2020
Muling Pagbangon ng Buhay Ko Matapos ang Diborsyo
Setyembre 2020


“Muling Pagbangon ng Buhay Ko Matapos ang Diborsyo,” Liahona, Setyembre 2020

Digital Lamang

Muling Pagbangon ng Buhay Ko Matapos ang Diborsyo

Nang umalis ang asawa ko, naharap ako sa buhay bilang nag-iisang ina na may 10 anak na nakatingin sa akin at naghahanap ng mga sagot.

Tatlo’t kalahating taon na ang nakalipas, nauwi sa diborsyo ang kasal ko sa templo na tumagal nang 29 na taon. Ang buhay ko hanggang sa panahong iyon ay nakasentro sa Simbahan, sa asawa ko, sa mga anak ko—walong kasama ko pa rin sa bahay—at dalawang apo. Dahil sa diborsyo, nagbago ang buhay ko sa paraang hindi ko sukat-akalain.

Magmula noon ako na ang mag-isang nagtaguyod upang matugunan ang mga pangangailangan ng limang anak na lalaki na kasali sa sports, isang tinedyer na anak na babae, at dalawang malalaki nang anak na nagtatrabaho habang nag-aaral. Sa mga unang buwan ng aming paghihiwalay, dama kong nag-iisa ako, pinanghihinaan-ng-loob, at kadalasan ay malungkot. Nabigla ako sa lahat ng mga tungkulin at responsibilidad na napunta sa akin. Paano maaapektuhan ng aking diborsyo ang mga bata? Magkakaroon pa rin ba sila ng tiwala sa kasal o pagsasama ng mag-asawa? Maaari kaya kaming maging “walang-hanggang” pamilya muli?

Maraming hinihingi ang buhay ko bilang single mother, at natutuhan kong gawin ang mga bagay na hindi ko ginawa noon. Ang mga anak ko ay natuto ring tumanggap ng mas malalaking responsibilidad na kung minsan ay iniisip ko na hindi sana nila dapat pagtiisan. Bukod pa rito, natuto kaming magkumpuni ng mga sprinkling system, mga kabinet, at mga tubo. Isang araw ginawan ko ng imbentaryo ang marami pang ipapaayos sa aking bahay at umupo ako at umiyak. Wala akong pera para sa mga gastusin sa pagpapakumpuni, at hindi ko alam kung paano ito gawin.

Bagama’t mahirap ang buhay bilang single mother, nalaman ko na hindi inaasahan ng Ama sa Langit na gawin ko ito nang mag-isa. Habang lalo akong umaasa sa Kanya, nakadama ako ng kapanatagan at suporta sa pamamagitan ng tapat na pamumuhay ng ebanghelyo, mga miyembro ng ward na sumusuporta, at ng mabuting hangarin sa buhay ko.

Pagtatakda ng Aking Saligan ng Ebanghelyo

Pananatiling aktibo. Habang patuloy na nadaragdagan ang aking mga responsibilidad, lalo kong nadama na kailangan kong suriing muli ang pamumuhay ko ng ebanghelyo. Kaagad kong ginawa ang marahil ay isa sa mga pinakamahalagang desisyon na ginawa ko: mananatili akong aktibo sa Simbahan at dadalo sa mga aktibidad ng ward, kahit ako lang mag-isa o kahit asiwa akong sumali nang mag-isa. Kahit single ako, ang desisyong ito ay nakatulong sa akin na patuloy na madama na bahagi ako ng malaking pamilya ng ward.

Pagbabasa ng mga banal na kasulatan. Bagama’t buong buhay ko nang binabasa ang Aklat ni Mormon, mula nang magdiborsyo ay binabasa ko ito araw-araw. Ang mga banal na kasulatan ay nagkaroon ng bagong kahulugan sa akin. Pinapanatag at ginagabayan ako ng mga ito. Lalo akong inilalapit ng mga ito sa Ama sa Langit. Ang mga ito ang nagbibigay sa akin ng mga sagot.

