Isang Personal na Sandali Kasama ang Tagapagligtas
Ito ay minsan lang mangyari sa buhay—o minsan nga lang ba?
Maririnig ang hiyawan pagdaan sa mga puno habang nagtatakbuhan ang mga tao para makaiwas sa lava at nagbabagsakang malalaking bato. Nakatayo ako sa likod ng entablado na pinakikinggan ang soundtrack na malakas na pinatutugtog sa pamamagitan ng mga speaker para marinig hanggang burol.
Noong tag-init na iyon, sumali ako sa Hill Cumorah Pageant, na nagtatanghal ng ilang kaganapan mula sa Aklat ni Mormon. Ang papel ko ay isang mananayaw na nag-aani (tingnan sa 1 Nephi 18:23–24) at hindi sumasampalataya (tingnan sa 3 Nephi 1:4–21), ngunit ang lahat, pati ang staff, ay bahagi ng kasunod na tagpo.
Isang spotlight ang tumutok sa isang taong nakasuot ng puting kasuotan, na tila nakalutang sa itaas ng pinakamataas na bahagi ng entablado. Siyempre, hindi talaga siya ang Tagapagligtas—isa lamang siyang boluntaryong estudyante sa kolehiyo na katulad ko. Ngunit sa sandaling iyon sa entablado, ang naisip ko ay ang totoong Tagapagligtas na nakatayo roon.
Nakinita ko Siya na lumalapit sa akin, at sa aking isipan, nakatingin ako sa Kanyang mga mata. Naramdaman ko ang Espiritu. Sa sandaling iyon, bahagya kong naunawaan kung ano ang pakiramdam na makita ang totoong Tagapagligtas. Pinahalagahan ko ang kakaibang espirituwal na karanasang ito.
Pagkaraan ng anim na buwan, isang pahayag mula kay Bishop W. Christopher Waddell, na noon ay Pangalawang Tagapayo sa Presiding Bishopric, ang nagpabago sa aking pananaw: “Tuwing Linggo nakakaranas tayo ng katulad sa ibinahagi ng mga nakaligtas sa matinding pagkawasak na nangyari noong panahong ipako sa krus ang Tagapagligtas, tulad ng inilarawan sa Aklat ni Mormon.”1
Natigilan ako. Posible bang madama ko, sa bawat linggo, ang nadama ko noong gabing iyon sa entablado? Habang lalo ko itong pinag-iisipan, lalo kong naunawaan na ang pagtanggap ng sacrament ay isang personal na karanasan kasama ang Tagapagligtas tulad ng pagluhod sa Kanyang harapan at pagdama sa mga bakas ng pako sa Kanyang mga kamay at paa.
Hindi natin kailangang sumali sa pagtatanghal para maranasan ang pagmamahal at pag-unawa ng Tagapagligtas o ilarawan sa isipan ang isang personal na sandali na kasama Siya. May mga pagkakataon tayo kada linggo. Tuwing Linggo, Siya ay naghihintay para ipakita sa atin ang Kanyang pagmamahal at pag-unawa. Kailangan lang nating lumapit sa Kanya.