2020
Mga Himala ng Pagpapagaling sa pamamagitan ng mga Ordenansa sa Templo
Setyembre 2020


Mga Himala ng Pagpapagaling sa pamamagitan ng mga Ordenansa sa Templo

Mula sa mensaheng ibinigay sa mga temple president at matron sa Salt Lake Temple noong Oktubre 17, 2019.

Mapagagaling tayo ng ating Ama sa Langit sa pamamagitan ng ating gawain sa family history at sa templo.

Oakland California Temple

Larawan ng Oakland California Temple na kuha ni Mason Coberly

Ang lahat ng anak ng Diyos na may pananagutan sa kanilang mga desisyon—anuman ang lugar, oras, o sitwasyon kung saan sila nabubuhay o nabuhay—ay kailangang tanggapin ang pagkakataon na manampalataya kay Jesucristo, magsisi, at tanggapin ang Kanyang ebanghelyo, saanman sa magkabilang panig ng tabing. Ang bawat isa sa mga anak ng Diyos ay nangangailangan ng espirituwal na paggaling at bilang Kanyang mga disipulo, tinawag tayo para tumulong na gawing posible iyon.

Dahil sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas, ang nakapagliligtas na mga ordenansa sa templo ay nagtutulot sa atin at sa ating mga ninuno na ipanganak na muli, magbago tungo sa kalagayan ng kabutihan, matubos ng Diyos, at maging mga bagong nilalang (tingnan sa Mosias 27:25–26).

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang templo ang pakay ng bawat aktibidad, bawat aralin, bawat hakbang ng pagsulong sa Simbahan. Lahat ng pagsisikap nating ipahayag ang ebanghelyo, gawing sakdal ang mga Banal, at tubusin ang mga patay ay humahantong sa banal na templo. Ang mga ordenansa ng templo ay talagang napakahalaga. Hindi tayo makababalik sa kaluwalhatian ng Diyos kung wala ang mga ito.”1

Nang ang mga eskriba at mga Fariseo ay bumulung-bulong laban sa Kanyang mga disipulo, si Jesucristo ay sumagot sa kanila: “Ang mga walang sakit ay hindi nangangailangan ng manggagamot; kundi ang mga maysakit. Hindi ako naparito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan sa pagsisisi”(Lucas 5:31–32).

Ipinahayag ni Pangulong James E. Faust (1920–2007), Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Ang Panginoon ay naglaan ng maraming paraan upang makatanggap tayo ng [Kanyang] nagpapagaling na impluwensya. … Ipinanumbalik [Niya] ang gawain sa templo sa lupa. Ito ay mahalagang bahagi ng gawain ng kaligtasan kapwa para sa mga buhay at sa mga patay. Ang ating mga templo ay nagsisilbing santuwaryo kung saan maisasantabi natin ang halos lahat ng problema sa mundo. Ang mga templo natin ay mga lugar ng kapayapaan at kapanatagan. Sa mga banal na santuwaryong ito ay ‘pinagagaling [ng Diyos] ang mga may bagbag na puso, at tinatalian niya ang kanilang mga sugat.’ (Mga Awit 147:3).”2