Isang gabi, matapos dumalo sa isang fireside tungkol sa mga relasyon, umuwi ako na asiwang-asiwa ang pakiramdam. Nasusuklam akong isipin ang sarili ko bilang isang diborsyada. Pagkatapos kong magdasal, dinampot ko ang Aklat ni Mormon, at ang unang talatang nabasa ko ay ganito ang sinasabi: “At ngayon … , nalalamang binigyan tayo ng ating maawaing Diyos ng maraming kaalaman hinggil sa mga bagay na ito, atin siyang alalahanin … at huwag iyuko ang ating mga ulo, sapagkat hindi tayo itatakwil” (2 Ne. 10:20). Habang binabasa ko, binigyan ako ng Espiritu Santo ng ilang personal na tagubilin. Nadama ko na ang mensahe sa akin ay iba na ngayon ang mga bagay-bagay ngunit ako ay papatnubayan at na naaalala ako ng Panginoon.

Muli kong nadama na kilala ako ng Diyos at alam Niya ang sitwasyon ko, at nadama ko ang Kanyang pagmamahal. Hindi ko kailangang yumuko sa kahihiyan dahil sa diborsiyada ako. Oo, nagbago ang ilang bagay sa buhay ko, ngunit hindi pa rin nagbabago ang mga walang-hanggang alituntunin. Kung ako ay mananatiling malapit sa Ama sa Langit, ang lahat ng ipinangakong pagpapala ay mapapasaakin pa rin. Nagpapasalamat ako na binuklat ko ang aking mga banal na kasulatan nang gabing iyon.

Pagsunod sa mga kautusan. Humina ang kita ng aming pamilya sa proseso ng diborsyo, at kinapos kami sa pera. Naharap ako sa mahirap na desisyon kung magbabayad ba ako ng ikapu samantalang malinaw na kulang ang pera para mapakain at alagaan ang aking malaking pamilya at para magawa ang mahahalagang pagpapakumpuni sa bahay. Humingi ako ng payo sa aking mga priesthood leader at nalaman ang sagot sa akin. Nagpasiya akong magbayad ng buong ikapu. Naniniwala ako na ang pagpapakitang ito ng pananampalataya ang nagbukas sa mga dungawan sa langit, dahil maraming pagpapala ang ibinuhos sa aming pamilya. Habang lubos akong nagpapasalamat sa tulong ng iba, natuklasan kong nahihirapan akong magkaroon ng pagpapakumbaba at pagpapasalamat, dahil kailanman ay hindi nangailangan ng tulong ang pamilya ko. Napaluha ako sa unang pagpunta ko sa bishops’ storehouse, at hiniling ko sa Panginoon na ipaalam sa akin kung ano ang nais Niyang matutuhan ko mula sa karanasang ito. Bukod sa pagkalaban sa kapalaluan, marami akong natutuhan tungkol sa pagmamahal at sa layunin ng welfare program. Bagaman hindi na namin kailangan ang tulong mula sa welfare, nagpapasalamat ako sa karanasang iyon.

Pagtanggap ng tungkulin. Bago ipinasa ang legal na papeles para sa diborsyo, ang aming Relief Society presidency ay muling inorganisa, at tinawag akong maging secretary. Sinabi sa akin kalaunan ng aming bagong president na pumasok sa isipan niya ang pangalan ko habang siya ay nagninilay sa templo. Sa paggunita sa nakaraan, nakikita ko na inilagay ako ng Ama sa Langit sa isang posisyon para tumanggap ng mapagmahal na tulong, kabaitan, at malasakit mula sa aking mga kapatid sa presidency noong mahihirap na araw habang ipinoproseso ang diborsyo at pagkatapos nito.

Kinailangan kong maghanda ng mga lingguhang bulletin board at ilang buwanang mga report dahil sa trabaho ko sa Relief Society. Nagsimula akong matutong gumamit ng computer. Habang isinasagawa ko ang iba ko pang mga tungkulin, paminsan-minsan akong nangasiwa sa mga miting at nakita kong humuhusay rin ang mga kasanayan ko sa pamumuno. Lumakas ang tiwala ko sa sarili ko. Nang pumasok akong muli sa trabaho bilang nars pagkaraan ng maraming taon ng hindi pagtatrabaho, natuklasan ko na kailangan sa trabaho ang computer skills, at nagpapasalamat ako sa lahat ng natutuhan ko sa pamamagitan ng aking tungkulin. Tinulungan ako ng dagdag na kasanayan na buong kumpiyansang bumalik sa trabaho.

