2020
Pagkakaroon ng Kapayapaan sa mga Kuwento sa Biblia Tungkol sa Kawalan ng Kakayahang Magkaanak
Setyembre 2020


“Pagkakaroon ng Kapayapaan sa mga Kuwento sa Biblia Tungkol sa Kawalan ng Kakayahang Magkaanak,” Liahona, Setyembre 2020

Digital Lamang

Pagkakaroon ng Kapayapaan sa mga Kuwento sa Biblia Tungkol sa Kawalan ng Kakayahang Magkaanak

Ang awtor, na ngayon ay ina ng dalawang taong gulang na kambal, ay naninirahan sa California, USA.

Nang matanto ko kung gaano karaming mga kuwento sa Biblia ang tumatalakay tungkol sa kawalan ng kakayahang magkaanak, alam ko na may mahalagang matututuhan mula sa kanilang mga aral sa buhay.

Naghihintay

Naghihintay, ni Caitlin Connolly, hindi maaaring kopyahin. Ang artist ay nahirapan din sa loob ng ilang taon sa hindi pagkakaroon ng anak bago nagsilang ng kambal na mga batang lalaki noong 2017.

Mahirap ang hindi maiyak kapag nagkukuwento ako tungkol sa hirap na tiniis namin ng asawa ko sa hindi pagkakaroon ng anak. Umasa ako. Pakiramdam ko bigo ako. Nagpasalamat ako sa mga doktor na nagsikap nang husto upang matulungan kami. Parang dinudurog ako sa bawat bigong panggagamot. Nadama kong mahal ako ng aking pamilya at mga kaibigan. Nakadama ako ng kalungkutan at kapanglawan sa sakit na nadama ko. Napakahirap na panahon iyon.

Habang sinasaliksik ko ang mga banal na kasulatan sa panahong ito, napansin ko na maraming mag-asawa ang hindi nagkaroon ng anak: sina Abraham at Sara, Isaac at Rebeca, Jacob at Rachel, Elcana at Ana, at Zacarias at Elisabet. Ikinagulat ko ito. Munting piraso lamang ng malawak na kasaysayan ang saklaw ng Biblia. Bakit binigyang-inspirasyon ng Diyos ang mga propeta na isama ang napakaraming kuwento tungkol sa hindi pagkakaroon ng anak? Parang ito ang simula ng sagot sa aking mga dalangin; mayroon akong matututuhan dito. Kaya nagpasiya akong pag-aralan ang bawat isa sa mga babae sa mga kuwentong ito, at sa pag-aaral ko, nalaman ko ang apat na mahahalagang aral na nakatulong sa akin na umunlad at mapayapa sa kabila ng hirap na dinaranas ko sa kawalan ng kakayahang magkaanak.

1. Ang kawalan ng kakayahang magkaanak ay hindi sumasalamin sa ating pagiging karapat-dapat o kakayahan

Nang hindi ako magkaanak, pakiramdam ko ay kasalanan ko ito, na sa kung anong dahilan ay hindi nagtitiwala sa akin ang Diyos. Hindi ba sapat ang katapatan ko? Hindi ba ako sapat para maging mabuting ina? Sa gabi, habang nakahiga ay gising pa rin ako matapos makatulog ang asawa ko, naghahangad na malaman kung anong katangian pa ang kulang sa akin. Sinasabi ng utak ko na ako ay nagiging hindi makatwiran. Pinapanatili akong gising ng puso ko. Ang isa sa mga pinakamagandang aral na natutuhan ko sa pag-aaral tungkol sa mga babaeng ito sa Biblia ay na walang kinalaman ang kawalan ko ng kakayahan na magkaanak sa tiwala o kakulangan ng tiwala ng Diyos sa akin.

Ang dami ng impormasyong nahahanap ko tungkol sa bawat babaeng walang anak ay magkakaiba, ngunit lahat sila ay may ilang bagay na magkakatulad. Hindi madali ang buhay nila, at ang hindi pagkakaroon ng anak ay isang bahagi lamang niyon. Karamihan ay nakaranas ng paninisi ng iba dahil sa hindi nila pagkakaroon ng anak. Ang ilan ay kinailangang maghintay nang matagal para magkaroon ng mga anak. Gayunman sinunod nila ang mga kautusan at nanalangin sila. Nang sa wakas ay nagkaroon si Ana ng anak na lalaki, dinala niya ang bata kay Eli na saserdote at ipinaalala sa kanya ang kanyang mga dasal: “Oh Panginoon ko, … ako ang babaing nakatayo noon sa iyong harapan na dumadalangin sa Panginoon. Dahil sa batang ito ako ay nanalangin” (I Samuel 1:26–27; tingnan din sa mga talata 10–12).