Sa aming paglalakbay, naririnig namin ang mga kuwento tungkol sa mga himala ng pagpapagaling na nangyayari sa mga banal na templo sa lahat ng dako. Naririnig namin ang tungkol sa matatapat na miyembro na pumupunta sa templo na sakay ng mga bus at gumugugol ng buong araw at gabi upang isagawa ang mga nakapagliligtas na mga ordenansa para sa kanilang mga ninuno. Naririnig namin ang tungkol sa mga dedikadong kabataan na dumadalo sa templo nang maaga bago pumasok sa eskuwela para magsagawa ng mga binyag at kumpirmasyon para sa mga patay at tumulong sa iba’t ibang aspeto ng mga sagradong ordenansang iyon. Naririnig namin ang tungkol sa mga grupo ng mga young women at young men na sumasakay sa mga pampublikong sasakyan pagkatapos ng klase isang araw kada linggo para magbigay ng pagkakataon para sa kanilang mga ninuno na espirituwal na isilang na muli. Naririnig namin ang tungkol sa mga pamilyang namamangka nang ilang oras para makapunta sa templo upang matanggap ang nakapagliligtas na mga ordenansa sa templo para sa kanilang sarili, upang sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, sila ay maaaring mabago tungo sa kalagayan ng kabutihan. Naririnig namin ang tungkol sa mga indibiduwal na miyembro at pamilya na nakahahanap ng mga pangalan ng minamahal na mga ninuno sa araw ng Sabbath at pagkatapos ay dinadala ang mga pangalang iyon sa templo upang bigyan ang mga miyembro ng pamilya ng pagkakataong matubos ng Diyos. Naririnig namin ang tungkol sa 11-taong-gulang na mga batang lalaki at babae na sabik na pumunta sa templo at kailangang tumayo sa huling hagdan ng bautismuhan dahil ang tubig ay masyadong malalim para sa kanila—ang lahat ng ito ay para bigyan ang kanilang mga ninuno ng pagkakataon na maging mga bagong nilikha.

Kung iisipin natin ito, tayong lahat ay pumupunta sa templo upang espirituwal na mapagaling at ibigay sa mga nasa kabilang panig ng tabing ang pagkakataon na mapagaling din. Pagdating sa pagpapagaling, kailangang-kailangan nating lahat ang Tagapagligtas. Ilalarawan ko ito sa pamamagitan ng kuwento tungkol sa dalawa sa aking mga ninuno.

Sister Aburtos grandmother

Ang lola ko na si Isabel Blanco

Pagpapagaling sa Aking Lola at Itay

Ang aking lola na si Isabel Blanco ay isinilang sa Potosí, Nicaragua. Sa aking alaala, siya ay isang mapagmahal, masipag, at tapat na babae. Habang lumalaki ako, itinanim niya sa aking batang puso ang binhi ng pananampalataya habang nakikita ko siyang manalangin nang taimtim sa Diyos at sa pagdadala niya sa akin sa misa tuwing Linggo para sambahin si Jesus. Gayunman, hindi naging madali ang kanyang buhay. Isa sa maraming bagay na ginawa niya ay ang magtrabaho bilang kasambahay ng isang mayamang pamilya noong bata pa siya. Karaniwan noon at nakakalungkot na nabuntis siya ng kanyang amo at nang hindi na niya maitago ang kanyang pagbubuntis, siya ay tinanggal sa trabaho.

Ang aking ama na si Noel ang naging bunga ng pagbubuntis na iyon, at bagama’t ang Potosí ay isang maliit na bayan at alam ng lahat, kabilang na si Noel, kung sino ang kanyang ama, si Noel ay walang anumang tuwirang pakikipag-ugnayan o relasyon sa kanya.

Si Isabel ay hindi na nag-asawa pa, at siya ay nagkaroon ng dalawa pang mga anak sa labas. Pagkaraan ng ilang panahon, siya at ang kanyang tatlong anak ay lumipat sa kabisera ng bansa, sa Managua, para maghanap ng mas magandang trabaho at makapag-aral.

Ilang taon bago siya magdalawampung taong gulang, si Noel ay nalulong sa alak. Kalaunan ay nakilala at pinakasalan niya ang aking inang si Delbi at nagkaroon sila ng apat na anak. Sa paglipas ng mga taon, ang kanyang pagkalulong sa alkohol ay nagdulot ng mga problema sa kanilang pagsasama at matapos lumipat sa San Francisco, California, USA, noong sila ay mahigit 50 taong gulang, ay naghiwalay sila. Sa kasamaang palad, nagpakamatay siya pagkaraan ng ilang taon.

Kami ng nanay ko ay naging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ilang taon bago namatay ang tatay ko. Ilang taon pagkatapos ng kanyang kamatayan, ang lahat ng mga ordenansa sa templo ay isinagawa para sa kanya, maliban sa isa: ang ordenansa ng pagbubuklod. Sa panahong iyon, hindi ako nangahas na itanong sa aking ina kung gusto niyang mabuklod sa kanya, dahil alam ko kung gaano kahirap ang relasyon nila noon.

