2020
Kevin at Kendra Henderson—North Carolina, USA
Setyembre 2020


Mga Larawan ng Pananampalataya

Kevin at Kendra Henderson

North Carolina, USA

Henderson family praying

Noong una, tutol si Kendra sa interes ni Kevin sa Simbahan. Ngayon, nagbalik-tanaw sila at nakita nila kung paano sila kapwa ginabayan ng Panginoon patungo sa ebanghelyo.

Leslie Nilsson, retratista

Kevin:

Nakilala ko si Gregory habang nagtatrabaho ako sa ospital ng Veterans Administration. Isang araw, nag-uusap kami nang lumapit ang isang tao at nagtanong kay Gregory kung siya ay isang Mormon. Mula roon, sinimulan nilang paghambingin ang Biblia at ang Aklat ni Mormon. Mayroong isang bagay na nakapukaw sa aking interes habang nag-uusap sila. Ninais kong mag-usisa dahil dito.

Pagdating ko sa bahay, tinanong ko si Kendra kung mayroon siyang alam tungkol sa mga Mormon.

“Mas mabuting huwag kang maniwala sa kahit anong tungkol doon,” sabi niya sa akin.

Ninais ko pa ring mag-usisa at sabik akong pumasok sa trabaho kinabukasan upang matuto ng higit pa. Habang nag-uusap kami, tinanong ako ni Gregory kung naniniwala ako na ang aking espiritu ay umiral bago ang buhay na ito. Talagang tumimo sa akin ang tanong. Hindi ko pa ito naisip noon.

“Aba, kung kailangan kong manghula, ang isasagot ko ay oo,” sabi ko.

“Marami pang kaalaman na inilaan ang Ama sa Langit para sa lahat ng Kanyang anak,” sabi sa akin ni Gregory.

Kinausap ko si Kendra tungkol sa natutuhan ko, ngunit tutol siya rito. Sinabi niya sa akin na siya at ang mga bata ay hindi kailanman tatapak sa simbahang “iyon”. Naging depensibo ako, na hindi karaniwan sa akin. Ipinagtanggol ko ang isang bagay na hindi ko gaanong alam.

Isang gabi, hinatid ko si Kendra sa bahay ng isang kaibigan, at pinuntahan ko ang aking ama. Siya ay isang deacon sa ibang simbahan, kaya natakot akong magtanong kung mayroon siyang alam tungkol sa Simbahan.

Sabi niya, “Narinig ko na hindi nila ipinagkakaloob ang priesthood sa mga itim, ngunit isa kang mabuting tao. Manalangin ka tungkol dito, at ipaaalam sa iyo ng Diyos.”

Nang gabing iyon, lumuhod ako upang manalangin, ngunit wala akong maisip na sabihin. Nakaluhod na ako, naisaisip ko. Kailangan mayroon akong sabihin! Kaya sabi ko na lamang, “Ama sa Langit, mahal ko po kayo.”

Hindi ako mapakali noong gabing iyon. Paikot-ikot ako sa higaan. Mayroon akong isang bagay na ninanais—tila nagkaroon ako ng labis na pananabik. Nagising ako noong umagang iyon at umasa akong hindi na magbabahagi si Gregory ng higit pa tungkol sa Simbahan. Naguluhan ako tungkol sa lahat ng nangyayari. Hindi ko rin naman nais na maging dahilan ito upang masira ang pagsasama naming mag-asawa at maghiwalay kami. Ngunit mayroong mga partikular na bagay na nakapukaw sa aking interes, kaya nagtanong ako kay Gregory. Unti-unti, natutuhan ko ang iba pa tungkol sa Simbahan.

Patuloy kaming nagtalo ni Kendra. Sa isang pagtatalo, nakaramdam ako ng pahiwatig na huwag magsalita. Ako ay nagpunta sa banyo at lumuhod.