Lahat sila ay nanatiling matatag at matatapat na kababaihan, kahit na ang kanilang mga dalangin at pagsamo na magkaroon ng mga anak ay hindi kaagad sinagot sa paraang inaasahan nila. At iyan ang punto. Ang kanilang pananampalataya ay hindi nakabatay sa sagot na natanggap nila o kung nagkaroon sila ng mga anak sa buhay na ito. Pinili nilang magtiwala sa ating Ama sa Langit. At magagawa ko rin iyon.

Nang ang mga babaeng ito ay nagkaroon ng mga anak, pinalaki nila ang ilan sa mga kahanga-hanga at matatapat ng tao na nabuhay sa mundong ito: sina Isaac, Jacob, Jose, Samuel, at Juan Bautista. Nang maisip ko ang epekto ng bawat isa sa mga lalaking ito sa mundo, humanga ako sa tiwalang ibinigay ng Ama sa Langit sa mga babaeng ito, sa pagtitiwala Niya sa sinumang inaatasan Niyang magturo sa Kanyang mga anak—mga ama at ina, tiya at tiyo, Sunday School teacher, bishop, nursery leader, at iba pa. Sa paningin ng Diyos, ang mga babaeng ito ay hindi inilarawan ng kawalan nila ng kakayahang magkaanak, at gayundin ako. Tayo ay mga anak ng Diyos, at naniniwala Siya sa atin.

2. Ang plano ng Diyos ay kinapapalooban ng higit pa sa nakikita natin sa ngayon

Isang Babaeng May Kusang-loob

Isang Babaeng May Kusang-loob, ni Caitlin Connolly, hindi maaaring kopyahin

Gustung-gusto ko ang kuwento ni Elisabet, ang ina ni Juan Bautista. Kaunti lang ang alam natin tungkol sa kanya gayunpaman marami akong natutuhan mula sa kanya. Si Elisabet at ang kanyang asawang si Zacarias, ay nagdasal para magkaroon ng mga anak, ngunit ang mga dasal na iyon ay hindi nasagot sa paraang inasahan nila. Bukod pa rito, hinamak siya ng iba dahil sa wala siyang mga anak, na natitiyak kong nagpatindi sa sakit ng kanyang kalooban.1 Sa kabila nito, siya at ang kanyang asawa ay nanatiling tapat sa mga kautusan at ordenansa ng Panginoon. Malamang na sila ay kahanga-hangang mga tao.

Kalaunan biniyayaan sila ng isang anak na lalaki. Iniisip ko ang nadama ni Elisabet nang matanto niya na ang panahon ng kanyang pagbubuntis ay bahagi kahit paano ng katunayan na ang kanyang anak na si Juan ang maghahanda ng daan para sa Mesiyas. Bilang tapat na babae, malamang na ginamit niya ito bilang aral para ituro sa kanyang anak na magtiwala sa takdang panahon ng Panginoon.

Ipinaalala sa akin ni Elisabet na maliit na piraso lamang ang nakikita ko kumpara sa nakikita ng Panginoon. Dahil sa ideyang ito nagpatuloy ako matapos mabigo ang bawat panggagamot sa pagsisikap na magkaanak. Hindi ko maunawaan kung bakit patuloy kaming inaakay ng Panginoon sa mga landas na tila mga kabiguan dahil hindi naman kami nagkaroon ng anak. Ngayon, sa paggunita sa nakaraan, nakikita ko kung paanong ang bawat isa sa mga tila kabiguang iyon ay mahalagang tuntungang-bato sa aming landas upang maunawaan ang Kanyang takdang-panahon.

Minsang hinikayat ni Pangulong Russell M. Nelson ang “mga babae [sa Simbahan] na walang anak” na “tandaan [na] ang walang-hanggan na takdang-panahon ng Panginoon ay mas mahaba kaysa sa malungkot na oras ng inyong paghahanda o ng kabuuan ng buhay na ito. Ang mga ito ay microseconds lamang kung ihahambing sa kawalang-hanggan.”2 Alam ko na mas marami pa Siyang nakikita at nalalaman tungkol sa ating hinaharap, at kung makikinig tayo sa Kanya, lagi Niya tayong gagabayan sa mga landas na kalaunan ay hahantong sa malaking kaligayahan.