Sister Aburtos parents

Ang mga magulang ko na sina Noel at Delbi Blanco

Pagkatapos ay nangyari ang isang himala. Ang nanay ko ay nagkaroon ng isang panaginip kung saan ay nakita niya ang asawa niyang si Noel, sa labas ng pintuan ng kusina sa bahay nila sa Managua, na iniaabot ang kamay sa kanya at inaanyayahan siyang sumama sa kanya. Nagising siya na may mapayapang pakiramdam sa kanyang puso. Hindi nagtagal matapos niyon, tinawagan niya ako isang araw at mahinahong sinabi, “Magpapabuklod ako sa iyong ama ngayong Sabado. Maaari kang pumunta kung gusto mo.”

Tuwang-tuwa ako na sumagot, “Siyempre, gusto kong pumunta roon!” Pagkatapos naming mag-usap sa telepono, natanto ko na maaari rin akong maibuklod sa kanila.

Isang maluwalhating umaga ng Sabado, ang aking ina, ang aking asawa, at ako ay lumuhod sa altar ng templo at isinagawa ang mga ordenansa ng pagbubuklod para sa mga buhay at patay na nagbigay sa mga magulang ko at sa akin ng pagkakataong magkasama-sama magpakailanman. Naroon din ang anak kong lalaki para mag-proxy para sa kapatid ko, na namatay maraming taon na ang nakararaan. Sa banal na sandaling iyon, ang lahat ng pasakit at kalungkutan ay nalimutan. Nadama naming lahat ang nakapapawi at nagpapagaling na balsamo na ibinibigay sa atin ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, sa magkabilang panig ng tabing.

Pagkaraan ng ilang taon, nanaginip ako kung saan nakita ko ang aking ama sa tila isang pulpito sa isa sa ating mga meetinghouse. Siya ay nakasuot ng puting polo at kurbata, at nagbibigay siya ng isang nagbibigay-inspirasyong mensahe. Sa aking panaginip, masasabi kong siya ay isang bihasang lider ng Simbahan. Hindi ko alam kung ano ang kahulugan ng panaginip na iyon, pero binibigyan ako nito ng pag-asa na siguro ay tinanggap na niya ang ebanghelyo ni Jesucristo sa daigdig ng mga espiritu.

Sa isang punto, nagsagawa rin kami ng gawain sa templo para sa lola ko na si Isabel, maliban sa ordenansa ng pagbubuklod sa asawa dahil hindi siya nag-asawa noong nabubuhay pa siya. Isipin ninyo ito, ang isang babaeng tulad ni Isabel, na hindi pinakitunguhan nang may paggalang ng mga lalaki at naharap sa maraming paghihirap sa kanyang buhay, ay maaaring bigyan ng pagkakataon sa kabilang panig ng tabing na gamitin ang kanyang kalayaan at gumawa ng mga sagradong tipan sa Diyos sa pamamagitan ng mga ordenansa sa templo. Siya, tulad nating lahat, ay nangangailangan ng dagdag na pananampalataya, nangangailangan ng pagsisisi, nangangailangan ng pagmamahal, nangangailangang maging banal—sa madaling salita, nangangailangan ng paggaling.

Kapag nagbabalik-tanaw ako ngayon, nakikita ko na kahit si Noel ay may mahirap na kalagayan noong bata pa siya at may isang nakapipinsalang adiksyon, ang pagmamahal niya sa kanyang mga anak ay mas malakas kaysa sa kanyang mga kahinaan. Kapag kasama niya kami, lumalabas ang kanyang pinakamagagandang katangian. Palagi siyang mabait sa amin, at wala akong naaalala na kahit isang pagkakataon na nagalit siya sa kanyang mga anak. Dahil ang Diyos ay maawain, si Noel ay binigyan din ng pagkakataon na sumampalataya, magsisi, at tanggapin si Jesucristo bilang kanyang Manunubos sa pamamagitan ng nakapagliligtas na mga ordenansa sa templo na isinagawa sa banal na templo. Si Noel, tulad nating lahat, ay nangangailangan din ng pagpapagaling.

