2021
Apat na Paraan para Mapagbuti ang mga Family Council
Hunyo 2021


Apat na Paraan para Mapagbuti ang mga Family Council

Paano kayo magtutulungan bilang pamilya upang malutas ang mga problema at magkaroon ng higit na pagkakaisa?

illustration of people putting together a home that’s like a puzzle

Paglalarawan ni David Green

Maraming nangyayari sa mga pamilya. Nagkakasakit ang mga anak. Kailangang magkumpuni. Kailangang hatiin ang oras sa trabaho, mga aktibidad, at simbahan. Maaaring mahirap ito!

Kaya paano ninyo mas napaglalapit ang inyong pamilya sa lahat ng mga nangyayaring iyon?

Mabuti na lang at binigyan tayo ng Ama sa Langit ng huwaran para sa buhay may-pamilya at pag-uusap na tinatawag na mga family council. Narito ang apat na paraan para maging epektibo ang mga ito sa inyong pamilya.

1. Ang mga Council ay Pag-uusap, Hindi Lektyur

Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, na: “Noon pa man ay kailangan na ang mga family council. Katunayan, walang hanggang alituntunin ito. Kabilang tayo sa isang family council bago tayo isinilang, noong nabuhay tayo sa piling ng ating mga magulang sa langit bilang kanilang mga espiritung anak.”1

Ang ating mga family council ay iniayon sa council na ito sa langit. Nagsasanggunian ang mga ama at mga ina kasama ang kanilang mga anak. Ang mga single adult ay maaaring sumangguni sa pinagkakatiwalaang pamilya at mga kaibigan. Ang pagsasanggunian ay isang set ng mga alituntunin na magdadala sa inyong tahanan ng maraming kakayahang malutas ang problema. Maaaring iniisip ninyo, “Paano ko gagawin iyan sa aking mga anak? Hindi talaga sila interesadong makinig sa sasabihin ko.”

Kung gagawin ninyong parang sermon ang family council, hindi magagamit ang pagiging epektibo nito. Ngunit magkakaroon ng kagalakan kapag nadarama ng lahat na bahagi sila ng solusyon.

2. Ang mga Council ay Lumilikha ng Ugnayan

Ang pakikipag-ugnayan nang regular sa mga council ay tutulong sa inyo na maunawaan kung ano talaga ang nangyayari sa bawat miyembro ng pamilya. Dapat kasama ang lahat sa pagtulong sa pagpaplano kung paano lulutasin ang problemang natalakay bago itong mangyari at sa pagtatakda ng kanilang sariling mga mithiin. Kapag nagtutulungan ang mga pamilya sa paggawa ng mga desisyon, uunlad ang bawat isa, at lalong magkakaisa ang pamilya.

Ang ilang council ay maaaring planuhin, bagama’t ang iba ay nangyayari na lang. Magpasiya kung ano ang pinakaepektibo sa inyong pamilya.

3. Maaari Kayong Magdiwang at Magtulungan

Ang family council ay hindi lamang tungkol sa paglutas ng mabibigat na problema. Paano kung tumaas ang posisyon ng inyong asawa sa trabaho? Maaari ninyong ipagdiwang ang kanyang tagumpay sa susunod na family council. Marahil sinisikap ng inyong pamilya na makagawian ang magpasalamat. Pagsalit-salitin ang lahat sa pagsasabi ng isang bagay na ipinagpapasalamat nila.

Gawing kapana-panabik sa lahat ang mga family council. Kung alam ng bawat miyembro ng pamilya, hanggang sa pinakabata, na sila ay pakikinggan at pahahalagahan, matutuwa silang makibahagi.

4. Ibig Sabihin ng Walang Wi-Fi ay Mas Makakapag-usap Kayo

Sabihin sa lahat na itabi ang kanilang mga digital device sa oras ng mga council. Kapag harapan ninyong kinakausap ang mga anak nang walang anumang gambala, madarama nila na mahalaga sila. Ang pagdarasal kasama ang pamilya at pagdarasal para sa isa’t isa ay mag-aanyaya ng Espiritu sa inyong tahanan. Hindi kailangang lutasin nang mag-isa ang mga problema. Nagpapakita kayo ng halimbawa sa paghingi ng tulong sa Diyos kapag naging mahirap ang mga bagay-bagay.

Kung nagdaraos na kayo ng family council, mag-isip ng mga paraan para mas mapagbuti pa ito. Kung hindi pa ninyo ito nagagawa, maaaring ngayon ang perpektong araw na subukan ito. Magsimula sa maliit, at masdan kung paano naging masayang kaganapan ang family council kung saan natututo ang pamilya sa isa’t isa at sinusuportahan ang isa’t isa.

Mga Tala

  1. M. Russell Ballard, “Mga Family Council,” Liahona, Mayo 2016, 63.

  2. Tingnan sa childrenandyouth.ChurchofJesusChrist.org.

  3. M. Russell Ballard, “Mga Family Council,” Liahona, Mayo 2016, 63–65.

  4. Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Mga Family Council,” topics.ChurchofJesusChrist.org.