Ang Anak Ko, ang Aklat ni Mormon, at Ako
Tulad nang naglingkod at nagturo ang Tagapagligtas nang paisa-isa, tinutulungan Niya tayong turuan ang ating mga anak nang paisa-isa.
Isang araw nakita ko ang isang interbyu kay Brother Tad R. Callister, na noon ay Sunday School General President. Habang nagsusulat ako ng mga tala, nagkaroon ako ng impresyon kung paano paghihilumin ang ugnayan ko sa aking anak na si John. Nagkaroon ako ng impresyon na dapat naming basahin ang buong Aklat ni Mormon nang magkasama bago ang kanyang binyag na gaganapin pagkaraan ng anim na buwan.
Napakalinaw ng impresyong ito na nalaman ko kung saang silid kami dapat magbasa at anong oras kami dapat magbasa. Nagkaroon din ako ng isang malinaw na impresyon na dapat naming tapusin ang aming pagbabasa sa bakuran ng Meridian Idaho Temple.
Sa paglalaan namin ng oras na magbasa nang kaming dalawa lang bawat gabi, naging matamis ang aming ugnayan. Nagkaroon kami ng mas mahaba pang pasensya sa isa’t isa, mas naunawaan namin ang pananaw ng isa’t isa, at regular naming nadama ang presensya ng Espiritu Santo.
Noong gabi bago namin natapos ang aklat, binasa namin ang pangako ni Moroni na kung magtatanong tayo sa Diyos nang taos-puso, na may tunay na layunin at pananampalataya kay Cristo, kung totoo ang Aklat ni Mormon, malalaman natin ang katotohanan nito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo (tingnan sa Moroni 10:4–5). Nadama namin ang kumpirmasyon na ang Aklat ni Mormon ay totoo, na si Joseph Smith ay isang propeta, at na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay ang kaharian ng Diyos sa lupa.
Kinabukasan, naupo kami sa isang bangko sa bakuran ng templo. Tumingala kami para tingnan ang estatwa ng anghel na si Moroni at basahin muli ang kanyang huling patotoo. Simula noong araw na iyon, binabanggit na ni John sa ilang pagkakataon ang oras na magkasama naming binasa ang Aklat ni Mormon sa templo. Ngayon tuwing pumupunta ako sa templo, nakikita ko ang bangko at pinagninilayan ang espesyal na sandaling nagkaroon kami ni John nang natapos namin ang aming inspiradong mithiin.
Sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Mauunawaan ng matalinong magulang na may pagkakataon sa pag-akay sa bawat bata, at sa kanilang sarili, upang mas lubusang matanggap ang paanyaya ng Panginoon na lumapit sa Kanya.”1
Palagay ko ay mahalaga ang mga katagang “bawat bata.” Tulad nang naglingkod at nagturo ang Tagapagligtas nang paisa-isa, tinutulungan Niya tayong turuan ang ating mga anak nang paisa-isa.
Ipinakita sa akin ng espirituwal na patnubay na natanggap ko na magbasa kasama si John na mas kilala ng Panginoon ang aking mga anak kaysa sa akin. Alam ko na kung makikinig ako at susunod sa Kanyang payo, bibigyan Niya ako ng patnubay kung paano ko matutulungan na akayin at gabayan ang bawat isa sa mga anak ko pabalik sa Kanya.