Mga Unang Kababaihan ng Pagpapanumbalik
Ginamit ni Telii ang Kanyang mga Talento upang Ibahagi ang Ebanghelyo
Tulad ni Telii, bawat isa sa atin ay makahahanap ng mga paraan para mapaglingkuran ang iba, ituro ang ebanghelyo, at manindigan sa ating mga paniniwala.
Noong Mayo 1844, inanyayahan ni Telii at ng kanyang asawang si Nabota si Addison Pratt, isang misyonerong Banal sa mga Huling Araw mula sa Estados Unidos, na tumira sa kanilang tahanan sa Pacific Island ng Tubuai. Itinuro nina Telii at Nabota kay Elder Pratt ang kanilang wika at kung paano sila mamuhay sa isla. Naglaan sila ng tirahan at pagkain sa kanya, at inasikaso din ni Telii ang kanyang mga kasuotan.
Maraming interesadong tao ang bumisita kay Elder Pratt sa tahanan nina Telii at Nabota. Nakinig sina Telii at Nabota nang kanyang ipaliwanag ang mga banal na kasulatan, ituro ang mga konsepto ng ebanghelyo, at magbigay ng basbas. Nakita ni Telii na gumaling ang ilang tao sa pamamagitan ng mga basbas ng priesthood at sinimulan niyang dalhin ang sinumang kilala niya na may sakit para mabasbasan ni Elder Pratt.
Sina Telii at Nabota ay kabilang sa mga unang Tubuaian na sumapi sa Simbahan. Sila ay naging matalik na kaibigan ni Elder Pratt doon at tumulong sa kanya na ipangaral ang ebanghelyo. Isinalin ni Telii ang mga himno ng mga Banal sa mga Huling Araw at inayos ito ayon sa himene, na istilo ng pagkanta sa lugar nila. Maraming gabi niyang tinipon nang magkakasama ang mga tao upang turuan sila ng kanyang mga kanta. Sa mga pulong na ito, na minsan ay natatapos nang hating-gabi, unang natutuhan ng kanyang mga kamag-anak at kaibigan ang mga konsepto ng ebanghelyo at mga banal na kasulatan. Ilan ang nabinyagan kalaunan.
Di-nagtagal, nang dumating ang mga Protestanteng missionary sa Tubuai para pagsabihan ang mga taong sumapi sa Simbahan, nanindigan sa kanila si Telii at “naipaliwanag nang mabuti ang banal na kasulatan” kaya hindi nila ito napabulaanan.1
Masigasig sina Telii at Nabota sa pagbabahagi ng ebanghelyo at pagsuporta sa mga missionary. Naglakbay sila kasama si Elder Pratt at ang iba pang mga missionary nang mangaral sila sa iba’t ibang panig ng isla. Sa bawat lugar, si Telii ay nagturo ng kanyang mga kanta, nagbigay ng pagkain at suporta sa kanyang kapwa, at nagdala ng mga maysakit sa mga missionary para mabasbasan.