Digital Lamang: Mga Young Adult
Pagdanas ng Kapangyarihan ni Cristo bilang Amputee na Naaakit sa Kaparehong Kasarian
Ang mga karanasan ko sa buhay ay nagpaunawa sa akin kung paano tayo mapagagaling ni Cristo—kapwa sa pisikal at espirituwal—sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala.
Normal na Biyernes noon. Nasa trabaho ako, nagmamaneho ng forklift tulad ng dati, nang bigla akong nawalan ng kontrol. Halos walang anumang ingay nang bumangga ako sa pader, ngunit bigla akong nakaramdam ng matinding sakit sa paa ko.
Yumuko ako at natanto ko na nadurog ang paa ko sa pagitan ng pader at ng forklift.
Nagsimula akong humiyaw para humingi ng tulong, at wala akong gaanong maalala pagkatapos niyon maliban sa sirena ng ambulansya at ang pagkabalisa sa hinaharap.
Sa ospital, naalala ko na naisip ko na napakaraming nars sa silid. Natakot din ako dahil taga-Colombia ako at nagsasalita ng wikang Espanyol, at ang mga nars sa ospital ng Utah ay mabilis na nagsasalita sa wikang Ingles. Nahihirapan akong maintidihan sila. Pakiramdam ko ang bawat segundo ay parang kawalang-hanggan. Subalit sa loob-loob ko ay alam ko nang puputulin ang aking paa bago pa man ito suriin.
Habang naghihintay sa isang trauma surgeon [surhero sa trauma], naisip ko ang aking pamangking lalaki. Mahilig siyang maglaro ng soccer, at nais kong mapanatili ang paa ko para makalaro siya. At isa lang iyan sa maraming bagay kung saan kakailanganin ko ang aking paa! Matapos suriin ng dalawang surhero ang aking sugat, nagpasiya sila na ang pinakamainam na paraan para mabawasan ang karagdagang komplikasyon ay ang putulin ang paa ko. Alam kong ito ang tamang desisyon, subalit nalungkot pa rin ako.
Isang Aksidente o Isang Parusa?
Kinaumagahan pagkatapos ng operasyon, parang hindi tunay ang buhay. Napakarami kong tanong at napakakaunti ng mga sagot. Oo, mapalad akong mabuhay, at maaaring naging mas malala pa ang aksidente, ngunit nadama ko pa rin na parang naligaw ako. Wala na ang paa ko, at hindi ko alam kung ano ang magiging buhay ko mula noon.
Nanatili ako ng 20 araw sa ospital. Pinanatag at sinuportahan ako ng aking pamilya at mga kaibigan, at sinimulan ko rin ang pisikal na therapy at ang landas tungo sa paglunas at paggaling. Nakagugulat na nagkaroon ako ng sapat na lakas ng loob na makagawa ng maraming bagay tungo sa paggaling sa loob ng 20 araw na iyon, kabilang na ang pagsisimulang matutong lumakad gamit ang prosthetic.
Gayunman, ang wala akong lakas ng loob na gawin ay ang manalangin. Pakiramdam ko ay hindi ko kayang harapin ang Diyos. Akala ko ay galit ako sa Kanya, ngunit ang totoo ay nahihiya ako sa sarili ko. Sa loob-loob ko, ang buong “aksidente” na ito ay tila isang kaparusahan, bahagyang dahil tumigil ako sa pagsisimba at hindi ko sinusunod ang Kanyang mga kautusan, ngunit karamihan ay dahil naaakit ako sa kaparehong kasarian mula pa noon. Akala ko ay nabigo ko Siya at ikinahihiya Niya ako.
Nasugatan ako kapwa sa pisikal at espirituwal.
Nang makauwi ako mula sa ospital, naapektuhan ang kalusugan ng aking isipan. Kahit naroon ang pamilya at mga kaibigan ko, dama ko pa ring nag-iisa ako. Alam ko na kailangan ko ang Ama sa Langit at si Jesucristo upang gumaling, pero nahirapan akong pilitin ang sarili kong manalangin.
