Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Ang Nagmumula sa Langit ay Sagrado
Hindi dapat kaswal ang pagsunod sa mga utos ng Panginoon.
Noong 15 taong gulang ako, nagpasiya akong subukan ang batas ng ikapu. Nagtrabaho ako bilang grocery bagger sa Ponce, Puerto Rico. Kada dalawang oras ay may 15 minuto akong pahinga. Sa oras ng pahinga binibilang ko kung magkano ang natanggap kong mga tips; pagkatapos ay hinihiwalay ko ang aking ikapu. Matapos kong simulang gawin ito sa ganitong paraan, napansin ko na nadagdagan ang mga tip na natatanggap ko! Hindi ko alam na pagpapala ito ng langit, ngunit alam kong sinusunod ko ang isang kautusan at kapag sinusunod natin ang mga kautusan, sa malao’t madali tatanggap tayo ng mga pagpapala.
Mangyari pa, hindi laging dumarating ang mga pagpapala sa paraang iniisip natin. Sa matagal-tagal ko nang pagbabayad ng ikapu, alam ko na sagrado ang ginagawa ko. Hindi lang ito pagbibigay ng pera sa Simbahan. Iginagalang ko ang sinasabi ng Panginoon, at tinitiyak ko na regular at kaagad kong nababayaran ang aking ikapu. Sabik akong gawin ang lahat ng makakaya ko para makatulong sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos.
Naiwan Ko ang Aking Ikapu
Isang Linggo ng umaga, napahaba ang tulog ko. Gusto ng mga magulang ko na maaga sa simbahan, kaya nang magising ako, nagmamadali ako. Noong naroon na kami sa meetinghouse ay saka ko lang natanto na naiwan ko ang aking ikapu. “Magbabayad na lang ako sa susunod na linggo,” naisip ko. Pero nalungkot ako. Gusto kong malaman ng Ama sa Langit na masunurin ako.
Pagkatapos ng mga miting, umuwi kami at nalaman namin na ninakawan ang bahay namin. Ang mga alahas, isang video camera—halos lahat ng bagay na may halaga ay ninakaw. Nagmamadali akong nagpunta sa aking silid at hinalughog ko ang drawer kung saan ko naiwan ang aking ikapu. Ninakaw din ito. Ngayon lalo akong nalungkot. Nadama ko na kung naalala kong dalhin ang aking ikapu sa simbahan, hindi sana ito nawala ngayon.
Pagkatapos nadama kong sabihin sa aking ama: “Huwag po kayong mag-alala. Magiging OK po ang lahat. Kinuha ng magnanakaw ang pera ng Panginoon, kaya kinuha niya ang isang bagay na sagrado.” Hindi ko inisip na hahayaan iyon ng Panginoon.
Ngunit sa palagay ko gusto ng Panginoon na matuto ako na maging mas mag-ingat sa bagay na pag-aari Niya. Hindi naglaon nahuli ang magnanakaw, at ang lahat ay nabawi—maliban sa aking ikapu. Para maayos ang mga bagay-bagay, kumuha ako ng gayon ding halaga sa ipon ko at dinala ito sa bishop sa mismong sumunod na Linggo. Mula noon, lagi ko nang sinisikap na magbayad ng aking ikapu sa oras. Alam ko na ang ikapu ay isang batas mula sa Diyos, at ibig sabihin niyon ay dapat ko itong pahalagahan.
Huwag Balewalain ang mga Sagradong Bagay
Sa Doktrina at mga Tipan bahagi 63, itinuro ng Panginoon ang isang sagradong alituntunin: pagsunod. “Ako, ang Panginoon, [ay] nangungusap sa aking tinig, at ito ay masusunod” (talata 5). Ang sinabi Niya “ay banal, at kailangang sambitin nang may pag-iingat” (talata 64).
Sa panahong natanggap ang paghahayag na ito, si Joseph Smith ay binabatikos ng ilang kumakalaban sa kanya. Isa sa kanila si Ezra Booth. Si Booth ay ministro ng ibang relihiyon ngunit nagpasiyang magpabinyag matapos niyang makita na pinagaling ni Joseph ang braso ng isang babae sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood.
Gayunman, nawala kalaunan ang paniniwala ni Booth sa nasaksihan niya. Naging mapamintas siya sa propeta. Hindi niya naunawaan na ang mga tanda o himala lamang ay hindi nagbubunga ng matibay na pananampalataya. Nang balewalain niya ang mga sagradong bagay, nawala siya sa landas at naging isa sa “masasama at mapanghimagsik” (talata 2).
Namamangha ako na kapag nangungusap ang Panginoon tungkol sa ating pagsunod, binabanggit Niya rin ang tungkol sa Kanyang mga pasiya. Ang Kanyang mga pasiya ay hindi basta ginawa at personal na kagustuhan lang: ang mga ito ay batay sa doktrina at alituntunin. Sa bahagi 82 ng Doktrina at mga Tipan, sinabi Niya, “Ako, ang Panginoon, ay nakatali kapag ginawa ninyo ang aking sinabi” (talata 10).
Para sa akin ang ibig sabihin nito ay nangangako Siya na kung tayo ay magiging masunurin, lagi Niyang tutuparin ang Kanyang mga pangako. Pangangalagaan Niya tayo. Gagabayan Niya tayo. At bagama’t hindi tayo dapat maghanap ng mga tanda para kumbinsihin ang iba tungkol sa katotohanan o patunayan ang ating pananampalataya, ang mga tanda at himala ay magaganap at mangyayari dahil sa ating pananampalataya kay Jesucristo, na alinsunod sa kalooban ng Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 63:9–10). Ang pagpapala sa atin ng Panginoon ay ibabatay sa ating pagsunod. Napakahalaga nito sa akin.
