2021
Napilitang Iwan ang Tahanan: Pagmiministering na Katulad ng kay Cristo sa mga Taong Napilitang Iwan ang Kanilang mga Tahanan
Hunyo 2021


Napilitang Iwan ang Tahanan: Pagmiministering na Katulad ng kay Cristo sa mga Taong Napilitang Iwan ang Kanilang mga Tahanan

Ang mga taong napilitang iwan ang kanilang tahanan ay nangangailangan ng higit pa kaysa sa mga materyal na bagay; kailangan nila ng makabuluhang ugnayan at ministering.

girl in a hut

Itaas: larawan mula sa Getty Images; iba pang mga larawan na kuha ni Marc Marriott

Marahil ang pag-iwan sa tahanan ang pinakamasakit na karanasan sa buhay ng isang tao. Ang tumitinding karahasan, problema sa ekonomiya, at kaguluhan sa pulitika ay maaaring dahilan para mapilitan ang mga pamilya na iwan ang kanilang mga tahanan nang walang pagkakataong kunin ang kanilang mahahalagang kagamitan o kinakailangang suplay. Kadalasang nagkakahiwalay ang mga pamilya sa mapanganib na paglalakbay nang daan-daang milya sa paghahanap ng kaligtasan. Maaaring nakakasaksi o nakakaranas ang mga bata ng matinding kakulangan sa pagkain at pinsala sa katawan. Ang inaasam lamang ng mga taong ito ay matapos na ang kanilang mahirap na paglalakbay sa isang ligtas na lugar.

Sa nakalipas na dekada, hindi kukulangin sa 100 milyong tao ang kinailangang umalis sa kanilang tahanan, na naghahanap ng makakanlungan sa loob o labas ng kanilang bansa.1 Sa bilang na iyan na talagang mapapaisip ka, mag-aalala ka sa mahirap na sitwasyon ng mga taong napilitang iwan ang kanilang mga tahanan. Sa pagsunod sa halimbawa ng Tagapagligtas, makahahanap tayo ng mga personal na paraan para makapag-minister sa mga nangangailangan.

family in a refugee camp

Isang pamilyang Syrian na tumatanggap ng tulong sa Lebanon. Dahil sa digmaan sa Syria, 11 milyong taga-Syria ang nawalan ng tirahan. Ang Tagapagligtas ay minsang naging refugee at batid Niya ang mga nagdurusa sa pagsubok na ito.

Unawain ang Ating Magkaparehong Kasaysayan

Para sa mga Banal sa mga Huling Araw, ang mga taong napilitang iwan ang kanilang tahanan ay higit pa sa isang kuwento sa mga balita; dapat natin silang ituring bilang ating kapwa (tingnan sa Mateo 22:39) na ang kasaysayan ay kapareho ng sa atin, at sa Tagapagligtas mismo. “Ang kuwento ng buhay nila ay kuwento natin, ilang taon pa lang ang nakararaan,” sabi ni Elder Patrick Kearon ng Panguluhan ng Pitumpu.2

Hindi na natin kailangan pang gunitain nang husto ang nakaraan para makita ang panahon kung saan marahas na ipinagtabuyan sa kanilang mga tahanan at kabuhayan ang mga Banal sa mga Huling Araw. Makikita rin natin kung paano nakagawa ng kaibhan ang ilan sa kanilang mga bagong kapitbahay sa kanilang paglalakbay. Nang palayasin ang mga Banal mula sa estado ng Missouri, tinanggap at tinulungan sila ng mga residente sa Quincy, Illinois. Ang mga taong iyon ay mga halimbawa ng paglilingkod na katulad ng kay Cristo at “iniligtas ang mga Banal sa mga Huling Araw mula sa mas malaking kapahamakan na maaaring maranasan nila.”3

Naranasan din ng Tagapagligtas na maging refugee sa Kanyang mortal na buhay. Ganito ang sinabi ni Brett Macdonald ng Latter-day Saint Charities tungkol sa pagbisita niya sa mga refugee camp sa iba’t ibang panig ng mundo, “Si Jesus at ang kanyang mga magulang ay pansamantalang kumanlong sa hilagang Africa; dama ninyo ang Kanyang impluwensya at matinding malasakit sa buhay ng mga taong nagdurusa.”4

a woman comforts another woman and her child

Isang volunteer mula sa Latter-day Saint Charities ang bumisita sa isang refugee camp sa Jordan. Sinusunod ng mga tumutulong ang mga tuntunin ng pagiging makatao, na gagabay din sa atin kapag nagmiminister tayo sa mga refugee at iba pang mga taong napilitang iwan ang kanilang tirahan.

Pagsunod sa Tuntuning Pangkawanggawa Ngayon

Ngayon, may mga pagkakataon tayong tumulong at magbigay ng gayon ding tulong na natanggap noon ng mga miyembro ng Simbahan noong ika-19 na siglo mula sa kanilang kapwa. Ngunit ang ating mga kapatid na napilitang iwan ang kanilang mga tahanan ngayon ay nangangailangan ng higit pa kaysa sa mga materyal na bagay o pera; kailangan nila ng makabuluhang ugnayan at ministering na katulad ng kay Cristo.