Sa huli ay hindi ko na nakayanan ang lahat. Naabot ko ang aking hangganan at handa na akong lumuhod at manalangin sa unang pagkakataon sa napakatagal na panahon. Humikbi ako habang ibinubuhos ko ang aking mga saloobin sa Ama sa Langit. Nagtanong ako sa Kanya at sinabi ko sa Kanya ang aking mga alalahanin hanggang sa kapusin na ako ng hininga.
Unti-unti, napuspos ako ng kapayapaan. At dumating ang mga salitang ito sa puso at isip ko: “Lahat ng bagay na ito ay para sa iyong ikabubuti upang dalisayin ang iyong pagkatao. Aksidente lamang iyon.”
Seryoso?
Aksidente lang ba talaga ito? Hindi isang parusa? Hindi ko mawari ang sagot na iyon. Ngunit pagkaraan ng ilang araw ng pagbubulay-bulay, alam kong totoo ito. Alam ko rin na mahal ako ng Ama sa Langit. Matagal na Niya akong tinatawag sa Kanyang kawan, at sa wakas ay handa na akong bumalik. Nagpasiya akong bumalik sa simbahan at simulan ang isang kamangha-mangha at espirituwal na proseso ng paggaling kasama ang mapagmahal kong bishop, na siyang tumulong sa akin na lubos na maanyayahan ang kapayapaang ibinibigay ng Tagapagligtas sa buhay ko.
Kapayapaang Kapalit ng Kakulangan
Hindi madaling bumalik sa Simbahan. Sa mahabang panahon, labis ang kahihiyan ko sa sarili ko. Ngunit habang lalo kong naunawaan ang aking banal na pagkatao, nababawasan ang hiyang nadarama ko. Alam ko na ngayon na hindi ako ginagawang makasalanan ng aking damdamin para sa mga babae, at ang aking kahalagahan ay hindi nililimitahan ng pagputol sa binti ko. Ang mga katangiang ito ay siyang nagbibigay sa akin ng ibang pananaw at may papel na ginagampanan sa aking espirituwal na pag-unlad. Alam ko rin na ang aking pananaw ay mapagpapala ang ibang tao sa ebanghelyo. Sa pamamagitan ng biyaya ng Tagapagligtas, nagawa kong buong tiwalang tanggapin na ako ay anak ng Diyos. Lubos akong minamahal. At ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay handa noon, ngayon, at palagi na pagpalain ako kapag bumaling ako sa Kanila. Palagi.
Ang pagkawala ng aking paa at ang pagiging tomboy ay kapwa nagdulot ng ilang di-inaasahang paghihirap sa buhay ko. Kung minsan ay ayokong bumangon mula sa kama batid na kailangan kong gamitin ang aking prosthetic na paa. Kung minsan ay mahirap din na pagsikapang sundin ang lahat ng utos ng Ama sa Langit. Bagama’t hindi ito ang pagpili ng lahat ng nakararanas ng pagkaakit sa kaparehong kasarian, ang personal kong pagpili ay ang magkaroon ng makakasama ko sa kawalang-hanggan. Kung minsan ay nag-iisip ako ng mga bagay na nakapanghihina ng loob na walang lalaking magiging interesadong magpakasal sa akin dahil sa aking sitwasyon, ngunit nagtitiwala ako sa Ama sa Langit na ayusin ang mga detalyeng iyon at pagpalain ako kung tutuparin ko ang aking mga tipan sa Kanya.
Ang kawalang-katiyakan ng aking hinaharap ay nakapanghihina ng loob kung minsan. Alam ko na ang mga naiisip na ito tungkol sa kakulangan at pag-aalinlangan ay nagmumula kay Satanas. Sa pagbaling kay Cristo, nakasusumpong ako ng labis na kapayapaan at kagalakan, at ng lakas na kailangan ko upang madaig ang mga naiisip na ito.