Pagtanggap ng Tulong mula sa Aking Pamilya sa Ward

Pagsangguni sa aking bishop. Natutuhan kong pahalagahan ang patnubay ng aking bishop sa pagtulong sa akin na gumawa ng mabubuting pasiya. Madalas niyang kumustahin ang aming pamilya at tiniyak na maayos ang kalagayan ko at ng aking pamilya. Siya ang sumuporta sa akin kapwa sa temporal at espirituwal.

Isang araw pinapunta ako sa opisina ng bishop at pinag-usapan namin ang bawat isa sa aking mga anak, isa-isa, upang malaman ang katayuan nila. Nakaisip kami ng plano para matiyak na bawat isa sa aking mga anak na lalaki ay matatanggap ang suporta ng priesthood sa pamamagitan ng kanilang mga lider sa quorum at auxiliary. Tinalakay rin niya ang sitwasyon ng aking kabuhayan at tiniyak na may pagkain kami sa bahay, at pagsapit ng Pasko, muli siyang nagpunta para matiyak na may mailalagay kami sa ilalim ng aming puno o Christmas tree.

Bukod sa pagtulong sa mga anak ko, binigyan niya ako ng mga basbas ng priesthood at tinulungan akong alamin ang bagong tungkulin ko bilang isang babaeng walang-asawa. Nakapapanatag na malaman na may nakasuporta sa akin.

Pag-asa sa mga home teacher. Nang tawagin si Brother Mark at ang kanyang mga anak para mag-home teach sa aming pamilya, ipinahayag niya ang kanyang hangarin na paglingkuran ang aking pamilya. Sa paglipas ng panahon, naunawaan ko ang lalim ng kanyang katapatan. Madalas niya kaming kumustahin at inaalam kung ano ang nangyari sa amin sa buong linggo. Kinaibigan niya ang bawat isa sa mga anak ko at tinandaan ang kaarawan nila. Binigyan niya sila ng mga basbas ng priesthood bago magsimula ang bawat taon ng pagpasok sa paaralan. Pinapayuhan niya ako tungkol sa mga aral na hatid niya sa bawat buwan, at niyayaya kaming lumuhod sa panalangin na kasama siya at ang kanyang mga anak bago sila umalis. Nagpapasalamat ako para sa matatapat na home teacher na ito na nagbigay ng suporta ng priesthood para sa aking pamilya.

Kung minsan ay nagsisimula akong mataranta at iniisip na iwanan ang aming tahanan na medyo magastos ang pagpapaayos kahit na nagpasiya na kami ng mga anak ko, sa payo ng priesthood, na pinakamabuti pa rin para sa amin ang manatili sa aming tahanan at patuloy na mamuhay kasama ang mga kaibigan at pamilya sa aming ward. Sa gayong mga pagkakataon, ipinapaalala sa akin ng aking home teacher ang mga dahilan kung bakit pinili naming manatili; pagkatapos, minsan sa isang taon ay kinakausap niya ang ilan sa mga kapatid na lalaki para pumunta sa bahay at gawin ang mga kinakailangang pagkukumpuni, linisin ang bakuran, ayusin ang mga sprinkler o pandilig, magpintura, at tulungan kaming pangalagaan ang aming tahanan.

Pagpapahalaga sa aking mga sister sa ward. Sa unang dalawang taon pagkatapos ng aking diborsyo, napalibutan ako ng matulungin at mapagmahal na mga kaibigan sa Relief Society presidency. Kasama ko silang umiyak, kasama ko silang tumawa, at napalapit ako sa kanila. Sa pamamagitan ng aking tungkulin, napag-alaman ko ang ilan sa mga pangangailangan ng aking mga sister sa ward, at ang paglilingkod ko sa kanila ay nakatulong sa akin na mapanatili ang aking pananaw at maghilom ang sarili kong puso.

Dumating ang iba pang mga pagpapala. Ang mga kaibigan ko sa presidency, na nag-aalala sa unang Araw ng mga Puso na wala ang asawa ko, ay nagpadala ng magandang nakabalot na regalo, na naghihintay sa akin pag-uwi ko galing sa trabaho. Sa isa pang pagkakataon ginawa nila akong “reyna para sa isang araw.” Hiniling nila na dumalo ako sa isang miting sa umaga. Pagdating ko, isang sister ang naghihintay para linisin ang aking mga kuko. Ilang kaibigan ang dumating para ayusin ang buhok ko. Pagkatapos ay sinabihan ako na manananghalian kami sa labas at mamimili. Ibinili nila ako ng bagong damit, ang unang damit ko mula noong diborsyo. Nag-umapaw sa galak ang aking puso, at nadama ko ang pagmamahal ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng ginawa ng mga sister na ito.