Maraming organisasyong pangkawanggawa, kabilang ang Latter-day Saint Charities, ang sumusunod sa tuntuning pangkawanggawa na makakatulong sa atin na magminister sa mga taong napilitang iwan ang kanilang mga tahanan. Bagama’t ang tuntunin ay karaniwang angkop sa pagkakawanggawa, may mga alituntunin ng ebanghelyo na makakatulong sa atin na mas epektibong “[ma]itaas ang mga kamay na nakababa, at [mapalakas] ang tuhod na mahihina.” (Doktrina at mga Tipan 81:5).

one woman giving another a quilt

Sa pagtutuon sa pagkakaroon ng ugnayan, makakatuklas tayo ng mga makabuluhang paraan ng pagmiminister. Kaliwa: Isang miyembro ng Simbahan ang nagbigay sa isang ina ng kumot na dating ginagamit ng kanyang ampon na anak. Ibaba: Matutulungan natin ang mga refugee na matutuhan ang tungkol sa kultura ng lugar, kabilang ang pagluluto ng pagkain na maaaring hindi pamilyar sa kanila.

Ang Alituntunin ng Pagiging Makatao

Itinuturo ng alituntunin ng pagiging makatao na kapag nagmiminister tayo, sinisikap nating ituring ang bawat tao bilang anak ng Diyos. Tila simple lang ito, pero maaaring mahirap itong maalala kapag iba ang hitsura, kilos, salita, o paniniwala ng mga tao kaysa sa atin.

Upang matulungan kang makita ang banal na katangian ng bawat tao, tanungin ang iyong sarili, “Kung ang taong iyon ay kapamilya o isang mahal ko sa buhay, paano magbabago ang tingin ko sa taong ito?”

Ang tanong na ito ay naging napakapersonal sa isang babaeng Banal sa mga Huling Araw nang magdaos ang kanilang Relief Society ng baby shower para sa isang inang refugee sa kanilang komunidad.

Kinontak ng kanilang Relief Society presidency ang isang lokal na refugee resettlement agency para maghanap ng isang ina na matutulungan nila. Nang maikonekta na sila sa ina at sa pamilya nito, bumisita ang presidency sa bahay para itanong kung paano sila makakatulong. (Ang isang mahalagang bahagi ng alituntunin ng pagiging makatao ay igalang ang kalayaang pumili ng refugee sa pamamagitan ng pagtatanong kung paano nila gustong tulungan sila at pagkatapos ay taos-pusong makinig sa kanila.)

Iminungkahi ng Relief Society ang baby shower, na ipinapaliwanag na isang paraan ito para ipagdiwang ang isang bagong silang na sanggol at pagbibigay ng mga regalong maaaring kailangan ng sanggol at ina. Sumang-ayon ang pamilyang refugee na makakatulong ito sa kanila.

Nang simulan ng ward ang pagpaplano ng baby shower, naramdaman ng isang miyembro na “malambot ang puso” niya para sa mga taong kinailangang manirahan sa bagong lugar nang maranasan niya ang mag-ampon ng isang sanggol mula sa Guatemala. Sa mahabang proseso ng pag-aampon, naging abala ang babaeng ito sa paggawa ng kumot para sa kanyang bagong sanggol. Nang ikumpara niya ang karanasan ng kanyang ampon na anak sa bagong silang na sanggol na refugee, gusto niyang makaugnayan ang pamilya sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng kumot na ginawa niya.

Sa baby shower, ipinaliwanag ng babaeng ito ang damdamin niya para sa inang refugee, na ikinuwento kung paano rin kinailangang pumunta sa bagong tahanan ang kanyang anak at kung paano nila gustung-gustong balutin siya ng kumot nang dumating ito. Ibinigay ng babae sa inang refugee ang kumot at sinabing, “Sana magustuhan din ito ng iyong anak.”

Ang Alituntunin ng Pagkakapantay-panatay

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:

“Pantay-pantay ang pagmamahal ng Diyos sa lahat ng lahi. … Inaanyayahan Niya ang lahat na lumapit sa Kanya, ‘maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae’ [2 Nephi 26:33]. …

“… Nananawagan ako ngayon sa ating mga miyembro sa lahat ng dako na manguna sa pagwaksi sa ugali at gawain ng di-pantay na pakikitungo.”5

Nakatulong ang mga salita ni Pangulong Nelson para maipaliwanag ang alituntunin ng pagkakapantay-pantay. Sa ating ministering, dapat wala tayong kinikilingang nasyonalidad, lahi, kasarian, paniniwala sa relihiyon, uri, o opinyon sa pulitika. Naglilingkod tayo sa ating kapwa kahit iba sila sa atin.

