Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Ang Liahona na Ipinakita sa Akin ng Diyos
Noong una, tila kalapastanganan sa akin na sabihing naipanumbalik ang Simbahan ni Jesucristo.
Bilang estudyante ng PhD sa Australia, madalas akong magpunta sa kalapit na mga restawran sa distrito ng sentro ng pangangalakal sa Melbourne mula sa aking tirahan. Sa isa sa mga shuttle na sinasakyan ko, nakakita ako sa lapag ng isang kard na may larawan ni Jesucristo. Isang tinig sa aking isipan ang nagsabing damputin ko ito.
Sumunod ako at binasa kong mabuti ang nakasulat sa kard. Pagkatapos ay naghanap ako ng mas magandang lugar na pag-iiwanan ko ng maliit na larawan ng Tagapagligtas pero wala akong makita. Kaya, iniuwi ko ang kard at inilagay ito sa istante ng mga aklat.
Makalipas ang tatlong araw, may nakilala akong dalawang missionary habang papunta ako sa aking kakainan. Nagtakda kami ng oras para maturuan nila ako, at binigyan nila ako ng kard na kapareho ng kard na pinulot ko. Pag-uwi ko, ikinumpara ko ang dalawang kard. Parehong galing ang mga ito sa simbahan ng mga missionary.
Nang bisitahin ako ng mga missionary, nagpatotoo sila tungkol sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Noong una, naasiwa ako sa kanilang patotoo. Para sa akin, tila kalapastanganan ang sabihing naipanumbalik na ang Simbahan ni Jesucristo at ito ang nag-iisang totoong simbahan sa mundo, gayunman naging interesado pa rin ako dahil sa dalawang bagay.
Una, nabasa ko sa mga banal na kasulatan na, “ang pagkatakot sa Panginoon ay pasimula ng karunungan” (Mga Awit 111:10). Kailangan ko ng karunungan at gusto kong matakot sa Panginoon para magkaroon ako ng karunungan. Nangatwiran ako na hindi ko katatakutan ang Panginoon dahil hindi ko Siya kilala. Dahil dito, mahalaga ang itinuturo sa akin ng mga missionary dahil kailangan kong malaman ang tungkol sa Panginoon.
Pangalawa, naisip ko na ginabayan ako ng Panginoon para makita ang kard na pinulot ko. Sa maraming taon kong pamamalagi sa Melbourne, hindi ako kailanman nakakita ng parehong kard sa daan. Naisip ko na hindi basta itinapon lang ang mga kard.
Nang makinig ako sa mga lesson ng mga missionary, naging mas masaya ako at namangha sa nalaman ko mula sa mga bagong itinuro sa akin. Kalaunan ay nabinyagan ako. Naibuklod na ako sa aking asawa at mga anak sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan, at may patotoo ako ngayon na katulad ng patotoo ng mga missionary sa akin: Naipanumbalik na ang Simbahan ni Jesucristo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang tanging totoong Simbahan sa mundo at ito ay ginagabayan ng buhay na propeta.