2020
Inspirasyon at Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Setyembre 2020


Inspirasyon at Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Habang naghahanda ng lesson para sa mga kabataang babae, nagpasiya akong sumubok ng isang bagong bagay.

study materials

Paglalarawan ni David Green

Pinasadahan ko ang mga pahina ng lesson para sa Young Women na ituturo ko sa susunod na araw ng Linggo. Ang mga sipi mula sa General Authority na kalakip nito ay mahalaga at naaangkop, ngunit luma na ang mga ito.

Halimbawa, si Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) ang Pangulo ng Simbahan noong nabinyagan ako. Pinahalagahan ko ang kanyang mga salita, na marami sa manwal na ito, ngunit nag-alala ako na baka hindi makaramdam ng ugnayan ang mga kabataang babae sa mga salita ng mga lider na hindi nila nakilala.

Nanalangin ako para sa patnubay at nakaramdam ng pahiwatig na subukan ang isang bagong bagay. In-update ko ang ilan sa mga kuwento at nagsama ako ng mga sipi mula sa pinakahuling pangkalahatang kumperensya, kabilang na ang ilang sipi mula kay Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018). Kamangha-mangha ang mga resulta. Nagkaroon kami ng espesyal na lesson at maraming nakibahagi. Mula noon, ginamit ko ang manwal ng lesson bilang gabay sa paghanda ng aking mga lesson.

Ang gayong paghahanda ay nangailangan ng karagdagang pagsisikap. Kinailangan kong mag-aral nang mas maigi, kilalanin ang mga kabataang babae nang mas mabuti, at isaisip ang mga bagay na nararasan nila. Pagkatapos, naghanap ako ng mga halimbawa at salita mula sa mga buhay na lider ng Simbahan na magagamit ko upang maiugnay ito sa kanilang mga buhay. Masaya akong gawin ang higit pa sa kailangan para sa mga kabataang babae dahil sa pagmamahal ko para sa kanila.

Kalaunan ay napansin ng aking mga lider ang ginagawa ko. Natakot ako na baka pagalitan nila ako dahil sa pagiging suwail, ngunit hinikayat nila akong magpatuloy.

Ilang linggo bago ang katapusan ng 2012, ang mga lider ng kabataan sa aming stake ay hinilingang dumalo sa isang pulong kung saan ipinaalam ng mga lider ng stake ang bagong kurikulum para sa kabataan na tinatawag na Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin.

Halos hindi ako makapaniwala sa narinig ko. Ipinaliwanag ng mga lider ng stake na dapat kami ay magturo sa paraan ng Panginoon, maghangad ng inspirasyon para sa aming mga lesson mula sa mga buhay na propeta at apostol, at magsikap na kilalanin ang mga kabataan nang mas mabuti. Mayroon na akong patotoo tungkol sa mga bagay na iyon.

Nagtanong ang ibang lider kung paano maghahanda ng mga lesson, ngunit para sa akin, ang bagong pamamaraan ay napakalinaw. Naramdaman ko na ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ay sagot mula sa Panginoon na hindi ako naging suwail. Naramdaman ko na inihanda Niya ako upang maituro ang bagong kurikulum na ito. Alam ko na kung tayo ay mapagpakumbaba at masigasig at nakikinig sa Espiritu Santo, madali nating mauunawaan at matatanggap ang lahat ng pagbabagong inihayag ng ating mga propeta at apostol.