Sinabi ko sa Ama sa Langit na gagawin ko ang lahat kung ipaaalam Niya sa akin kung aling landas ang nais Niyang tahakin ko. Nang maisip ko ang tungkol sa binyag, nakaramdam ako ng hanging tila umiihip palapit sa akin. Iyon ay ang Espiritu Santo na nagsasabi sa akin, “Ito ang dapat mong gawin.”

Handa na akong mabinyagan. Kinabukasan, pumasok ako sa trabaho at ibinahagi ko ang aking karanasan kay Gregory. Sabi ko, “Handa na ako, pare.”

Tinulungan niya akong makipagkita sa mga missionary. Itinuro nila sa akin ang mga lesson, at naging maayos at talagang mabilis ito! Hindi ako kailanman nag-alinlangan sa anumang bagay. Alam ko na nakita ni Propetang Joseph Smith ang nakita niya. Nagkaroon ako ng patotoo. Ngunit mas lalo lamang nitong itinulak palayo si Kendra.

Kendra:

Pagod na ako sa mental, pisikal, at espirituwal. Lumipat pa nga ako sa Florida at nanirahan doon nang ilang buwan. Isang araw, nagsumamo ako sa Diyos, “Pagod na po akong makipagtalo. Nawa’y tulungan po Ninyo akong malaman kung ang Simbahang ito ay tama.”

Habang nananalangin ako, napuspos ako ng kapayapaan. Pagbalik ko sa North Carolina, wala na ang lahat ng negatibong pakiramdam na mayroon ako noon. Dati, umaalis ako sa silid kapag dumarating ang mga missionary, ngunit pagkatapos ng karanasang ito, nagsimula akong makihalubilo sa kanila at magluto ng hapunan para sa kanila. Ngunit hindi pa rin ako handang magsimba kasama ni Kevin.

Nagsimula akong maghanap ng ibang simbahan na pupukaw sa interes ng aking mga anak, ngunit gaano man kabuti ang isang simbahan, sinasabi ng aking anak na si Aryanna, “Nais ko pong magsimba kasama ni Itay!” Nagkasundo kami kalaunan na isang araw ng Linggo ay sumama kay Kevin na magsimba, at sa susunod na araw ng Linggo ay maghanap ng ibang simbahan.

Hindi nagtagal, isa sa naging kaibigan ko sa ward ang nagpadala sa akin ng mensahe at nagtanong kung nais kong kumanta sa koro para sa isang stake conference. Bakit nais niyang kumanta ako? Napaisip ako. Hindi ako miyembro. Paulit-ulit ko itong nilabanan, ngunit sa bandang huli ay pumayag din ako, “Sige, kakanta ako.”

Hindi ito tulad ng pagkanta sa ibang simbahan kung saan mayroong banda, maingay, at pakiramdam mo ay nasa isang konsiyerto ka. Kinanta namin ang “Come Thou Fount of Every Blessing [Pumarito Ikaw na Bukal ng Lahat ng Pagpapala].” Ang mga titik ng himno at ang matamis na himig ng musika ay talagang nakaantig sa akin.

Kevin:

Pagkaraan ng ilang buwan, habang kami ay nasa pulong ng ayuno at patotoo, sabi sa akin ni Kendra, “Sa palagay ko, dapat kang umakyat at magpatotoo tungkol sa panalangin dahil sa ginawa nito para kay Itay.”

Kamakailan lamang ay nakaranas ang amain ni Kendra ng isang matinding atake sa puso. Nanawagan kami sa ward na manalangin para sa kanya at sa aming pamilya noong panahong iyon. Lubos ang aming pasasalamat dahil gumaling siya.

“Sa palagay ko, dapat ikaw ang gumawa nito,” sabi ko. Siya ay tumayo at nagpatotoo. Kamangha-mangha ito. Pagkatapos nito, nagsimula nang maihayag sa kanya ang mga bagay-bagay.

