kailangan kong dumanas ng hirap para mapahalagahan ang mga pagpapala ng Ama sa Langit. Sa pamamagitan ng mga pagsubok sa akin, napahalagahan ko ang mga pagpapala sa akin at nagpasalamat para sa mga ito.