3. Magalak sa kasalukuyan at pasalamatan ang nakakamit mong kaalaman

Isa pang babae sa Biblia na kinapulutan ko ng aral ang karanasan ay si Eva. Noon pa man ay mahal at tinitingala ko na si Eva. Siya ay matapat, matapang, mahabagin, at matalino. Ang pagsasaalang-alang sa kanyang kuwento batay sa hirap na nadarama ko sa hindi pagkakaroon ng anak ay lalo lamang nagpalalim sa paghanga ko sa pambihirang babaeng ito. Hindi ko alam kung alam nga ba ni Eva na hindi siya magkakaroon ng mga anak kung hindi siya aalis sa Halamanan ng Eden, ngunit ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na “nauunawaan [ni Eva] na sila ni Adan ay kailangang mahulog upang ang ‘tao [o lalaki at babae] ay maging gayon’ [2 Nephi 2:25] at magkakaroon ng kagalakan”3 (tingnan sa 2 Nephi 2:22–25).

Alam natin kung paano nakita ni Eva ang kanyang desisyon na kainin ang bunga matapos itong mangyari. Matapos itaboy sina Eva at Adan palabas ng halamanan, isang anghel ang dumating at itinuro sa kanila ang tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala (tingnan sa Moises 5:6–9). Pagkatapos, ang Espiritu Santo ay napasa kay Adan, kaya siya ay nagpatotoo. At sinabi ni Eva: “Kung hindi dahil sa ating paglabag tayo sana ay hindi nagkaroon ng mga binhi, at kailanman ay hindi nalaman ang mabuti at masama, at ang kagalakan ng ating pagkakatubos, at ang buhay na walang-hanggan na ibinibigay ng Diyos sa lahat ng masunurin” (Moises 5:11; idinagdag ang pagbibigay-diin). Nagalak siya sa kanyang desisyon. Hindi ko maisip kung gaano kasakit ang ipatapon, ang umalis sa kinaroroonan ng Diyos na minahal niya. At ngayon, nang siya ay lumingon sa desisyong iyon, nagalak siya sa kaalaman na nakuha niya, batid na, sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, siya kalaunan ay makababalik sa ating Ama sa Langit. Tinuruan ako ni Eva na makahanap ng kaligayahan sa ngayon. Maaaring ginugol sana niya ang buhay niya sa pangangarap na sana ay nasa Halamanan ng Eden pa rin siya, inaasam ang buhay na kanyang iniwan. Sa halip, nagalak siya sa kanyang kasalukuyang sitwasyon: sa kanyang mga anak, sa natamo niyang kaalaman, at sa bisa ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Ang aral ni Eva ay mabisa para sa akin. Sa hirap na dinanas ko sa kawalan ng kakayahang magkaanak, madalas akong matukso noon na magtuon lamang sa bagay na wala sa akin, ngunit sa pagtutuon sa kasalukuyan nagalak din ako.

Bukod pa rito, nagamit ko ang oras na ito para magboluntaryo bilang ordinance worker sa templo. Bago iyon, nagpupunta ako sa templo dahil iyon ang nararapat kong gawin. Pero ngayon lalo ko pa itong nagustuhan. Ako ay may malalim na pagpapahalaga para sa mga ordenansang natatanggap natin sa loob ng templo. Ang mga pagpapalang ipinangako sa mga tumutupad ng kanilang mga tipan ay kahanga-hanga! At ibinibigay ang mga iyon sa lahat ng tao. Bata at matanda. Malusog ang pangangatawan at may kapansanan. May-asawa at walang-asawa. Ang mga taong may mga anak at mga taong walang anak. Ibang tao na ako dahil ako ay naglingkod sa templo. Lalo kong pinahahalagahan ang mga walang-hanggang pamilya. Ako ay may mas malalim na pang-unawa sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Nagdarasal ako na mas may kamalayan. At alam ko na dahil sa higit na kaalaman at pananampalataya na natamo ko mula sa paglilingkod sa templo ako ay magiging mas mabuting ina.