Pagkakaroon ng Kagalakan

Napalilibutan ako ng kagandahan. Ang ika-13 saligan ng pananampalataya ay nagsasabing hangarin natin ang mabuti. Malaking impluwensya ang musika sa aming tahanan, lalo na mula noong diborsyo. Nadama kong mas napalapit ako sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pamamagitan lamang ng pakikinig sa sagradong musika. Nagbasa ako ng magagandang aklat at nanood ng magagandang palabas. Kung minsan, mag-isa lang akong nanonood ng sine o palabas, at nalaman ko na maaari akong magsaya kahit mag-isa lang ako. May mga pagkakataon na may nakakasama akong kaibigan o kapamilya.

Pagkakaroon ng mga bagong kaibigan. Bilang bagong single sister, nalaman ko na may dalawang babaeng balo sa aking ward at tatlong iba pa na kadidiborsyo lamang, at agad kaming naging magkakaibigan. Madalas kaming magsama-sama, lalo na tuwing Biyernes ng gabi. Ang pagsasama-sama namin ay nakatulong para magkalapit kaming lahat. Sinusuportahan at hinihikayat namin ang isa’t isa. Nagkakasiyahan kami. Isang sister sa ward, na isang therapist, ang paminsan-minsang nakikipagkita sa amin at tinutulungan kaming maunawaan ang aming damdamin at harapin ang mga hamon sa aming buhay. Tinitingnan namin ang positibong aspeto sa mga pagsubok na dumarating sa bawat sister. At bawat isa sa amin, kahit paano, ay nagpahayag na dahil sa dinanas naming mga hirap, kami ay nalagay sa bagong antas ng espirituwal na pagiging malapit sa ating Ama sa Langit. Bagaman hindi namin pipiliin ang aming mga pagsubok, pinasasalamatan namin ang mga pagpapalang dumaloy sa aming buhay dahil dito.

Pagdalo sa templo. Ang templo ay isang lugar ng kabutihan at kagandahan, at alam kong tatanggapin ako roon. Kahit na ang pagpunta sa templo ay maghahatid ng masakit na gunita ng mga nasirang tipan, napapanatag ako na malaman na lahat ng ipinangakong mga pagpapala ng templo kalaunan ay muli kong makakamit kung gagawin ko ang bahagi para manatiling tunay at tapat. Natanto ko na ako at ang aking mga anak, na isinilang sa tipan, ay mga tagapagmana pa rin ng lahat ng pagpapala ng mga tao ng tipan. Dahil sa matamis na mga katiyakang ito, natutuhan kong makadama ng kapayapaan at kagalakan habang nasa templo.

Pagdanas ng kagalakan. Si Matt, ang bunsong anak ko, at ako ay pareho ng kaarawan. Siya ay magiging 8 taong gulang noon, at ako naman ay magiging 50 taong gulang. Gusto ni Matt na mabinyagan siya ng kanyang kapatid sa aming kaarawan, kaya nag-ukol ng panahon ang aming home teacher na turuan ang aking mga anak kung paano isagawa ang ordenansa at kalaunan ay dumalo sa binyag. Pagkatapos ng binyag, si Matt ay kinumpirma ng pinakamatanda sa aming pamilya, isang kuya na may-asawa na.

Sa programa, ang lahat ng 10 anak ko, pati na ang dalawang asawa at dalawang apo, ay tumayo at kumanta ng “Mag-anak ay Magsasamang Walang-Hanggan.” Isang sandali iyon na hinding-hindi ko malilimutan. Napuno ang puso ko ng damdamin ng pasasalamat para sa ebanghelyo at sa kayamanan ng mga espirituwal na pagpapalang dumating sa akin para tulungan ako, alalayan ako, at turuan ako. Habang tinitingnan ko ang maganda kong pamilya at nakikinig sa mga titik na kanilang inawit, alam ko nang walang pag-aalinlangan na kami ay pamilyang “magpakailanman” pa rin.

  • Si Jackie Witzel ay miyembro ng Little Cottonwood Ward, Salt Lake Granite View Stake.