Ang Kanyang mga Paghatol ay Makatarungan
Ang isa pang alituntunin ng pagsunod ay makatarungan ang ipapataw na pagkawasak at paghuhukom sa masasama, bagama’t masakit pakinggan o isipin. Kung walang itinuro at inaasahang pagsunod, hindi ito makatarungan. Ngunit dahil ang mga walang hanggang batas ay may mga walang hanggang bunga, maging ang tumatanggap ng bunga ng kanyang ginawa ay malalaman na makatarungan ang mga kahatulan ng Panginoon (tingnan sa Mosias 16:1). “Lahat ng laman ay malalaman na ako ang Diyos” (Doktrina at mga tipan 63:6).
Ang Panginoon ang magbibigay ng mga gantimpala at parusa. Kapag nagbabala Siya sa mga naghihimagsik, ginagawa Niya ito dahil sa pagmamahal Niya sa kanila, upang hikayatin silang bumalik sa tamang landas habang kaya pa nila, “sapagkat kung walang pananampalataya ay walang taong makapagpapalugod sa Diyos” (talata 11).
“Siya na nagtitiis sa pananampalataya at ginagawa ang aking kalooban, ang siya ring mananaig” (talata 20), at “sa kanya na sumusunod sa aking mga kautusan ay ibibigay ko ang mga hiwaga ng aking kaharian, at ang mga ito sa kanya ay magiging isang balon ng tubig na buhay, na bumubukal tungo sa buhay na walang hanggan” (talata 23).
“Sa Salita at sa Pagtakas”
Sa katunayan, sinabi ng Panginoon na hindi lamang dapat maging masunurin, kundi dapat din nating hikayatin ang iba na gawin din ito. Sinabi Niya, “Bawat [lalaki at babae] ay tanganan ang kabutihan sa kanyang mga kamay … at itaas ang tinig ng babala sa mga naninirahan sa mundo; at ipahayag maging sa salita at sa pagtakas na ang kapanglawan ay sasapit sa masasama” (talata 37).
“Maging sa salita at sa pagtakas.” Gusto ko ang pariralang ito. Ang mga masunurin ay tatakas sa daigdig at magtitipon sa Sion. Noon ang ibig sabihin niyan ay magtipon sa headquarters ng Simbahan; ngayon, ang ibig sabihin nito ay sama-samang magtipon sa mga lugar ng kabutihan, kabilang ang templo. Tulad ng sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Kailangan ng bawat isa sa atin ang patuloy na espirituwal na pagpapatatag at pagtuturo na tanging sa bahay ng Panginoon makukuha.”1
Kapag nagtipon tayo sa Sion, iyan dapat ang maging mensahe sa iba. Sa madaling salita, dapat mapansin ng mga tao na hindi tayo nakikibahagi sa ilang bagay. Nililisan natin ang ilang lugar; tayo ay pumupunta sa mga templo, sa mga chapel, at sa ating mga tahanan. Dapat maging malinaw sa iba kung ano ang ginagamit o hindi natin ginagamit, pinanonood o hindi natin pinanonood, binabasa o hindi natin binabasa, at sinasabi o hindi natin sinasabi. Ang pagtakas natin sa mundo ay dapat mapansin, at ito mismo ang magiging mensahe sa mga suwail.
Gayon din, inaasahan ng Panginoon na gagamitin natin ang ating mga tinig. Habang tumatakas tayo sa kasamaan ng mundo, dapat din nating ipahayag ang mga kaluwalhatian ng ebanghelyo. Sa karaniwan at likas na mga paraan, ang mga tao ay magiging mausisa kung bakit hindi tayo nakikibahagi sa ilang bagay na makamundo, at dapat may tapang tayo na sagutin ang mga ito, hindi dahil sa pagpapakumbaba o awa kundi dahil sa pagmamahal at tunay na hangaring iligtas sila.
Tulad ng sinabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Hindi ko sinasabing tumayo kayo sa isang kanto na may mikropono at isinisigaw ang mga talata ng Aklat ni Mormon. Ang sinasabi ko ay palagi kayong maghanap ng mga pagkakataon na banggitin ang inyong pananampalataya sa likas at normal na paraan sa mga tao—kapwa personal at online. Hinihiling kong ‘tumayo [kayo] bilang mga saksi’ [Mosias 18:9] ng bisa ng ebanghelyo sa lahat ng oras—at kapag kailangan, gamitin ang mga salita.”2
Gawin ang Tama
Nang simulan kong magbayad ng ikapu maraming taon na ang nakararaan, hindi ko natanto noon ang lubos na kahalagahan ng ginagawa ko. Ngunit alam ko na tama ito at dapat kong pahalagahan ang mga kautusan ng Diyos, dahil ang nagmumula sa langit ay sagrado. Nakakatuwang malaman na ang bahagi 63 ay tungkol din sa mga desisyon sa pananalapi at mga donasyon sa Simbahan at ibinigay ang pangakong ito mula sa Panginoon: “Siya na matapat at nagtitiis ay mananaig sa sanlibutan.
“Siya na nagpapadala ng mga kayamanan sa lupain ng Sion ay makatatanggap ng mana sa daigdig na ito, at ang kanyang mga gawa ay susunod sa kanya, at gayon din ang gantimpala sa daigdig na darating” (mga talata 47–48).