4. Tayong lahat ay mga ina

Mga Ina na Nagtuturo

Mga Ina na Nagtuturo, ni Caitlin Connolly, hindi maaaring kopyahin

Itinuro din sa akin ni Eva na ang pagiging ina ay walang kinalaman sa pagkakaroon ng mga anak: kapwa ang Diyos Ama at si Adan ay tinawag si Eva na “ina ng lahat ng nabubuhay” (Genesis 3:20; Moises 4:26) bago pa siya magdalantao.4 Si Ardeth Greene Kapp, na naglingkod bilang Young Women General President at hindi kailanman nagkaroon ng mga anak, ay nagtanong, “Ang pagiging ina ba ay nakalaan lamang para sa mga nanganganak? Hindi ba’t ang sagradong misyon ng pagiging ina ay inorden ng Diyos para sa lahat ng babae bago pa nilikha ang mundo?”5 Napansin din niya: “Nalaman ko na lahat tayo ay maaaring … magalak sa sagradong tungkulin ng pagiging ina. Ang panganganak ay isang bahagi lamang ng sagradong tungkuling ito.”6 Ang pagkatantong ito ay isang nakagiginhawang balsamo sa aking bagbag na puso. Ako ay isang ina—hindi sa karaniwang kahulugan, siyempre pa, ngunit ako ay may papel na gagampanan, may responsibilidad na dadalhin.

Si Sheri Dew, dating Second Counselor sa Relief Society General Presidency, ay nagsabing:

“Ang pagiging ina ay higit pa sa pagdadalantao. Ito ang diwa ng kung sino tayo bilang kababaihan. Inilalarawan nito kung sino tayo talaga, ang ating banal na katayuan at katangian, at ang natatanging kaugalian na ibinigay sa atin ng Ama. …

“Bilang mga anak ng ating Ama sa Langit, at bilang mga anak ni Eva, tayong lahat ay mga ina at mga ina na noon pa man.”7

Sa pamamagitan ng karanasan ni Eva, natanto ko na ang pagiging ina ay isang tungkulin na mahalin, pangalagaan, at akayin ang nakababatang henerasyon, at tungkulin ko iyan magdalantao man ako o hindi. Mga ilang araw nang natuklasan ko na may problema ako sa pagkakaroon ng mga anak, tinawag ako bilang lider ng Young Women sa aking ward. Alam kong ito ay isang mahabaging pagpapala mula sa mapagmahal na Ama sa Langit. Nang ibuhos ko ang puso ko sa tungkuling iyon, bawat batang babae ay naging tila anak ko. Nakadama ako ng pagmamahal para sa kanila na maaari lamang nagmula sa kanilang Ama sa Langit. Naranasan ko ang ibig sabihin ng maging isang ina nang hindi nagkakaroon ng mga anak, at kasiya-kasiya ito.

Nagpapasalamat ako sa mga kuwento ng kahanga-hanga at mabubuting babaeng ito sa Biblia. Hindi ko inakalang makauugnay ako nang gayon katindi sa mga babae na nabuhay sa panahon na ibang-iba sa panahon ko, ngunit ang kanilang pananampalataya at tapang sa kawalan ng kakayahang magkaanak ay napakahalaga sa akin. Natutuhan ko na mas lubos na magtiwala na ako ay anak ng Diyos at na mahal Niya ako, naniniwala sa akin, at may plano para sa akin. Natutuhan kong mahalin ang templo at maghanap ng mga oportunidad na matuto kahit masakit ang kalooban ko. Nagkaroon ako ng mas malalim na pang-unawa kung ano ang ibig sabihin ng maging ina. Ang pinakamahalaga, nalaman ko na kahit ang pinakamaliliit na detalye sa mga banal na kasulatan ay maaaring gamitin ng isang mapagmahal na Ama sa Langit para bigyan tayo ng kaalaman at kapanatagan.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Lucas 1:25; tingnan din sa kahulugan ng reproach [kahihiyan] sa New Testament Student Study Guide (Church Educational System manual, 2007), 53.

  2. Russell M. Nelson, “Lessons from Eve,” Ensign, Nob. 1987, 87.

  3. Jeffrey R. Holland, “Because She Is a Mother,” Ensign, Mayo 1997, 36.

  4. Tingnan sa Neill F. Marriott, “Anong Gagawin Namin?Liahona, Mayo 2016, 11.

  5. Ardeth Greene Kapp, All Kinds of Mothers (1979), 9; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  6. Ardeth Greene Kapp, “Drifting, Dreaming, Directing,” sa Blueprints for Living: Perspectives for Latter-day Saint Women, ed. Maren M. Mouritsen (1980), 1:84.

  7. Sheri L. Dew, “Hindi Nga Ba Lahat Tayo’y mga Ina?Ensign, Nob. 2001, 96, 97.