Paano Kung Hindi Ganito ang Hitsura ng Aking Pamilya?
Lubos kaming nagpapasalamat para sa mga buhay na propeta at apostol, na nag-isyu ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” 25 taon na ang nakararaan. Itinuturo nito sa atin ang walang-hanggang doktrina tungkol sa pamilya at itinala ang mga alituntuning ipinamumuhay ng mga mayroong matatagumpay na buhay mag-asawa at pamilya.
Gayunman, maaaring may mga taong napapaisip kung paano naaangkop ang pahayag sa kanila kung ang “kanilang nararanasan sa kasalukuyan ay hindi akma sa pagpapahayag sa mag-anak.”1
Tinalakay ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang problemang ito sa pangkalahatang kumperensya, nang ibahagi niya ang panghihikayat na ito: “Kahit na ang mahahalagang bahagi ng [plano ng kaligayahan] ay hindi natupad sa inyong buhay ngayon, ang mga ito ay mapapasainyo sa itinakdang panahon ng Panginoon. Ipinapangako ko rin sa inyo na maaari kayong magkaroon ng malaking pag-unlad at kaligayahan ngayon sa inyong mga kasalukuyang sitwasyon. Bilang isang anak na babae o anak na lalaki ng Diyos, ipamuhay ang anumang bahagi ng plano sa lahat ng inyong makakaya.”2