Kendra:

Noong simula ng 2018, paulit-ulit kong narinig ang pangalang “Pangulong Monson.” Noong panahong iyon, hindi ko pa alam na isa siyang propeta. Isang gabi, dumalaw ang mga missionary at kinumusta nila ako.

“Ayos lamang ako,” sabi ko, “ngunit palaging pumapasok sa aking isipan ang pangalan ng isang tao na hindi ko kilala.”

“Ano ang pangalang iyon?” Nagtanong sila.

“Pangulong Monson.”

“Kendra, hindi lamang iyon basta-bastang pangalan,” sabi nila. “Iyon ang pangalan ng propeta na pumanaw kamakailan lamang. Dapat mong basahin ang ilang mensahe na ibinigay niya at alamin kung ano ang nais ng Panginoon na matutuhan mo mula sa kanya.” Binasa ko ang ilan sa kanyang mga mensahe, at talagang naantig at natulungan ako ng mga ito. Mula roon, tila paulit-ulit na bumabalik sa akin ang ebanghelyo.

Dati, kapag kumakain kami sa labas, karaniwan ay umoorder ako ng matamis na tsaa, ngunit sinasabi ni Kevin, “Hindi mo kailangan ng matamis na tsaa; iba na lamang ang orderin mo.”

Isang araw, ako ay pumunta sa isang restawran upang mananghalian at umorder ng matamis na tsaa. Pagkaraan ng ilang minuto, sabi ng isang empleyado, “Sa mismong sandali na umorder ka ng matamis na tsaa, nasira ang makina.”

Sabi niya mga isang oras ang kakailanganin upang maayos ang makina. Mayroon lamang akong 30 minuto upang mananghalian. Kaya sa halip ay umorder na lamang ako ng soda. Sa puntong iyon, ako ay natawa at nagwikang, “Aah, nauunawaan ko na ngayon!”

Nais kong sumapi sa Simbahan, ngunit ayaw kong magalit ang aking ina. Malaki ang papel na ginampanan ng aking ina sa pagdedesisyon ko habang lumalaki ako. Siya ay isang ministro, kaya palagi akong nakikinig sa kanya sa halip na magsimba at matuto para sa aking sarili.

Medyo nag-aalinlangan pa ako nang magtakda kami ng petsa para sa aking binyag. Dumalaw ang mga missionary, at nag-usap kami tungkol dito.

Sa huli, tinanong ko ang aking anak na si Aryanna, “Nais mo bang magpabinyag?”

Sabi niya, “Inay, handa na po ako kung handa na kayo.”

Sinabi niya sa akin na noong nagpunta siya sa Simbahan, lahat ng mga batang babae ay tumakbo palapit upang batiin siya. Dinala nila siya sa mga klase sa Primary at palagi silang palakaibigan. Nais nilang maging bahagi siya ng mga bagay-bagay. Naging matalik na kaibigan niya ang isa sa mga batang babae. Iyon ang ikinatuwa niya tungkol dito.

Sa binyag ni Aryanna, napaluha siya sa tuwa. Nang makita ko siya, naisip ko, narito ako kung saan ako nararapat.

Kevin:

Alam ko na dinala ng Ama sa Langit ang ebanghelyo sa aming pamilya dahil talagang mahal at pinagmamalasakitan Niya kami.

family studying scriptures

Nang ikasal sina Kevin at Kendra, si Aryanna (kaliwa) ay dalawang taong gulang. “Noon pa man, alam ko nang napakaespesyal niya sa espirituwal,” sabi ni Kevin. Nagkaroon siya ng interes sa Aklat ni Mormon at naramdaman niya ang Espiritu noong unang beses na nagsimba siya. Masaya si Aryanna sa kanyang pakikisalamuha sa mga kabataang babae sa kanyang ward.

father and son reading

Binabasa ni Kevin ang isang lesson sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin kasama ang kanyang anak na si Kevin Jr. Ang pag-aaral ng ebanghelyo nang magkakasama ay naging pagpapala para sa pamilyang Henderson.