2020
Ang Pinakamahahalagang Gawain
Setyembre 2020


Ang Pinakamahahalagang Gawain

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

“Ako’y nasa gitna ninyo na gaya niyaong naglilingkod” (Lucas 22:27).

The most important job

Gusto ni Amelia ang pagbisi-bisita kay Lola. Hilig niyang maglaro ng mga laruang hayop at magtalukbong sa malaki at malambot na kumot ni Lola. Pero hindi siya bibisita ngayon para maglaro. Bibisita siya para tumulong.

Habang papunta sa bahay ni Lola, nag-usap ang mga ate ni Amelia tungkol sa trabaho na gusto nilang gawin.

Gusto ni Sarah na magwalis. Gusto naman ni Emily na maglampaso. At hiniling ni Inay kay Alyssa na linisin ang mga bintana.

“Paano naman po ako?” tanong ni Amelia. “Magpupunas po ba ako ng alikabok?”

“May espesyal na gawain ako para sa iyo,” sabi ni Inay. “Kailangan ko na makinig ka.”

Naghintay si Amelia. “OK, nakikinig na po ako. Ano po iyon?”

“Iyon ang gagawin mo!” tumatawang sabi ni Inay. “Basta makinig ka lang. Tabihan mo si Lola at makinig ka habang nagsasalita siya. Maaaring ito ang pinakamahalagang gawain natin sa maghapon.”

Paano naging pinakamahalagang gawain ang pakikinig? Pagtataka ni Amelia. Parang ang pagpupunas ng alikabok ay mas makatotohanan na gawain! Ngunit handang sumubok si Amelia.

Masaya si Lola na makita sila. Nagsimula ang lahat sa kanilang mga gawain. Nagpunta at naupo si Amelia sa tabi ni Lola sa sopa. Napansin ni Amelia ang stuffed toy na kuneho sa sulok. “Gusto ko po ang kuneho ninyo,” sabi niya.

Ngumiti si Lola. “Naikuwento ko na ba sa iyo ang tungkol sa kuya kong si Mel at sa sanggol na kuneho?”

Nagulat si Amelia. “Isang tunay na kuneho?”

Tumango si Lola. “Wala itong mga magulang nang makita niya. Inilagay niya ito sa loob ng kanyang t-shirt para maging ligtas ito.” Ikinuwento ni Lola kay Amelia ang tungkol sa kulungan ng kuneho na ginawa ni Mel.

Ang kuwentong iyon ay nagpaalala kay Lola ng iba pang mga kuwento. Ikinuwento niya ang tungkol sa isang alagang guya na pinangalanan niyang Star. Sinasakyan niya noon ang likod ni Star! Humagikgik si Amelia habang naiisip niya si Lola na nakasakay sa isang batang baka. Hindi madaling isipin na isang batang babae si Lola.

Nagsalita nang nagsalita si Lola. Ikinuwento niya ulit ang tungkol sa kuneho. Sa isa pang pagkakataon, huminto siya sa kalagitnaan ng kuwento at nagsimulang muli.

Sinikap ni Amelia na makinig, ngunit napapagod na siya. Si Inay at ang mga kapatid niya ay nagtatrabaho pa.

Mahirap maupo at makinig! Pero ngumiti si Lola. Tila masaya siyang magbahagi ng kanyang mga kuwento.

Pagkaraan ng ilang minuto, dumating si Inay. “Tapos na ang lahat! Handa na tayong umuwi.”

“Nakakatuwa ito,” sinabi ni Lola kay Amelia. “Gustung-gusto kong makipag-usap sa iyo!”

Niyakap ng mahigpit ni Amelia ang kanyang lola. Nakita niya ang mga luha sa mata ni Lola.

“Ano pong problema?” tanong ni Amelia.

“Walang problema,” sabi ni Lola. “Salamat sa pakikipag-usap sa akin. Mahal kita.”

Naging maganda ang pakiramdam ng kalooban ni Amelia. “Mahal ko rin po kayo,” sabi niya. “Babalik po ako kaagad.”

Sa daan pauwi, nagtanong si Alyssa, “Kumusta ang pakikinig, Amelia?”

“Mas mahirap po ito sa inakala ko. Mas naunahan ko pa yata si lola na mapagod sa pakikinig kaysa mapagod si lola sa pagsasalita!”“

Napakahusay mo!” sabi ni Inay. “

Salamat po,” sabi ni Amelia. “Nakakatuwa naman po yung ilang mga kuwento. Alam ba ninyo na nagkaroon ng alagang guya si lola?”

“Sanggol na baka ba ‘yun?” tanong ni Sarah.

“Oo! Sinasakyan ito dati ni Lola,” sabi ni Amelia habang tumatango. “Star ang pangalan niya.”

Ikinuwento ni Amelia ang lahat ng iba pang kuwento ni Lola. Pambihira talaga na malaman ang maraming bagay tungkol sa kanya.

Ngumiti si Emily. “Siguro pwede kang makipagpalit ng gawain sa akin sa susunod. Gusto kong magkaroon ng pagkakataong makinig!” ●