Nakita natin ang halimbawa ng pagkakapantay-pantay sa talinghaga ni Cristo tungkol sa mabuting Samaritano sa Lucas 10. Ang Samaritano, na itinakwil sa kultura ng mga Judio, ay hindi nag-atubiling tulungan ang isang tao na mula sa ibang lahi. Inisip din niya ang kinabukasan ng sugatang lalaki at sinikap na gawin ang lahat ng kinakailangan para matiyak na gagaling ito.

Matapos ikuwento ang talinghagang ito, itinuro ni Cristo sa Kanyang mga disipulo na ang mabuting Samaritano ay isang mabuting kapwa sa sugatang lalaki sa pamamagitan ng pagpapakita ng awa sa kanya. Pagkatapos ay iniutos ni Cristo, “Humayo ka, at gayundin ang gawin mo” (Lucas 10:37).

a group of women baking

Photograph by Nicole Johansen

Ang Alituntunin ng Kusang Pagtulong

Ang kusang pagtulong ay nangangahulugang naglilingkod tayo nang walang personal na layunin. Sa halip, dapat tayong maglingkod upang mahikayat ang pagsasarili at pagiging self-reliant. Maaaring ibig sabihin nito ay tulungan ang mga refugee na gamitin ang kanilang mga kasanayan sa kanilang bagong komunidad o tulungan silang matuto ng mga kasanayan gaya ng kung paano magsalita ng bagong wika o kung paano makipag-ugnayan gamit ang mga pamantayan sa kultura ng lugar. Kapag lalong nakakapagsarili ang mga tao, mas nakakapagpasiya sila nang mabuti, at mas nakakatulong sa lipunan gamit ang kanilang sariling mga kasanayan.

Isang miyembro mula sa Estados Unidos na si Nicole ang nagtanong sa ilang refugee sa kanilang lugar kung ano ang gusto nilang matutuhan para mas makapagsarili sa komunidad. Sumagot sila na gusto nilang matuto kung paano gumawa ng mga pagkaing Amerikano. Nag-iskedyul ng oras si Nicole kasama ang iba pang kababaihan sa ward para turuan ang mga refugee kung paano gumawa ng lutong-bahay na tinapay at binigyan sila ng mga kagamitan para magawa ito sa bahay. Sa pagtuturo sa mga refugee kung paano gumawa ng pagkain, tinulungan ni Nicole ang mga refugee na mas makapagsarili sa pag-aakma sa mga bagong paraan ng pagluluto.6

Maaari rin nating mahikayat ang pagsasarili sa pamamagitan ng pagtutulot sa mga nangangailangan na magtulungan. Bagama’t makapagbibigay tayo ng suporta, kung ang mga nangangailangang iyon ay magkukusang tulungan ang kanilang sarili at ang iba, magiging kaibigan nila ang mga taong tinutulungan nila. Tumutulong ito para mapatatag nila ang kanilang mga komunidad at maging lakas sa isa’t isa.

Pagmiministering nang Higit na Katulad ng Tagapagligtas

Sinabi ni Bishop Gérald Caussé, Presiding Bishop, “Lahat tayo na naninirahan sa magandang planetang ito ay may sagradong responsibilidad na pangalagaan ang lahat ng anak ng Diyos … , sinuman sila at saanman sila naroon.”7 Ang pinakamakabuluhang paglilingkod ay kadalasang dumarating kapag nagtutuon tayo sa mga tao sa ating mga komunidad.

Sinabi ng isang miyembro na napagpala sa personal na pakikipag-ugnayan sa mga refugee, “Ang kahandaang tumulong at mahalin sila ay makagagawa ng malaking kaibhan. At kapag nakilala mo ang isang pamilya, matatanto mo na lahat ay may sariling kuwento.”8 Kapag nalaman natin ang mga kuwento ng ibang tao, tutulong ito para makita natin sila bilang mga anak ng Diyos at lalo pang magministering tulad ng gagawin ng Tagapagligtas.

Mga Tala

  1. United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR), “1 Per Cent of Humanity Displaced: UNHCR Global Trends Report,” Hunyo 18, 2020, unhcr.org.

  2. Patrick Kearon, “Kanlungan Mula sa Bagyo,” Liahona, Mayo 2016, 111.

  3. Jeffrey R. Holland, “The Mormon Refugee Experience” (transcript), Set. 12, 2016, newsroom.ChurchofJesusChrist.org.

  4. Email ni Brett Macdonald, Set. 10, 2020.

  5. Russell M. Nelson, “Hayaang Manaig ang Diyos,” Liahona, Nob. 2020, 94.

  6. Tingnan sa Nicole Johansen, “Baking Class for Congolese Refugees,” ChurchofJesusChrist.org.

  7. Gérald Caussé, sa “Bishop Caussé Gives Keynote Address at UN Conference in Geneva,” Set. 17, 2019, newsroom.ChurchofJesusChrist.org.

  8. Tingnan sa Aubrey Eyre, “‘Reach Out and Help’ Resettled Refugees, Says Relief Society General President” (news story), Hunyo 21, 2019, ChurchofJesusChrist.org.