Isang Liham na Hindi Ipinadala ang Nasagot
Napansin ko ang liham sa aking lalagyan ng banal na kasulatan at binuksan ko ito. Napakasaya ko na hindi ko ito ipinadala!
Ang aking mga kahanga-hangang magulang ay mayroong apat na anak na lalaki at ako, ang nag-iisa nilang anak na babae, na magkakalapit ang agwat. Noon pa man ay mas magkakalapit na ang aming mga puso kaysa sa aming mga edad. Sinusuportahan namin ang isa’t isa at napakarami naming mahahalagang alaala ng panahong pinagsamahan namin. Noon pa man ay matalik na kaming magkakaibigan!
Kaya talagang nadurog ang aking puso nang pillin ng isa sa aking mga kapatid na tapusin ang kanyang buhay. Nag-alala ako na baka hindi makayanan ng aking puso ang sakit—sa katunayan, ang salitang sakit ay wala pa sa kalingkingan ng nararamdaman ko. Walang salita na makapaglalarawan sa kakila-kilabot na karanasan na mawalan ng isang mahal sa buhay dahil sa pagpapakamatay. Guguho ang iyong mundo sa isang iglap.
Umasa ako sa Panginoon na tutulungan Niya akong mapangalagaan ang aking pamilya at magampanan ang iba ko pang mga tungkulin habang hinaharap ko ang mga nakababalisang tanong tungkol sa aking kapatid at sa kanyang pagpanaw.
Noong humingi ako ng tulong sa Panginoon, nakaramdam ako ng pahiwatig na isulat ang aking mga tanong sa propeta sa isang liham. Talagang naniwala ako na ang aking mga tanong ay masyadong mabigat at mahalaga na tanging isang propeta lamang ang makasasagot sa mga ito, ngunit alam ko na marahil ay hindi naman kailangang magpadala ng liham sa propeta. Nag-alangan ako ngunit kalaunan ay naalala ko ang tagumpay na nakamit ko noon dahil sa pagkilos ayon sa mga pahiwatig.
Nagpasiya akong magsulat ng isang makabagbag-damdaming liham kay Pangulong Russell M. Nelson. Nagsulat ako tungkol sa kung anong nararamdaman ko at kung paano ako makasusulong kung alam ko lamang ang mga sagot sa mga tanong na gumugulo sa aking isipan. Tinapos ko ang aking liham, inilagay ko ito sa isang sobreng nakapangalan kay Pangulong Nelson, at isinuksok ko ito sa aking lalagyan ng banal na kasulatan.
Nakalimutan ko ang tungkol sa liham. Napansin ko ito sa aking lalagyan ng banal na kasulatan makalipas ang ilang panahon at binuksan ko ito. Nang binasa ko ang liham, napagtanto ko na sa pamamagitan ng pananampalataya at ng sarili kong pag-aaral ng banal na kasulatan, panalangin, pagdalo sa templo, at pagtitiyaga, inakay ako ng Espiritu Santo tungo sa mga sagot sa bawat tanong na isinulat ko! Napalapit ako sa Tagapagligtas at sa Kanyang pagmamahal.
Napakasaya ko na hindi ko ipinadala ang liham! Sa halip, nagkaroon ako ng mahahalagang karanasan na muling nagturo sa akin na mahal ako ng Panginoon at ang bawat isa sa Kanyang mga anak, at na gagabayan at papatnubayan Niya tayo.
Minsan akong naniwala na ang aking mga tanong ay masyadong kumplikado na tanging isang propeta lamang ang makasasagot sa mga ito, ngunit nalaman ko sa aking sarili ang katotohanan ng mga salita ng Tagapagligtas: “Hindi ko kayo iiwang mag-isa: ako’y paririto sa inyo” (Juan 14:18).