2021
Ang Aming Pagsamba sa Dubai
Hunyo 2021


Ang Aming Pagsamba sa Dubai

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Hindi ako kailanman naasiwa sa pagiging miyembro ko ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa isang bansang Muslim.

Dubai

Mga larawan ng Dubai sa background mula sa Getty Images

Dumating kami ng pamilya ko sa Dubai, United Arab Emirates, noong taglagas ng 2013, at sabik kaming magsimba. Ang mga karanasan namin kapag nagsisimba kami sa iba’t ibang lugar ay palaging maganda tulad ng inaasahan namin. Gustung-gusto naming pumapasok sa mga pintuan sa unang pagkakataon na nauunawaan na kung ano ang mangyayari at agad kaming nagiging bahagi ng isang grupo ng mga taong noon lang namin nakilala.

Nangyari ang inaasahan namin nang maging bahagi kami ng isang mapagmahal na grupong ito ng mga Banal sa mga Huling Araw mula sa maraming bansa, at lumakas ang aming pananampalataya at katapatan sa panahon ng pananatili namin sa Dubai. Hinding-hindi ko malilimutan ang panahon ko sa Dubai at ang mababait na taong nakilala ko dahil nakakasimba at nakakasamba ako na mapalad kong nagagawa palagi. Umaasa ako na nauunawaan ng mga lider ng UAE ang magandang regalong ibinigay nila sa amin sa pagtutulot sa amin na makasamba.

family in front of stake center

Ang aming stake center sa Abu Dhabi.

Mga larawan ng pamilya Chomjak sa kagandahang-loob ng awtor

Ang hindi ko inaasahan ay ang paglakas ng aking pananampalataya dahil sa pamumuhay at pakikisalamuha ko sa mga taong hindi miyembro ng aking relihiyon. Ngayon lamang ako nakapanirahan sa isang lugar kung saan ang Diyos ang sentro ng halos lahat ng taong naninirahan doon.

Naipapahayag ang Pagtitiwala sa Diyos

Natutuwa at nasisiyahan ako na nasasabi ko ang tungkol sa impluwensya ng Diyos at ng relihiyon sa aking buhay nang hindi binabalewala ng iba ang sinasabi ko o kaya’y ikinasasakit nila. Ganito ang naramdaman ko dahil karamihan sa lahat ng nakilala ko sa Dubai ay ganito rin ang sinasabi, kaya nagkakaroon agad ng koneksyon sa pag-uusap namin.

Habang nakaupo ako sa tabi ng pool sa tabi ng isa pang ina na naghihintay sa aming mga anak na matapos sa paglangoy, ibinahagi ko kung paano ako nahirapan sa ilang pagsubok at nakadama ng panghihina ng kalooban. Patuloy na nagbigay ang inang Muslim na ito ng magigiliw na salita ng panghihikayat at tiniyak niya na pinoprotektahan kami ng Diyos at tutulungan kami sa aming mga paghihirap. Hindi ang Diyos niya. Hindi ang Diyos ko. Ang aming Diyos.

Isang araw, kami ng anak kong babae ay naglalakad sa istasyon ng tren at magiliw kaming inalok na sumakay ng isang babaeng Emirati na nagkuwento sa amin ng mga karanasan tungkol sa kanyang anak na may karamdaman kaya kinailangan nilang bumiyahe papunta sa Estados Unidos para magpagamot. Kasama sa kanyang pagkukuwento ang kanyang pananampalataya at pagtitiwala sa kalooban at lubos na pangangalaga ng Diyos. Sinabi ko sa kanya na ipagdarasal ko siya at ang kanyang pamilya, na tinanggap naman niya nang may pag-unawa at pagmamahal.

Nauunawaan at Tinatanggap

Ang pakikipag-usap sa mga pamilya na kapwa nagho-homeschooling ay palaging komportable at karaniwan na. Halos lahat ng relihiyon ay naroon sa grupong iyon. Kapag nagsasalita kami tungkol sa Diyos, panalangin, at pagsamba, dama ng bawat tao na nauunawaan at tinatanggap sila ng lahat. Maging sa mga kapwa Kristiyano, maraming iba’t ibang relihiyon. Kapag nakikipag-usap ako sa iba pang mga Kristiyanong homeschool, natutuwa ako na tinatanggap nila ako, anuman ang aking relihiyon at paniniwala. Magkakapareho kami ng moral at karaniwang ginagawa dahil sa katapatan namin sa Diyos.

Nang kausapin ko ang isang inang Hindu na ang mga anak ay tinuturuan ng aking anak, nalaman ko kung gaano kahalaga sa kanya ang kanyang pananampalataya at paniniwala nang sabihin niya sa akin kung paano niya ginugugol ang kanyang maghapon sa pagninilay-nilay at pagsamba.

family on playground

Kasama ang aking asawa, si Aaron, at ang aming mga anak, binisita namin ang Jumeirah Beach, sa baybayin ng Persian Gulf.

Magkakaparehong Pinahahalagahan

At ang huli, masasabi kong pinahahalagahan ko ang paninirahan sa isang lugar na nagpapahalaga sa mismong mabubuting asal na itinuturo naming mag-asawa sa aming mga anak. Tinuturuan namin ang aming mga anak na pangalagaan ang kanilang kalusugan sa pamamagitan ng hindi pag-inom ng alak o paggamit ng droga. Tinuturuan namin ang aming mga anak na maging maayos at disente sa kanilang pananamit at kaanyuan. Isa sa mga paboritong bagay na nakita namin sa unang ilang araw ng pagdating sa Dubai ay ang karatula sa pintuan ng mall na nagsasaad ng nararapat na pananamit at kilos. Agad na nasabi namin ng pamilya ko na iyon ay tila hinango sa buklet ng mga pamantayan na Para sa Lakas ng mga Kabataan. Gustung-gusto namin iyon!

Hindi ako kailanman naasiwa sa pagiging isang babae na may pananalig kay Cristo, at may takot sa Diyos sa Dubai. Sa kabilang banda, nahikayat at napalakas ako sa aking mga pinaniniwalaan ng mga yaong nakilala ko. Hindi ko naranasan ang ganito sa iba pang mga lugar na tinirhan ko.

Nang marinig ng pamilya ko sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2020 na magkakaroon ng Dubai United Arab Emirates Temple, nagulat kami, at napatingin kami sa isa’t isa sa labis na pagkamangha. Tuwang-tuwa kami na magkakaroon ng templo sa Middle East! Masaya ang puso ko para sa maraming miyembro ng Simbahan na nakatira sa rehiyong iyon. Labis akong nagpapasalamat sa mga lider ng UAE sa pagtutulot na maitayo ang banal na bahay na ito sa kalipunan ng kanilang mga banal na bahay—ang magaganda nilang moske sa iba’t ibang panig ng bansa. Ito ay talagang makabuluhan at hindi malilimutang panahon.