Ang mga ito ay dalawang halimbawa lamang ng mga walang-hanggang pagpapala ng pagpapagaling na ibinibigay sa mga indibiduwal at pamilya sa lahat ng mga templo ng Panginoon sa buong mundo. Itinuro ni Pangulong Nelson, “Inaanyayahan natin ang lahat ng anak ng Diyos sa magkabilang panig ng tabing na lumapit sa kanilang Tagapagligtas, tanggapin ang mga pagpapala ng banal na templo, magkaroon ng walang-hanggang kagalakan, at maging karapat-dapat sa buhay na walang hanggan.”3

Kapag naiisip ko ang tungkol sa lahat ng kailangang mangyari para matanggap nina Isabel at Noel ang walang-hanggang kaloob na iyon, naiisip ko na ito ay isang himala na ginawang posible ng isang mapagmahal na Ama sa Langit at ng Tagapagligtas na nagmamahal sa atin nang may perpektong pagmamahal at tumawag sa bawat isa sa atin na tumulong sa gawain at kaluwalhatian ng Diyos.

Nabanggit ang tungkol sa pagtitipon ng Israel, ipinahayag ni Pangulong Nelson, “Bawat isa sa mga anak ng Ama sa Langit, sa parehong panig ng tabing, ay dapat marinig ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Sila ang nagdedesisyon sa sarili nila kung nais nilang matuto pa.” At pagkatapos ay ipinaliwanag niya: “Anumang oras na gumawa kayo ng kahit ano na tutulong sa kahit sino—sa magkabilang panig ng tabing—na gumawa ng hakbang tungo sa paggawa ng mga tipan sa Diyos at tanggapin ang kanilang mahalagang ordenansa ng pagbibinyag sa templo, tumutulong kayo na tipunin ang Israel. Ganito lang ito kasimple.”4

Hindi ko alam kung tinanggap na ng aking lola na si Isabel, tatay na si Noel, at ng iba ko pang mga ninuno na nagawan na ng mga ordenansa sa templo ang ebanghelyo ni Jesucristo sa daigdig ng mga espiritu. Gayunman, maaari akong umasa, maaari akong manampalataya, maaari akong gumawa at tumupad ng mga tipan sa Diyos, at maaari akong mamuhay sa paraan na magtutulot sa akin na makasama ang aking mga ninuno “sa maligayang kalagayan, na walang katapusan” (Mormon 7:7).

At pagdating ko sa kabilang panig ng tabing, kung hindi pa nila tinatanggap ang ebanghelyo ni Jesucristo, titiyakin ko na ituro ito sa kanila! Sabik na akong yakapin sila, sabihin sa kanila kung gaano ko sila kamahal, ang magkaroon ng mga masinsinang pakikipag-usap na hindi ko kailanman naranasan noong nabubuhay pa sila, at magpatotoo sa kanila “na si Jesus ang Cristo, ang Diyos na Walang Hanggan.”5

temple

Larawan ng Mount Timpanogos Utah Temple na kuha ni James Whitney Young; background: litrato ng Panama City Panama Temple na kuha ni Matt Reier

Ang Kapangyarihang Magpagaling

Kung minsan, ang likas na lalaki o babae sa atin ay nag-iisip na tayo ay tinawag upang “ayusin” ang ibang tao. Hindi tayo tinawag na maging “tagaayos” ng ibang tao, at hindi tayo tinawag para magbigay ng sermon o manlait. Tinawag tayo para maghikayat, magbigay-inspirasyon, mag-anyaya sa iba na maging mga mamamalakaya ng mga tao, mga mamamalakaya ng mga kaluluwa upang matanggap nila ang pagkakataong espirituwal na mapagaling ni Jesucristo na ating Tagapagligtas at Manunubos.