Umaasa na ako ngayon sa Diyos na patnubayan ang buhay ko. Sa prosesong ito, natututuhan ko rin kung paano makipag-ugnayan sa kapwa kababaihan at kalalakihan sa mas malalim at mas makabuluhang mga paraan sa loob ng hangganang itinakda ng Panginoon. Tinulungan Niya akong pag-ibayuhin ang aking tiwala na balang-araw ay gagawin Niyang posible na makakilala ako ng isang lalaking maaari kong mahalin at makasamang mabuklod. Ngunit anuman ang mangyari, natutuhan kong pahalagahan kung sino ako at tanggapin ang buhay ko at magtiwala sa mga pagpapalang inilaan Niya para sa akin.
Ang Ating mga Sugat ay Makapaglalapit sa Atin sa Tagapagligtas
Sa buong buhay ko, natutuhan ko na lahat ng tao ay nakararanas ng mahihirap, di-makatarungan, at kung minsan ay masasakit na karanasan na hindi nila lubos na nauunawaan. Lahat tayo ay masusugatan sa anumang paraan. Ngunit ngayon ay alam ko na rin na ang ating mga kani-kanyang karanasan ay mas makapaglalapit sa atin sa Tagapagligtas at makatutulong sa atin na maunawaan ang Kanyang walang hanggang kapangyarihan sa ating buhay.
Itinuro ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Sa panahon ng malaking pagdurusa, sinabi ng Panginoon kay Propetang Joseph, ‘Lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti.’ Paano magiging para sa ating ikabubuti ang masasakit na sugat? Sa matitinding pagsubok sa lupa, habang matiyaga tayong nagpapakatatag, ang nagpapagaling na kapangyarihan ng Tagapagligtas ay maghahatid sa inyo ng liwanag, pang-unawa, kapayapaan, at pag-asa.”1
Para sa akin, ang pagiging amputee at ang pagkaakit sa kapwa babae ay nagsimula bilang masasakit na karanasan. Ngunit tinulungan ako ng mga ito na lumapit kay Cristo, at binigyan Niya ako ng kapayapaan. Nauunawaan ko na ngayon na hindi nababawasan ng mga karanasang ito ang pagkatao ko. Hindi ako hinahadlangan ng dalawang ito sa pagtatamo ng lahat ng pagpapala ng plano ng kaligtasan. At hindi ako mahahadlangan ng dalawang ito sa paghahanap ng tunay na kaligayahan na nagmumula sa pagsunod kay Jesucristo at pagsunod sa Kanyang mga kautusan sa abot ng aking makakaya.
Hindi ko talaga alam kung ano ang mangyayari sa aking hinaharap o sa iba pang mga hamon na kakailanganin kong harapin hanggang sa makabalik ako sa piling ng aking Ama sa Langit. Ngunit alam ko ito: Anumang hamon na kinakaharap natin o sugat na mayroon tayo—mental, emosyonal, pisikal, o espirituwal man—ay mapagagaling kapag bumaling tayo sa Tagapagligtas. Matutulungan Niya tayong magkaroon ng pag-asa at lakas sa ating mga paghihirap sa mundo. At ipinangako Niya na sa araw ng Pagkabuhay na Mag-uli, ang ating mga katawan, isipan, at puso ay lubos na mapagagaling (tingnan sa Alma 42; 11:42–44).
Kinailangan kong gumaling mula sa mga naramdaman kong kahihiyan at kakulangan hinggil sa pagkaakit ko sa kaparehong kasarian at mula rin sa mga pisikal at mental na idinulot ng pagputol ng aking paa. At naranasan ko ang nakapagpapagaling na kapangyarihan ni Cristo at patuloy itong nararanasan araw-araw kapag pinipili ko Siya. Tinulungan Niya akong mahalin ang aking sarili at makahanap ng kasiyahan sa pamumuhay ng Kanyang ebanghelyo. Kung pipiliin ninyong sundin Siya at ilagay ang inyong buhay sa mga kamay ng Diyos, makikita ninyo ang kadalisayan sa inyong sarili, patnubay sa lahat ng bagay, pagmamahal, at tunay na kapayapaan (tingnan sa Alma 42:13).