Sa Isaias 61, mababasa natin ang mga salita ng Panginoon, na binanggit din Niya nang simulan Niya ang Kanyang ministeryo sa Jerusalem (tingnan sa Lucas 4:18–19). Ipinahayag Niya:

“Ang Espiritu ng Panginoong Dios ay sumasa akin; sapagka’t pinahiran ako ng Panginoon upang ipangaral ang mabubuting balita sa mga maamo; kaniyang sinugo ako upang magpagaling ng mga bagbag na puso upang magtanyag ng kalayaan sa mga bihag, at magbukas ng bilangguan sa nangabibilanggo;

“Upang magtanyag ng kalugodlugod na taon ng Panginoon, at ng kaarawan ng panghihiganti ng ating Dios; upang aliwin yaong lahat na nagsisitangis;

“Upang iukol sila na nagsisitangis sa Sion, upang bigyan sila ng putong na bulaklak na kahalili ng mga abo, ng langis ng kagalakan na kahalili ng pagtangis, ng damit ng kapurihan na kahalili ng kabigatan ng loob; upang sila’y matawag na mga punong kahoy ng katuwiran, na pananim ng Panginoon upang siya’y luwalhatiin.

“At sila’y magtatayo ng mga dating sira, sila’y magbabangon ng mga dating giba, at kanilang huhusayin ang mga sirang bayan, ang mga nagiba sa maraming sali’t saling lahi” (Isaias 61:1–4).

Itinuro ni Elder Dale G. Renlund: “Ang family history at gawain sa templo ay [nagbibigay] ng kapangyarihang pagalingin ang nangangailangan ng pagpapagaling. … Ang Diyos, sa Kanyang walang hanggang kakayahan, ay ibinubuklod at pinagagaling ang mga indibiduwal at mga pamilya sa kabila ng trahedya, kawalan, at kahirapan.”6

Itinuro ni Pangulong Nelson na “ang tunay na kapangyarihan na magpagaling … ay isang kaloob ng Diyos”7 at ipinaliwanag din na ang “pagkabuhay na mag-uli ay ang pinakadakilang pagpapagaling ng Panginoon. Salamat sa kanya, bawat katawan ay maibabalik sa kanyang wasto at ganap na anyo. Salamat sa Kanya, may pag-asa ang lahat ng kalagayan. Salamat sa Kanya, maganda ang kinabukasan, ngayon at sa kabilang buhay. Tunay na kaligayahan ang naghihintay sa atin—pagkatapos ng pagdurusang ito.”8

Pinatototohanan ko na mahal na mahal ng ating Ama sa Langit ang bawat isa sa atin kaya Siya ay naglaan ng “paraan”9 upang ang bawat isa sa atin ay pisikal at espirituwal na gumaling kapag nanampalataya tayo kay Jesucristo, gumawa at tumupad ng ating mga tipan sa Diyos, at sumunod sa Kanyang mga utos. Pinatototohanan ko na pumarito si Cristo sa mundo “upang magpagaling ng mga bagbag na puso, upang ipahayag ang paglaya sa mga bihag” (Lucas 4:18) upang ang bawat isa sa atin ay “maging banal, na walang dungis” (Moroni 10:33).

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, “Paghahanda para sa mga Pagpapala ng Templo,” Liahona, Okt. 2010, 41.

  2. James E. Faust, “Spiritual Healing,” Ensign, May 1992, 7.

  3. Russell M. Nelson, “Magpatuloy Tayo,” Liahona, Mayo 2018, 118–19.

  4. Russell M. Nelson, “Pag-asa ng Israel” (pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018), HopeofIsrael.ChurchofJesusChrist.org.

  5. Pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon.

  6. Dale G. Renlund, “Family History at Gawain sa Templo: Pagbubuklod at Pagpapagaling,” Liahona, Mayo 2018, 46, 48.

  7. Russell M. Nelson, sa Sheri Dew, Insights from a Prophet‘s Life: Russell M. Nelson (2019), 150.

  8. Russell M. Nelson, “Jesucristo—ang Dalubhasang Manggagamot,” Liahona, Nob. 2005, 87–88.

  9. Tingnan sa Isaias 42:16; 51:10; 1 Nephi 3:7; 9:6; 17:41; 22:20; 2 Nephi 8:10; 9:10; Eter 12:8; Doktrina at mga Tipan 132:50.